Landas ng Pagpapakabanal
Sulat Pastoral
ng Kapulungan ng mga Obispong Katoliko
ng Pilipinas sa mga Pilipinong Katoliko
Mga minamahal naming kapatid kay Kristo:
1. Sa nagdaang panahon sumulat kami sa inyo tungkol sa kalagayan ng ekonomya, pulitika, at kultura sa ating bansa. May maliwanag, may madilim sa mga aspetong nabigyang pansin tungkol sa ating kasaysayan at kasalukuyang kalagayan bilang isang bayan. Ang lahat ng ito ay may ipinakikita at ipinahihiwatig tungkol sa atin bilang mga mananampalataya at mamamayan, sa atin bilang isang bayang naturingang bukod-tanging Katoliko sa Asya. Batay sa nailarawang kalagayang pang-ekonomya, pampulitika, at pang-kultura, maipagmamalaki ba natin na tayo ay isang bansang “Kristiyano”? May naidudulot bang pagkakaiba ang pananampalatayang Kristiyano sa takbo ng kasaysayan at sa paghubog sa lipunang Pilipino? Ano ang masusulyap sa ating kalooban bilang isang bayan, batay sa takbo at kalagayan ng ating lipunan? Sino tayo, at anong klaseng landas ng pagpa-pakatao at pagpapakabanal ang sinusundan natin?
Layunin
2. Sa bagong sulat-pastoral na ito, bilang tugon sa panawagan ng Santo Papa Juan Pablo II na ihanda ang Santa Iglesya sa kanyang paglalakbay patungo sa ikatlong milenyo, nais naming anyayahan kayo—mga minamahal na kapatid sa pananampalataya—na pagtuunan ng pansin ang landas ng pagpapakabanal na ating nakagisnan bilang mga Katolikong Pilipino. Saan tayo nagsimula, nasaan tayo ngayon, saan tayo patungo? Saan, paano, at kailan natin nakatagpo sa ating kasaysayan ang Panginoong Hesukristo? Anong pagkakaiba ang naidulot at naidudulot sa atin ng pagtatagpong ito?
3. Kasama ang Kristong ating nakatagpo, sisikapin nating mailarawang muli ang nakaraan at mabigyan ito ng bagong kahulugan. Sa gitna ng kadilimang ating nilalakbay, hayaan nating pag-alabin niyang muli ang ating mga puso. Hayaan nating maipakilala niyang muli sa atin ang kanyang sarili, ang kanyang layunin, ang kanyang landas.
4. Kung tutuusin, para sa amin din ang sulat na ito, dahil— kung landas ng pagpapakabanal ang pag-uusapan—saan pa ba kami magsisimula kundi sa aming sari-sariling mga karanasan at pagmamasid din tungkol dito? Sa gayon ay magagawa din naming suriin, kilatisin at punahin ang aming mga sarili bilang isang kalipunan ng mga obispo—sa aming kaugnayan sa mga pamayanang Kristiyanong ipinagkatiwala sa amin ng Pastol ng mga pastol—ang Panginoong Hesukristo. Hindi lang minsan o makalawa na naming naitanong sa aming sarili nitong mga nagdaang panahon, kung masasabi ba namin bilang mga pastol na kilala namin ang aming mga tupa kung paanong kilala rin nila kami at sinusundan ang aming tinig? O baka kaya, lingid sa aming kamulatan, ang tinig nami’y banyaga na sa kawan at ang kawan ay malaon nang nawalay sa amin? Kayo, mga kapwa mananampalataya, ang magsasabi nito pagkabasa ninyo ng sulat na ito. At dahil hangad naming makipag-usap nang puso-sa-puso, minabuti rin namin, sa kauna-unahang pagkakataon na isulat ito sa isang wikang hindi banyaga sa inyo, sa wikang natanggap na natin bilang wikang pambansa, lalo na sa pagkakataon ng ika-isandaang taon ng ating pagiging isang bansang malaya.
“Matanda” ang Itawag Ninyo sa Amin
5. Kahit totoong marami sa aming mga obispo ang may-edad na, madalang lang ang matutuwa kapag may nagsabing “matanda” na siya. Sino nga ba ang nais matawag na “matanda” kung iniuugnay ito sa pagputi o pagkalagas ng buhok, sa pagiging sakitin, bugnutin, ulyanin at wala nang silbi? Mas matamis nga naman sa tenga ang masabihang “Bata pa pala kayo,” dahil iniuugnay ito sa pagiging malakas, masigla at may silbi.
6. Sayang naman kung patatangay na rin tayo nang lubusan sa ganitong uri ng pag-iisip. Unti-unti, ito na ang kaisipang nangingibabaw sa mga lipunang babad sa kapitalismo at konsumerismo. Kapital nga naman ang tingin sa pagkabata, may silbi pa sa produksyon. Pasanin ang matatanda, pabigat, wala nang silbi sa paggawa. Iyon ay kung produksyon ang pangunahing batayan ng pagiging “may-silbi”. Hindi ito Pilipino, at lalong hindi Kristiyano.
7. Sa katunayan, kabaligtaran ng ulyanin, makakalimutin at walang silbi ang ugat na kahulugan ng salitang “matanda”. Ma-tanda ang hindi madaling makalimot, matandain. Higit sa lahat, mahusay bumasa at umunawa sa mga palatandaan ng buhay, dahil mas mayaman sa karanasan. Sa katutubong kultura natin, hindi ang may-edad, kundi ang mga batang kulang pa sa karanasan ang madaling makalimot. Kaya nga pinahahalagahan sa atin ang nakatatanda. Iginagalang, pinakikinggan, may mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan. Sa pagdaan ng panahon, hindi lang matanda ang itatawag sa kanila. Sila na mismo ang ituturing nang Tanda (hal. Tandang Pasyo, Tandang Sora), mga buhay na mapang nagtuturo ng landas upang di maligaw ang manlalakbay.
