Payo at Pakiusap ng Simbahang Katoliko na may Pagmamahal sa ating Diyos at Bayan
Mga minamahal kong kababayan,
Nais naming kayong makausap habang tayo ay papalapit sa mahalagang bahagi ng ating paglalakbay bilang mga mamamayan at mga Kristiyano. Isang mensahe ng katotohanan ang dala namin sa inyo. Maaring ito ay makasakit subalit ito’y nakakapagpalaya.
Iniaabot namin ang aming kamay para makipagkaisa sa inyo, gayun din ang aming panalangin na paghilumin ang ating bansang winawasak ng pulitika.
Ito ang itinuturo ng katekismo ng Simbahang Katoliko ukol sa mga deklarasyon ng Simbahan sa mga isyung pulitikal: kabilang sa mga misyon ng Simbahan ang “magsaad ng moral na palagay sa mga bagay na may kinalaman sa pulitika kapag ito ay mahalaga sa mga pangunahing karapatan ng tao o sa kaligtasan ng kaniyang kaluluwa. Ibig sabihin, ang tanging kasangkapan ng Simbahan ay iyong naayon sa ebanghelyo at sa ikabubuti ng lahat ng tao ayon sa kalagayan ng panahon at ng mga pangyayari.” ( CCC 2246 )
Maka-Diyos na Paraan ng Pagpili
Ang mga debateng ipinakita sa mga pambansang broadcast, pati na rin ang mga nalathalang pananalita at kilos ng ating mga kandidato, lalo na ang mga tumatakbo sa pagka Pangulo ng Pilipinas, ay nagbigay sa atin ng larawan sa tunay nilang pagkatao, kung ano ang kanilang knakatawan, at kung ano ang kanilang mga paninindigan na itinataguyod o nilalabanan.
May malaking pagkakaiba ang tama at mali, at hindi ito nagbabago maging sa pulitika.
Ang mga Katolikong tapat sa paghahari ni Kristo ay hindi dapat pumili ng kandidato na may paninindigang ilalagay sa panganib ang ating bayan, at higit pa roon, ay wawasakin ang moralidad nito. Hindi natin maaring iproklama si Kristo bilang Hari kung kasabay nito ay tinatanggap natin ang pamumuno ng isang tao na ang isip, pananalita at kilos ay taliwas sa pamumuno ni Hesukristo.
Nauunawaan namin ang inyong paghangad ng pagbabago. Ang ating mga kababayan ay nagdurusa sa pagwawalang bahala ng mga namumuno at sa kawalan ng kakayahan sa pamamahala. Ngunit ang mga ito ay hindi dahilan para ibigay ang suporta sa kandidato na ang pananalita, kilos, plano at programa ay walang pagpapahalaga sa karapatan ng iba, at walang paggalang sa Simbahan at sa mga aral nito lalo na tungkol sa moralidad.
Ang Simbahang Katoliko ay hindi kailanman humiling sa mga kandidato na hingin ang endorso nito. Ngunit lagi nitong pinapaalala sa mga Katolikong botante na ang pagboto ay hindi lamang obligasyon bilang mamamayan, ngunit higit pa, ito ay lantad na deklarasyon ng kanyang pag-ibig sa Diyos. Ito ang aming apela sa inyo, mga kapatid na Katoliko, sa darating na eleksyon.
Isang Bansang Nananalangin
Pinararangalan namin ang mga laikong Katoliko at mg samahan ng kabataan sa kanilang mga gawain para tayo ay magkabuklod-buklod at manalangin para sa tamang gabay sa pagpili ng mga nararapat na pinuno. Hinihikayat namin kayo na magrosaryo araw-araw at tumanggap ng Komunyon mula ika-1 hanggang ika-9 ng Mayo. Sa mga nobena at misang ito, hihingin natin sa Panginoon ang maka-Diyos na pamamalakad ng halalan. Sa pahintulot ng mga Obispo, ang Blessed Sacrament ay ilalabas sa publiko para hingin sa Diyos ang isang mapayapang halalan.
