Tayo ay magdaraos ng pambansang halalan sa napakahalaga at napakaselang yugto ng buhay ng ating bansa.  Pipiliin natin ang mga taong mamumuno sa atin sa darating na panahon.  Banal at makabayang tungkulin natin bilang Kristiyano na piliin silang mabuti.  At, dapat nating tiyakin na ang ating pagpili ay igagalang at susundin.

Panatilihing Tapat ang Halalan

Dapat nating panatilihing tapat at malinis ang ating halalan.  Kung hindi tapat at hindi malinis ang halalan, magkakaroon tayo ng mga pinunong hindi natin inihalal, magkakaroon tayo ng mga lider na hindi natin inihalal, magkakaroon tayo ng mga lider na hindi natin pinili upang pamunuan tayo, mga pinunong magnanakaw ng mga tungkuling pambayan, at hindi mag-aatubiling nakawin ang kaban ng bayan.  Tayo ay pamunuan ng mga taong walang karapatang bigay ng Diyos upang tayo ay pamunuan.

Kung ang buhay natin ay naging kawawa, kung tayo ngayon ay nagdaranas ng labis na kahirapan, ng mga panlipunan at pampulitikang krisis, ang kasalanan ay sa atin.  Marami sa atin ang nagbibili ng kanilang mahalagang halal.  Ang iba ay bumoboto – para sa maliit na halaga – nang makailang ulit o nakikiisa sa hindi wastong pagbilang ng mga boto, isinasangkot ang mga sarili sa dagdag-bawas at binabago ang resulta ng halalan.  Marami rin ang nananakot sa ating mga kababayan upang huwag bumoto, o bumoto sa hindi nila gusto at mayroon ding gumagamit ng karahasan at pagpatay at hindi mag-aatubiling muling gamitin ang mga ganitong pamamaraan sa darating na halalan.

Ang karumihan ng halalan, tulad ng iba pang masasamang bagay, ang nagbigay sa atin ng ani ng kasamaan at kahirapan para sa ating mga sarili at sa ating bansa.  Inani natin ang ating itinanim (Gal. 6:7).  Tayo lamang ang dapat sisihin kung nais natin na tayo ay pagpalain ng Panginoon, at mamuhay sa kapayapaan at kasaganaan, ay dapat nating baguhin ang ating masasamang gawain sa panahon ng halalan.  Dapat nating bigyan ng pagpapahalaga ang ating mga boto at dapat tayong tumanggi na ipagbili ang ating mga boto sa mga kandidatong tiyak na may hangaring bawiin ang kanilang salaping ginugol sa halalan, sa ating kapahamakan.  Bumoto lamang tayo ng minsan, huwag takutin o pilitin ang mga manghahalal.  Bantayan natin ang ating mga balota mula sa presinto hanggang sa huling pagbilang.  Sama-sama tayong magsumikap para sa tapat at malinis na halalan upang ang tunay na nagwagi ang maiproklama at humawak ng tungkulin.

Pagboto sa mga Tamang Kandidato

Hindi sapat na panatilihin nating tapat at malinis ang halalan.  Kailangan ding iboto natin ang mga karapat-dapat na kandidato sa halalan.  Anong uri ng mga kandidato ang dapat nating iboto?

Iniaalok namin sa inyo ang mga gabay at pamantayang batay sa Ebanghelyo (cf., e.g., Mk. 10:35-45; Mt. 24:45-51; 25:14-30; Jn. 13:1-35).

Iboto ang kandidatong may KAKAYAHAN.  Ang kandidatong may kakayahan ay iyong kayang gampanan ang tunkulin kung siya ang mamumuno, siya ay iyong may anging kalusugang pampisikal, ng kakayahang pangkaisipan at matatag na damdaming kinakailangan upang magampanan ang mga tungkulin ng kanyan tungkulin at NAGPAKITA NA ng kakayahan at katapatang maglingkod sa pamayanan.  Pagganap sa tungkulin, hindi katanyagan, popularidad o mga pangako, ang pamantayan ng kakayahan.