8. Aba, kung ganito pa rin ang kahulugan sa atin ng “matanda” ay ikararangal naming matawag ninyong nakata-tanda! Sa katunayan hindi ito nalalayo sa sinaunang pakahulugan sa salitang presbyteroi sa Banal na Kasulatan. Sanhi marahil ng impluwensiya ng kulturang Hudyo, tinawag ding “matatanda” ni San Pablo ang mga tagapangasiwa sa mga sinaunang pama-yanang Kristiyano. Sa kanyang paglalahad sa mga katangiang hinahanap sa mga pinuno ng pamayanan, malayang pinagpapalit ni San Pablo ang salitang episkopos (tagapangasiwa) at presbyteros (nakatatanda). (Tito 1:5-7; 1 Tim 3:1-7; 5:17-19). Tinatawag niyang “matanda” ang mga obispo dahil itinuturing silang nakatatanda sa pananampalataya na nahirang bilang tagapangasiwa sa pamayanang Kristiyano. (LG, 26-27; CD, 2 & 15).
9. Ganito pala ang papel namin bilang mga nakatatanda: ang magmasid at makinig nang mabuti sa mga pangyayari, sa takbo ng panahon, sa nakaraan at kasalukuyan, upang malaman ang dapat patunguhan ng pamayanan. May kinalaman pala ito sa kakayahang bumasa ng kalooban ng tao at tumuklas sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa mga palatandaan, at pag-unawa sa kahulugan ng mga ito. May kinalaman pala ito sa pakikiisa sa gawain ng Dakilang Pastol sa pangangalaga sa kawan, lalo na sa mga maliliit, sa paggabay at pag-aantabay sa buong pamayanan sa gawain ng pagkilatis sa tama at mali, sa mabuti at masama, sa matuwid at lihis. At kahit na ito’y isang kakayahang kaloob ng Diyos na kalakip ng aming mismong pagkakahirang bilang mga obispo, hindi rin pala namin basta maipapalagay na taglay nga namin ito, kung hindi rin kami kasamang nagsusumikap na may kababaang-loob na makilakbay sa landas ng pagpapakabanal bilang Kristiyanong Pilipino.
10. Ang ganitong kamulatan sa papel na dapat naming gam-panan bilang inyong mga pastol at pinunong-lingkod ang siya ngayong gumagabay sa paglikha namin ng sulat-pastoral na ito.
I. PAGLALARAWAN
Landas na Nakagisnan
11. Aminin natin, hindi payak ang minana nating landas ng pagpapakabanal. Bunga na ito ng masalimuot nating kasaysayan bilang mga pamayanang may angkin nang katutubong karanasan sa Banal bago pa napadpad dito sa atin ang mga unang misyonerong Kastila na nagdala ng pananampalatayang Kristiyano sa atin. Banyaga sa atin ang pananampalatayang ito. Tinanggap ng ating mga ninuno kung paano tinatanggap ang dayuhan: magalang, mapitagan, masuyo—ngunit nanatili munang dayuhan. Kailan at paano ito unti-unting tumalab sa ating katutubong kalooban ay mahirap nang bakasin. Sapat nang sabihin na sa kabila ng himagsikang nagwaksi sa dayuhang mananakop, nanatili pa rin ang Kristiyanismo sa atin. Maaari kayang sabihing palatandaan ito na kahit paano’y nagkatugunan din ng kalooban ang katutubo at dayuhan at nagbunga ang pagtatalik ng dalawang abot-tanaw ng isang mestisong supling? Nawala ang dayuhang ama, ngunit naiwan ang mestisong supling.
12. Aminin natin, hindi man katutubo ang Kristiyanismo sa Pilipinas, ay hindi na rin ito dayuhan. Kapwa dumadaloy na sa ating kamalayan bilang Pilipinong mananampalataya ang kaloobang sabay na katutubo at dayuhan. Ni hindi tayo maihahalintulad sa ibang mga Kristiyano sa Asya na minorya sa kani-kanilang mga bansa. Kung baga sa banyagang puno na natanim sa katutubong lupa, malalim na rin ang pagkakaugat sa atin ng pananampalatayang Kristiyano. Tumubo ito at nagsanga. Kumusta ang bunga, matapos ang mahigit na apat at kalahating dantaon? Ano ang ibinunga nitong kalooban? Ano ang mga katangian, hangarin, kakayahan at kakulangan ng kaloobang ito? Anong landas ang sinusundan nito sa gawaing pagpapakatao at pagpapakabanal?
13. Sikapin nating hanapin ito sa ating mga sinasabi at ibig sabihin, sa ating mga kagawian, kaugalian, at ibig ipahiwatig ng mga ito. Kung minsan, hindi tayo magkaunawaan dahil narinig man nang malinaw ang ating sinasabi, hindi naman naunawaan ang ibig nating sabihin. Sa usapin man ng landas ng pagpapakabanal, marami tayong sinasabi. Ipinahahayag natin ang mga ito sa mga salitang taglay ng ating mga kasabihan o kawikaan, sa mga kaisipang ipinahahayag ng ating mga kau-galian, at sa ating mga iniaasal sa kapwa. Ano ang ating sina-sabi? At ano naman ang ibig nating sabihin? Ano ang ipina-susulyap nito tungkol sa kaloobang Pilipino?
14. Sa mga malaon nang magkakilala at magkalapit-loob, hindi ito problema. Isang kindat lang, o turo ng nguso, o taas-kilay, ay maaari nang magkaunawaan. Sa mga magkalayong-loob, kung minsan, anumang dami ng salita at pahiwatig ay hindi pa rin magkaintindihan. Alin kaya kami sa dalawa, kaming inyong mga obispo?