Sa mga mahal naming kandidato, kami ay nakikiusap.
Ilang araw na lang at pipili na ang sambayanan kung sino ang mamamahala sa kanila. Dahil ang halalan ay patunay ng ating pagiging malaya, kaming mga Obispo ay nagsusumamo na hayaan ninyong bumoto ang bawat Pilipino ayon sa kanyang konsyensya. Huwag po natin linlangin, lokohin o dayain ang bayan.
Ang panahon ng kampanyang ito ay naging puno ng alitan. Hindi lamang mga kandidato ang nag-away-away, pati na ang mga tagasuporta. Maging mga magkakaibigan ay nagkasamaan ng loob dahil lamang sa diperensiya sa pulitika. Kaya habang kami ay nagpapayo sa mga botante, hinihiling din namin sa mga iginagalang na kandidato: magdsal po kayo.
Magdasal po kayo hindi lamang para manalo, kundi para iparamdam ng Panginoon sa ating lahat kung sino ang kanyang pinipiling lider para sa kritikal na yugtong ito ng kasaysayan ng ating bayan.
Panahon Para Magkaisa
Pagkatapos ng eleksyon, kapag kayong mga nagwagi ay naproklama na alinsunod sa batas, hinihingi namin sa inyo, sa ngalan ni Hesukristo, na maging instrumento kayo ng kapayapaan, paghihilom at pagkakabati.
Sana ang mga mananalo ay magpakumbaba at kalimutan na ang mga masasakit na pananalita ng mga naging katunggali, at sa halip ay akitin sila tungo sa pamahalaang nagkakaisa, batay sa katotohanan at katarungan, at hindi sa sariling interes at pamumulitika lamang.
Pinapaalalahanan namin ang lahat ng magwawagi sa eleksiyon na sa kanilang panunumpa, sang-ayon sa batas, sila ay tatawag sa Panginoon bilang kanilang saksi, at kahit hindi nila sabihin, sila ay manunumpa sa harap ng mga taong anak ng Diyos. Lahat ng opisyal pampubliko ay manunumpa na ipagtatanggol ang ating Saligang Batas at mabibigyan ng katarungan ang bawat mamamayan.
Sa gayon, ang mga karapatan ng mga anak ng Diyos na nakasulat sa Saligang Batas, at ang pangangailangan ng katarungan, pagkakaisa, kaunlaran, at kapayapaan ang magiging sandigan ng mga batas na ipagtitibay, hindi ano pa mang pansariling katwiran, sumpong o paghihiganti.
Kung sino man ang magwawagi sa malinis na paraan, kung sino man ang siryosong manunumpa sa kanyang katungkulan, kung sino man ang magbubuklod-buklod ng bayan mula sa pagkakahiwalay sanhi ng pulitika, kung sino man ang rerespeto sa karapatan ng lahat, na tunay na may takot sa Diyos at masigasig na susunod sa kanyang mga aral, ay makakatanggap ng suporta at tulong mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines. Gagawin namin ang lahat, kasama ang mga kaparian hanggang sa mga pinakamalayong barangay na aming pinaglilingkuran, para sa isang gobyernong may takot sa Diyos, hindi nag-iisip ng paghihiganti, bagkus ay pinaghaharian ng pagpapatawad at malasakit sa lahat.
Panalangin
Tumatawag ako sa Mahal na Ina na ilukob ang ating bansa sa ilalim ng kaniyang pagmamahal, at hilingin sa kaniyang Anak na bigyan tayo ng isang makahulugan at mapayapang halalan, at isang pamahalaan na magbibigkis sa mamamayan sa harap ng Panginoon at sang-ayon sa Kanyang kalooban.
Panginoon, paghilumin mo ang aming bayan. Panginoon, paghilumin mo ang aming bayan.
Mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines, May 1, 2016
+SOCRATES B. VILLEGAS
Archbishop of Lingayen, Dagupan
President, Catholic Bishops’ Conference of the Phils.