Ang isang mahalagang bahagi ng kakayahang ito ay PAMUMUNO.  Hindi ito nangangahulugan ng popularidad o katanyagan, o galing sa pagttalumpati o pagsasalita ng mga pangako bagkus, ito ay isang paraan ng paglilingkod na nakahihikayat sa mga mamamayan na magsama-sama at ibigay ang lahat ng kanilang makakaya upang sila ay sama-samang gumawa upang makamit ang kabutihang pangkalahatan.  Ang mga tunay na pinuno ay iyong nakakakuha ng pagtitiwala, nakahihikayat at nakapagpapatibay sa pagkakaisa ng pamayanang pampulitika upang gumawa at umaksiyon para sa kapakanan ng lahat.  Sa ganitong malubhang krisis pangkabuhayan at paglaganap ng kriminalidad, nangangailangan tayo ng mga pinuno, lalo na ng isang pangulo, na makakapagbigay ng lunas sa ating mga suliraning pangkabuhayan at makakapagbigay ng katiwasayan at katahimikan.  Iboto ang mga kandidatong subok na ang kakayahan at katapatang gumawa para sa kabutihang pangkalahatan.  Hindi natin dapat iboto ang mga kandidatong corrupt na ang tangi lamang layunin ay mga pansarili at pampamilyang kapakanan.  Dapat nating iboto ang mga kandidatong NAGPAKITA NA ng kakayahang magsakripisyo at magpakasakit para sa mga mamamayan.

Iboto ang mga kandidatong mayroong PERSONAL NA INTEGRIDAD.  Ito ang mga taong nakatingin sa Diyos, may takot sa Diyos, maka-Diyos at may moralidad o kabutihang-asal.  Ibig sabihin ng personal na integridad ay ang isang tao ay mayroong mga simulaing moral na parating sinusunod sa kanyang mga gawain.  Kasama sa personal na integridad, unang-una, ay ang buong-buo at tapat na hangaring pangalagaan at ipagtanggol ang karapatang pantao at kalayaan ng mga tao, at katapatan sa paghawak at paggasta ng mga salapi ng bayan.  Ang personal na integridad ay nangangahulugan din ng katapatan at pagtupad sa mga pangako at pananalita at matuwid na pamumuhay sa kanyang pribado at pampamilyang buhay.

Sa kabuuan, ibot ang mga kandidatong NAGPAKITA NA ng kinakailangang KAKAYAHANG PAMUMUNO, PERSONAL NA INTEGRIDAD at KATAPATAN SA KABUTIHANG PANGKALAHATAN.

Panawagan sa mga Samahan

Nais naming himukin ang mga samahang hindi pampartido tulad ng PPC-RV, VOTE-CARE, NAMFREL, at iba pang katulad na samahan na magdaos ng mga kampanya upang imulat ang mga manghahalal at para ipabatid sa mga mamamayan ang mga kinakailangang katangian para sa isang kandidato na ihahalal.  Hinihiling din namin sa mga kandidato at sa kanilang mga tagapagtaguyod na ilahad nang buong katapatan ang mga dahilan kung bakit ang kanilang mga kandidato ay dapat iboto, na hindi gagamit ng mga propagandang itim laban sa mga kalabang kandidato.

Sasamantalahin din namin ang pagkakataong ito upang ihimok ang pagtatatag ng mga pamayanang ecclesial at ang pagpaparami ng kanilang mga kasapi sa tamang paraan ng Kristiyanong pakikilahok sa pulitika.

Panghuling Panawagan

Ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa pagpiling ating gagawin.  Umagaw tayo ng ilang sandali para manalangin upang makita natin kung sino ang dapat nating iboto.  Hilingin natin sa ating Panginoon na ituro sa atin ang karapat-dapat na kandidato na ating iboboto.  Piliin natin ang mga karapatdapat na lider at tayo at pagpapalain ng ating Panginoon sa pamamagitan ng mga pinunong pinili natin.  Pumili tayo ng masasamang lider at mga karalitaan at kapighatian ay mapapasaatin.  Bumoto tayo nang matalino at panatilihin nating tapat at malinis ang halalan upang matiyak natin ang magandang kinabukasan para sa atin at sa susunod na mga salinlahi ng Filipino.

Sapagkat kahit na ang pinakamagaling nating mga pagpupunyagi at pagsusumikap ay mawawalan ng kabuluhan kung wala ang tulong ng Panginoon, hinihiling namin para sa ating mga mamamayan ang biyaya at pagpapala ng Banal na Espiritu na bumabago sa mukha ng sanlibutan (cf. Ps. 104, 30).  Hinihiling namin ang panalangin ni Maria, Ina ng ating Panginoong Hesukristo at ating Ina, na makamit para sa atin, sa pamamagitan ng tapat at malinis na halalan, ang mga pinunong ating kinakailangan.  Sa ganitong pamamaraan ay maging karapat-dapat nawa ang ating mamamayan na maging kalugod-lugod sa Panginoon habang tayo ay papalapit sa taon ng Dakilang Anibersaryo sa 2000 A.D.