15. Sa unang bahaging ito ng aming sulat, nais naming ilara-wan sa abot ng aming makakaya, ang landas ng pagpapakabanal na sinusundan ng kaloobang Pilipino. Tatlong bagay daw ang kahulugan ng salita (dabar) sa mga Hebreo: salita ng isip, salita ng bibig, salita ng gawa. Bibigyan namin ng pansin ang tatlong aspetong ito sa ipinahahayag na salita ng Pilipinong Kalooban tungkol sa landas ng pagpapakabanal, ayon sa ating mga kaisipan, kasabihan, kawikaan, larawan, kaugalian, kahiligan, atbp, kasabay ng pagbigkas sa ibig ipakahulugan at ipahiwatig ng mga ito.
A. Sinasabi at Ibig Sabihin
“Loob, Kalooban”
16. Malawak ang mga panulat na nailimbag na ukol sa kahulugan ng loob at kalooban para sa Pilipino. At dahil nasa larangan ng loob at kalooban ang tinatalakay nating landas ng pagpapakabanal, kahit pahapyaw lamang ay sikapin natin ngayong bigkasin ang kahulugan ng larangang ito.
17. Pag sinabi tungkol sa isang binata na “Nasa pagpapari ang loob niya,” ibig sabihin, pangarap niyang maging pari. Kapag sinabi namang “Buo na ang loob niya,” ibig sabihin, nagpasiya na siya. “Hindi niya kalooban ang nangyari.” Ibig sabihin, hindi niya kagustuhan. Hangarin, layunin, kagustuhan, pangarap, desisyon, ibig mangyari… ang lahat ng ito’y nasa larangan ng loob, panloob, o kalooban para sa atin. Ang damdamin ng pagkaakit, pagka-humaling at pag-ibig ay gayundin.
18. Kapag sinabi halimbawang “May loob sa Diyos ang taong iyan,” ibig sabihin, may kabanalan siyang taglay. Ganito kung ilarawan ang mga taong may kabanalan, “may loob sa Diyos.” Malinaw sa atin ang pagkakaiba ng tunay na banal sa “nagbabanal-banalan” lamang. Ang “pagbabanal-banalan” para sa atin ay nasa larangan ng puro panlabas, wala sa loob. Hindi kaiba sa madalas kutyain bilang “pakitang-tao”. Para sa atin, hindi sapat na batayan ng kabanalan ang nakikita sa panlabas na kaanyuan, kahit maaaring makita at madama sa panlabas na kaanyuan ang Banal. Mas mahalaga kaysa dalas ng pagsisimba, pagdarasal, at iba pang gawaing iniuugnay sa kabanalan ang tanong: “may loob ba siya sa Diyos?” Sa larangan ng loob, panloob, o kalooban nagaganap ang tunay na kabanalan. Hindi tuloy kataka-taka na hindi maipaghihiwalay sa atin ang kabanalan at kagandahang-loob—na lagi namang nakaugnay sa pagiging mabait, matapat, mapag-malasakit, mapagpakumbaba, atbp.
Ito marahil ang dahilan kung bakit sa atin, hindi na kailangang ipaliwanag pa ang talinghaga ng pariseo at publikano (Lukas 18:9-14). Madaling maunawaan ng Pilipino kung bakit hindi ang pariseong nagmamapuri sa kanyang gawaing-kabanalan kundi ang publikanong makasalanan ngunit nagpapakumbaba ang nakitaan ng kabanalan ng Panginoon.
“Banal, Mahal”
19. “Di tayo pababayaan ng Mahal na Birhen.” “Malapit na ang Mahal na Araw.”
Kapansin-pansin sa ating paraan ng pananalita kung paano natin malayang ipinagpapalit ang salitang banal sa mahal. Sa atin hindi magkaiba ng kahulugan ang dalawa. Mahal ang Banal, Banal ang Mahal. Mahal ang turing natin sa Banal. Dahil kaya mahal ang tawag natin sa mga bagay na namumukod-tangi, kakaiba, di-mumurahin, mahalaga? Mahal din ang tawag natin sa mga taong may malalim na kaugnayan sa buhay natin at pinahahalagahan natin.
20. Sa isang banda, masasabing ipinahihiwatig lamang nito na ang kabanalan ay itinuturing nating kayamanan— kaya Mahal. Ito’y nagpapatingkad sa uri at katangian ng pagkatao ng tao, at nagbibigay ng kakaibang halaga sa gawain at samahan. Marahil isang dahilan ito kung bakit lahat ng luho, alahas, maringal na kasuotan at iba pang bagay na mamahalin ang ibinabalot ng Pilipino sa mga poon, sa Mahal na Birhen, sa mga santo’t santa. Hangad nating ipahayag ang karangalan nila, ang kamahalan nila. Ibig nating itampok ang kaibahan nila, ang halaga nila sa atin.
21. Sa kabilang banda naman, may iba pang ipinasusulyap ito sa atin. Maaaring ipinahihiwatig din nito sa atin na ang kabanalan ay laging nakaugnay sa mahal, sa pagmamahal. Banal si Kris-to sapagkat minahal niya tayo, at lubhang inialay ang buo niyang buhay sa ikatutubos natin. Dalisay na pagmamahal, kagitingan, kabayanihan — ang lahat ng ito ay iniuugnay natin sa kabanalan. Para bang ibig nating sabihin: walang masu-sulyapang Banal sa taong hindi marunong magmahal.
22. Kaya pala parating napakatindi ng dating sa atin ng mga salita ni San Pablo: “Anumang husay kong magsalitang tulad ng tao at mga anghel, kung wala akong pagmamahal, wala akong ipinag-iba sa maingay na batingaw at pompiyang na uma-alingawngaw. Anumang husay kong manghula at umunawa… ipamigay ko man ang lahat ng ari-arian ko, pati na ang katawan ko, kung wala akong pagmamahal, walang katuturan ito.” (1 Corinto 13:1-3)
“Awa ng Diyos”
23. Madalas mabanggit sa karaniwang usapan ng Pilipino ang awa ng Diyos. Sa natutuksong mawalan ng pag-asa, may nagsasabi: “May awa ang Diyos.” Sa kinukumusta, “Mabuti naman, awa ng Diyos.” Sa nagmamano: “Kaawaan ka ng Diyos.” Sa kamalayang Pilipino, halos pareho ang awa sa grasya, sa biyaya. Kahit bunga pa ng ating pinagpaguran o pinaghirapan ang anumang kariwasaang natamo natin, tiyak na mangingibabaw pa rin ang paniwalang ito’y mula sa awa ng Diyos.
24. Palagi, para sa atin, may kinalaman ang awa sa Banal. Walang kabanalan sa taong malupit at hindi marunong mag-patawad. Walang kabanalan sa taong walang malasakit at hindi man lamang maantig ang damdamin kapag nasaksihan ang pagdurusa ng kapwa. Ilan sa mga talinghaga sa ebanghelyo ni San Lukas na Pilipinong-pilipino ang dating ay ang mabuting Samaritano (Lukas 10:30-37), at ang alibughang anak (Lukas 15:11-32). Malakas tumimo sa damdaming Pilipino ang mga kuwentong ito dahil awa ang paksa: awa ng Samaritano sa biktima, at awa ng ama sa anak. Kapwa larawan ng kabanalan sa atin ang dalawa dahil inuugnay natin ang awa sa Banal.
25. Sa kabilang dako, mulat din naman tayo na hindi lang sa awa nasusubok ang tunay na kabanalan kundi rin sa gawa. Sa mga taong dasal na lamang nang dasal, madalas mabanggit ang isang lumang kasabihan na alam nating lahat: “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”
“Mabuting Hangin”
26. Hangin ang larawang madalas nating gamitin sa maraming kalagayan: sa taong galit, “masama ang timpla ng hangin”; sa taong mayabang, “malakas ang ihip ng hangin”; sa taong maysakit, “nahipan ng masamang hangin”. Sa mga taong laging kamalasan ang dala, nasasabi kung minsan: “Anong masamang hangin ang nagpadpad sa iyo dito?” At pag hindi ka nagsisimba, kung minsa’y mapagsasabihan ka ng matatanda: “Pumasok ka nga ng simbahan nang mahipan ka ng mabuting hangin.”
27. Hindi malayo ang kaisipang ito sa paglalarawan sa Espiritu Santo ng Banal na Kasulatan: hangin (Gen 1:2), hininga ng Diyos (Juan 20:22). Ang Banal para sa atin ay parang mabuting hangin na nagdudulot ng kaayusan, nagtataboy ng masamang hangin ng galit at hidwaan. Di ba’t hangin din ang larawang ginamit ni San Lukas tungkol sa pagdating ng Espiritu Santo sa araw ng Pentekostes? (Gawa 2:2) Isang hanging yumanig sa buong kabahayan at nagdulot sa kanila ng mga “dilang apoy”, o kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika; isang kakayahang maghatid ng pagkakaunawaan, ng bagong kaayusan. Ang bagong hanging ito ang nagtaboy sa masamang hangin ng sumpa ng Babel, sa sumpang nagdulot ng pagkakawatak-watak, ayon sa aklat ng Genesis. (Gen 11:1-11)
Ang Tamang Daan
28. Kung ang buhay para sa atin ay paglalakbay, ang kabanalan ay may kinalaman sa paghahanap sa tamang daan. Madalas ilarawan ang mga taong napapasama bilang “mga nalilihis ng landas.” Ang tingin sa kanila’y parang manlalakbay na naligaw o nawalan ng direksyon. Walang damdaming Pilipino na hindi naaantig kapag naririnig sa kantang Anak: “Nagdaan pa ang mga araw at ang landas mo’y naligaw, ikaw ay nalulong sa masamang bisyo.” Magkaiba para sa atin ang naliligaw sa nawawala. Hindi “ligaw” ang tawag sa taong kusang lumihis ng landas. Pinaghahanap ang naliligaw, dahil, sa ganang atin, hindi sinasadya ang pagkakamali. Ang mismong paghahanap ay sagisag na ng naunang patawad sa nagkamali.
29. Kung paglalakbay ang pagpapakabanal, ito’y may layunin, at hindi lahat ay umaabot sa paroroonan. Isa pang dahilan dito’y ang “paglaki ng ulo”. Kaya rin siguro may kasabihan tayong: “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi maka-rarating sa paroroonan.” Malalim ang ating pagpa-pahalaga sa gawain ng pagtanaw ng utang-na-loob. Para sa atin, hindi kailanman pinagpapala ang mga taong walang utang-na-loob. May kinalaman ang nakaraan sa hinaharap. May kinalaman ang pinag-mulan sa patutunguhan. Hindi aabot ang nakalilimot. Pangunahin sa mga hindi dapat talikdan, para sa atin, ay ang mga ninuno, mga magulang, mga kamag-anakan, at ang abang simulain. Isang banal na gawain sa atin ang pag-iilaw ng kandila sa mga yumaong ninuno, magulang, at kamag-anakan. Isang banal na gawain din ang alagaan ang matatanda hanggang kamatayan. Isang banal na tao ang nananatiling mababa ang loob kahit nagtagumpay na, o malayo na ang nara-rating. Isang banal na gawain ang maging mulat sa kasaysayan. Hindi lamang ito pag-alaala at pagsalaysay sa mga nangyari sa nakaraan, kundi pagbabalik sa nakaraan sa hangaring mabigyang-saysay ang kasalukuyan at ang hinaharap. Di ba’t ito rin mismo ang kahulugan ng paggunitang ginagawa natin sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya: “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lukas 22:19; 1 Corinto 11:24-25).
Pagpapakabanal, Pagpapakatao
30. Ang landas ng pagpapakabanal at landas ng pagpapaka-tao—para sa atin—ay hindi mapaghihiwalay. Hindi kailanman tatawaging maka-Diyos ng Pilipino ang hindi makatao. At nasusubok—para sa atin—ang pagkatao at pagpapakatao sa pakikipagkapwa-tao. “Madali ang maging tao, ngunit mahirap ang magpakatao.”
31. Palitan man ang salitang “tao” dito ng “Kristiyano”, hindi magbabago ang saysay ng kasabihang ito: “Madali ang maging Kristiyano, ngunit mahirap ang magpaka-Kristiyano.” Ang tinutukoy na mahirap ay may kinalaman sa proseso, sa masalimuot na landas na kailangang lakbayin tungo sa pagiging lantay na tao. Halos ipinapalagay ng kasabihan na ang hindi nagpapakatao ay nagpapakahayop. “Hayop” ang palasak na turing sa mga taong hindi asal-tao, walang awa at walang paggalang sa kapwa. Ipinapalagay nating parang hayop ang tao hangga’t hindi siya natututong magpakatao, hangga’t hindi pa niya nalalampasan ang pagka-makasarili, hangga’t hindi siya natututong magbigay, maglingkod, magmahal, mag-alay ng sarili sa isang dakilang layunin. Kanino pa natin mas lubos na matututuhan ito kundi sa Panginoong naghabilin sa kanyang mga alagad: “Magmahalan kayo, tulad ng pagmamahal ko sa inyo.” (Juan 15:12) At paano ba siya nagmahal? Ito ang sinasagot ng kasunod: “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pagiging handang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa kaibigan.” (Juan 15:13)
32. Pag-ibig sa kapwa, pag-aalay ng buhay para sa kapwa, pakikipag-kapwa… ito para sa atin ang buod ng pagpapakatao. Ito rin ang pundasyon ng pagpapakabanal.
B. GinAgawa at Ibig Ipahiwatig
33. Ano naman kaya ang ipinakikilala sa atin ng ilang mga popular na pagpapahayag ng kabanalan— tungkol sa kaloobang Pilipino? Kapansin-pansin na ang karamihan dito’y kusang ginagawa ng maraming mga Katolikong Pilipino kahit walang kinalaman sa mga tradisyonal na liturhiya at turo ng simbahan. Ilan lamang sa maraming halimbawa ang mga sumusunod:
Pag-aantanda
34. Walang dudang sa simbahan napulot ng marami ang pag-aantanda o pagkukurus, dahil ginagawa natin ito sa simula at katapusan ng mga pagdiriwang na liturhiko at para-liturhiko. Pero sino ang nagturo sa Katolikong Pilipino na mag-antanda sa loob ng jeepney sa bawat madaan ito sa tapat ng isang simbahan? Sino ang nagturong magkurus siya kapag may nabalitaang masama, kapag nasa bingit ng panganib, o kapag may dumarating na kalamidad, o sa simula ng kahit anong paligsahan? Walang paliwanag at walang ibang dahilan kundi ang udyok ng dam-daming may tiwala sa lakas at kapangyarihan ng tandang ito sa buhay natin, tulad din ng tiwala ni San Pablo: “Sa napapari-wara, ang krus ay kahangalan, ngunit sa mga naliligtas, ang krus ay kapangyarihan ng Diyos.” (1 Corinto 1:18)
35. Ang kabanalan ng lugar, ng pook, ng tubig-basbas, ng oras, o anupaman ay sapat nang dahilan para mag-antanda ang Pilipino. Ito, para sa atin, ay marka ng pagkakaiba ng isang lugar sa ibang lugar, ng isang bagay sa ibang bagay, ng isang panahon sa ibang panahon. Gaano man ipagdiinan na ang Diyos ay Espiritu at Katotohanan at hindi maikukulong sa lugar at panahon, aminin natin, kagawian pa rin natin ang ibukod ang lugar o panahon o bagay na Banal, o nadampian man lamang ng Banal. At sa marami pang ibang pagkakataong kusa tayong napapa-antanda, parang iisa lang ang sinasabi natin: “Diyos ko, alam kong di mo kami pababayaan.” Para bang nagbibigay ito ng isang uring pitagan o kapanatagan-ng-loob na hindi kakaiba sa naranasang ni Jacob nang matagpuan niyang nasa isang banal na lugar siya. (Gen 28:16-19)
Haplos sa Banal
36. Sa atin, hindi sapat na makita o marinig ang Banal. Ma-halagang mahawakan ito, mahaplos, madama. Isang bagay na hindi lubos maunawaan at matanggap ng iba sa ating mga kapwa-Kristiyanong hindi Katoliko ay ang pagkuskos sa mga larawan at istatwa ng mga Banal. Madalas mapuna ito bilang isang taliwas na gawain na katumbas ng pagsamba sa diyos-diyosan, lalo na kung ito’y titingnan mula sa kanluraning pana-naw. Subalit sa atin, hindi hiwalay ang Diyos na banal sa mga bagay na banal. Ang haplos ng Pilipino sa banal na bagay ay haplos niya sa Diyos.
37. Kung tutuusin, hindi lang mga larawan at rebulto ang hina-haplos ng Pilipino, kundi pati mga buhay na taong hina-hangaan. Lalapit at lalapit tayo sa mga taong kinikilalang banal—halimbawa sa Santo Papa noong dumalaw siya dito sa atin — “mabahiran man lamang ng kabanalan niya.” Sa atin, ang Banal ay para bang pabango. Naamoy kapag nabahid sa iyo. Lumalapit tayo sa mga bagay, tao, o lugar na itinuturing na banal sa hangad na mabahiran ng halimuyak ng Kabanalan, kahit kaunti man lamang.
38. Kung sa kanluranin, ang pag-iisip ang pangunahing tulay sa Banal, sa atin, mas pangunahin ang damdamin. At malakas ang tiwala natin sa tindi ng kapangyarihan ng Banal. Walang ipinagkaiba ito sa tiwala ng babaeng naaagasan ng dugo sa ebanghelyo nang sikapin niyang mahawakan man lamang ang laylayan ng damit ng Panginoon: “Mahaplos ko man lamang ang laylayan ng damit niya, alam kong gagaling ako.” (Lukas 8:43-48)
Mga Banal na Abubot
39. Aminin natin, pinalitan ng eskapularyo sa leeg, rosaryo sa bulsa, mga istampita at nobena sa pitaka, panyolitong El Shaddai, at marami pang mga “banal na abubot” ang mga anting-anting. Proteksyon sa maligno, sa masamang espiritu, sa sakit, sa panganib, sa usog, sa kalamidad, at sa tukso ng demonyo. Pamahiin ang anting-anting kung titingnan sa pananaw na kanluranin. Subalit hindi kaya maaaring ituring ito bilang isang kahiligang namana ng ating katutubong kalooban mula sa mga ninuno nating may likas na pakundangan sa Kapangyarihan ng Banal? Isang pagkilala sa kakaibang lakas na nag-iiwan ng bakas, dampi, bahid, o tatak sa mga bagay-bagay na nagbibigay naman ng kakaibang damdamin ng kapanatagan sa nagtataglay nito?
Pagpapabasbas at Pagmamano
40. Sa pagbabasbas ng bahay, pangunahin pa rin sa Katolikong Pilipino ang pagpapalayas sa masasamang espiritu kaysa anupamang malalim na doktrina ng pagpapa-gunita sa diwa ng binyag. Mas maraming tubig pambasbas, mas mabuti. Hindi sapat ang minsanang basbas at wisik. Hangga’t maari, bawat sulok ng bahay ay magalugad ng pari. Bukod sa bahay at mga banal na larawan, lahat na yata ng uri ng sasakyang panlupa, pangtubig, pandagat, o panghimpapawid ay pinababas-basan. Pati passport ng mga gustong mangibang bayan at kumukuha ng visa. Karaniwan na rin sa Katolikong Pilipino ang magpabasbas ng mismong sarili, hindi lang kapag maysakit. Kasama na rin ang magpapaopera, mangi-ngibang-bansa, mag-eeksamen, atbp. Antabay ng Banal ang laging hiling ng sinumang humihingi ng basbas. Kalakip nito ang malakas na pagtitiwala sa basbas na nagbibigay ng kapayapaan ng kalooban. Kung kakaibang lakas at kapangyarihan ang taglay ng Banal, walang dahilan kung bakit hindi maaaring maranasan ang lakas at kapangyarihang ito sa mga anumang bagay na mahaplos ng Kabanalan.
41. Basbas din ang hinihingi natin kapag tayo’y nagmamano. Pero higit na mahalaga dito ay ang pagpapa-hayag ng paggalang sa mga nakatatanda at pagkilala sa kanilang awtoridad bilang mga magulang. Isang gawaing banal para sa atin ang gumalang sa nakatatanda.
K. Mga Banal na Panahon at Pagdiriwang
Pasko
42. Walang Pilipinong nasa ibang bayan ang hindi raw mangu-ngulila tuwing panahon ng kapaskuhan. Hahanap-hanapin niya ang simbang-gabi, ang carolling, ang panunuluyan, ang pagsasalo sa noche-buena, ang kulay ng mga parol, ang mga batang namamasko, ang palitan ng regalo at bigayan ng aginaldo, ang kakaibang pagkain sa mesa, ang lahat ng ingay, kulay, sigla at saya. Dito daw yata sa atin ang pinakamahabang pasko. Sa pasko natin lubos na nararamdaman ang diwa ng Pilipinong pag-diriwang. At pangunahing sangkap ng pagdiriwang ang pagtitipon ng mag-anak, magkakamag-anak, at magkakaibigan sa mga tahanan at mga simbahan. Dito nararamdaman, higit sa lahat, ang tunay na diwa at kabanalan ng pagdiriwang.
43. Lamay naman ang diwa ng simbang gabi. Pinaglalamayan natin at pinaghahandaan ang mga importanteng okasyon sa buhay natin. Pinagpupuyatan hanggang gabi, o pinagkakaabala-hang gumising nang madaling-araw. Nagbibigay-diwa ang lamay, kaya’t hindi iniinda ang antok at puyat. Sa atin, mahalagang maramdaman ang konting sakripisyo para mapatingkad pa ang diwa ng pagdiriwang. At tulad ng iba pang mga pagdiriwang na dapat sana’y kay Kristo nakatutok, hinding-hindi isasaisantabi ng Katolikong Pilipino ang Mahal na Birhen sa eksena ng Pasko. Sa kanya nakalaan ang nobena ng Simbang Gabi, siya pa rin ang naka-sentro sa drama ng panunuluyan, pati na ang Misa ng Bagong Taon na parangal sa kanya bilang Ina ng Diyos.
44. Sa pagsasadula naman ng panunuluyan sa maraming mga simbahan, ang pangunahing eksenang umaantig sa damdaming Pilipino ay ang pagsasara ng pinto kina Maria at Jose. Sapagkat napakalaking bagay sa atin ng pagpapatuloy at pag-tanggap sa panauhin, isang bagay na di malirip ang pagsarhan ng pinto ang Diyos mismo. “Tuloy po kayo, Panginoon”. Ito ang diwa ng Paskong Pinoy. Pagbubukas, di lang ng mga pintuan ng bahay, kundi ng kalooban sa Diyos na nakikipanuluyan.
45. Matinding larawan sa atin—lalo na sa mga dukha—ang larawan ng Belen, ang larawan ng Diyos na isinilang sa sabsaban. Matindi ang dating dahil inilalarawan ang Diyos na nakiisa sa ating abang kalagayan, ang Diyos na dumamay. Malalim ang pagkakaukit ng mensaheng ito sa pusong Pilipino.
Mahal na Araw
46. Batid ng Pilipino, kahit ng hindi palasimba, ang kamahalan ng mga araw ng semana santa. Wala tayong ibang araw sa taon na tinatawag na “Mahal” kundi ang mga araw na ito ng paggunita sa pagdurusa, kamatayan, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Sa mga gawaing tulad ng penitensya, pabasa, siyete palabras, at salubong — dito umiikot ang pagdiriwang ng Mahal na Araw para sa Katolikong Pilipino.
47. Sa iba’t-ibang anyo ng penitensyang isinasagawa pa rin ng marami tuwing Mahal na Araw, malinaw na hindi sapat para sa maraming Pilipino ang mga liturhiya ng simbahan upang maipahayag ang pakikiisa sa dusa at kamatayan ng Panginoon. Naghahanap pa rin ang marami, lalo na sa mga kalalakihan sa mga kanayunan ng mas marubdob na anyo ng penitensya. Kara-mihan sa mga ito’y pagtupad sa panata na kadalasa’y may kinauukulan: isang mabigat na kasalanang nagawa, isang kahi-lingang natupad na may naipangakong katumbas na sakripisyo, o isang kagyat na pangangailangan na ipinagmamakaawa, atbp. Sa kalooban ng namamanata, banal ang panata at dapat tuparin. Walang nag-uutos sa kanyang gawin ito, kundi ang sarili. Sa mata ng nanonood, maaaring ang madugo at marahas na mga paraang ito—katulad ng paghahagupit-sa-sarili, pagpasan ng mabigat na krus, o pagpapapako-ng-sarili-sa-krus— ay kalabisan na, at malayo sa diwa ng Mahal na Araw. Subalit sa nagpipe-nitensya, ito’y maliit na kabayaran lamang sa napakalaking utang, isang munting sakripisyo sa napakalaking biyayang tinanggap. Kahit di namin lubusang maunawaan ito, sino ba kami upang hatulan ang katapatan ng mga nagsasagawa nito?
48. Isa pang di-mamatay-matay na tradisyon ang Pabasa o Pasyon. Hindi simpleng awit ang Pasyon kundi isang tuloy-tuloy na panaghoy at paghahayag ng hinaing ng umaawit. Dumadaing ang bumabasa ng Pasyon. Pumapasok siya nang unti-unti sa hipnotismo ng paulit-ulit na tinig hanggang sa ma-ging paraan na lamang ang pagbasa sa salaysay ng pagdurusa’t kamatayan ng Panginoon sa pagpapahayag ng mambabasa ng kanyang mga sariling panaghoy sa mga sakit at pagdurusang kanyang nararanasan sa buhay. Nabigyan na ng sapat na pansin ng ilang mga panulat ang kinalaman ng Pasyon sa Rebolusyong Pilipino. Binigyan ng Pasyon ng pagkakataon ang Pilipino na maipahayag hindi lamang ang pansariling daing ng mga indi-bidwal na mambabasa kundi pati na ang daing ng buong sam-bayanang dusta at api noong panahon ng mga Kastila.
49. Habilin naman ang turing natin sa inuulit-ulit na pitong huling mga pananalita ng Panginoong Hesukristo sa krus. Habilin ng namamatay sa mga maiiwan. Hindi kataka-takang nanatili ang tradisyon ng Siete Palabras kapag Mahal na Araw kung mayroon ngang kinalaman ito sa pakundangan ng Pilipino sa kabanalan at kahalagahan ng mga huling habilin ng Anak ng Diyos. Kaya marahil parang napakatindi ng Biyernes Santo sa Pilipino. Pag-aantabay ito sa “kamatayan ng Diyos”. Pagkatapos ng habilin, susun-dan pa ng burol sa patay. Makapanindig-balahibo ang katahimikan ng mga nakapila upang humalik sa krus, o sa imahen ng bangkay ng Panginoong Hesukristo. Isa itong matinding pagsasa-ritwal na nais sabihin ng mananampalataya: “Hindi namin bibiguin ang iyong pakiusap. Hindi namin lilimutin ang iyong habilin.”
50. Higit sa lahat, hindi pa ganap ang Mahal na Araw para sa Pilipino hangga’t hindi ginaganap ang Salubong. Kahit walang ulat sa Bibliya na magpapatunay sa Salubong, buo ang loob ng Katolikong Pilipino na ang Mahal na Birheng Maria pa rin ang unang dinalaw ng Panginoong Hesukristo sa kanyang muling pagkabuhay. Walang ibang batayan ang Salubong kundi ang panloob na katiyakan ng diwang Pilipino na kung mayroong unang ibig bahaginan ang anak sa kanyang tagumpay, ito’y walang iba kundi ang kanyang ina. Hindi kay Kristo mismo kundi sa Mahal na Ina nakikiisa ang mananampalatayang Pilipino, kapag salubong. Inaakit ng tradisyong ito na makiisa ang mananampalataya sa pagbababang-luksa ng Birhen, sa hangaring maipahayag ang lahat ng kanyang mga pag-asa sa buhay. Pangunahin sa mga sagisag ng pagdiriwang na ito ang ma-dramang pag-aalis sa belong itim na nakalambong sa ulo ng Birhen na katulad ng mga dusa’t hapis na nakalambong din sa atin. Ito ang bibigyang katapusan ng muling-pagkabuhay. Sa sandali ng salubong, bababa ang anghel upang alisin ang belo at awitan ang Birhen ng Regina Coeli, kasabay ng taimtim na hangarin ng mga nakikisalubong na kahimanawari’y kasabay na mapapawi ang sarili nilang mga belong itim ng dusa’t sakit. Ito na ang kaganapan ng Mahal na Araw, para sa maraming mga Pilipino. Uuwi ang nakisalubong na may maluwag na damdamin, na tulad ng pag-uwi ng mga katatapos lamang na magbabang-luksa.
Kapistahan ng Patron
51. Ang kahiligang magpista at magpakain sa mga bisita ay hindi inimbento ng mga Kastila para sa atin. Nabigyan lamang ito ng bagong saysay nang iugnay sa kapistahan ng mga patron. Pasasalamat ang pangunahing diwa ng pista. Pasasalamat sa Diyos sa pagaantabay ng mahal nilang Patron. Sa maraming mga bayan at baryo, napaka-personal ng kaugnayan ng mga tao sa kanilang patron, na madalas pa ngang tawagin sa isang ma-giliw na palayaw.
52. Sa Pilipino, hindi lang minsan isang taon ang pagpi-piyesta. Maraming pang mga pagkakataon bukod sa pasko, mahal na araw, at kapistahan ng patron ang maaaring maging dahilan para maghanda, mag-imbita, at magpakain. Kaarawan, anibersaryo, may pumasa sa eksamen, may nagtapos sa pag-aaral, gumapang, lumakad, o nagsalita na si bunso, atbp. Biyaya ng Banal ang pananaw natin sa maraming mabubuting bagay na nararanasan natin sa buhay. Alinman dito’y sapat nang dahilan para magdiwang.
D. Mga Banal na Imahen at Larawan ng Panginoong Hesukristo
Santo Niño
53. Hindi matatawaran ang kasikatan ng larawan ng Santo Niño de Praga sa atin, at ang mas malawak na debosyon sa Kristong bata. At tulad ng karaniwang paslit, nakagawian na ng marami na bihisan ito ng iba’t-ibang kasuotan: pulubi, anak-magsasaka, basketbolista, at kung ano-ano pa. Madalas ngang punahin ito ng ilang mga intelektwal bilang pagpapakita ng diumano’y paslit na pananampalatayang Pilipino. Sa isang banda, maaaring may punto sila. Subalit sa kabilang banda, hindi rin kaya ito pagpapahayag din ng kaloobang Pilipino sa kanyang kapayakan, kawalang-malay, kawalang-malisya, at pagiging mapaglarong tulad ng bata? Sa Santo Niño, itinatampok ng mananampalatayang Pilipino ang halaga ng “pagiging bata”, na di nalalayo sa sinasabi ng ebanghelyo: “Ang kaharian ng Diyos ay bukod tanging para sa mga bata.” (Mt. 18:3)
Nazareno
54. Namumukod ang larawang ito ng Panginoon sa ibang mga larawan na kadalasa’y puti ang kutis, dahil ang Nazareno ay moreno (kabalat-pinoy), nakaluhod, at may pasan na krus. Marahil sa kanya unang nabanaag ng Pilipino ang kanyang sarili: batbat ng pasakit, nagdurusa, at may dalang krus. Sa kanya nakakatagpo ang maraming mga nagdarasal sa simbahan ng Quiapo — na karamiha’y may dalang pasanin sa buhay — ng karamay sa kanilang mga tiisin. Sa larawang ito, para bang naririnig ng matapat na mananampalataya ang Diyos na nagsasabing: “Hindi ka nag-iisa,” o kaya nama’y “Batid ko ang nararanasan mo,” o “Sabihin mo sa akin ang problema mo, at sasamahan kita sa pagkarga dito.”
Santo Entierro
55. Ang bangkay ni Kristo: nakatali ang ulo, nakabalot ng kumot, nakahiga. Walang ipinagkaiba sa pagdalo sa burol ang paglapit natin sa larawan ng Santo Entierro. Sa lahat daw ng larawan, ito yata ang pinakamadalas pangakuan ng mananam-palatayang Pilipino: “hindi na po ako uulit,” “magbabagong-buhay na ako,” “hindi ko bibiguin ang pangarap n’yo para sa akin.”
Kristong Hari
56. Kahit huli na nang pumasok sa atin ang debosyon sa Kristong hari na nakaluklok sa trono, mabilis pa rin ang paglawig at pagkalat ng kaugaliang maitampok (enthronement) ang larawang ito sa bawat tahanan. Sa larawang ito, itinuturing, kumbaga, ng pamilyang Pilipino bilang “Ama ng tahanan” (padre-de-pamilya) ang Kristong Hari.
57. Batay sa kinahihiligang lapitan ng mga Pilipino sa mga larawan ng Panginoong Hesukristo, masasabing mas nangi-ngibabaw pa rin ang papel niya bilang kakampi, kasangga, karamay, o katoto kaysa sa manunubos o tagapagligtas.
E. Mga Banal na Imahen at Larawan ng Mahal na Birheng Maria
Ina ng Laging Saklolo
58. Sinong dayuhan ang hindi mamamangha kapag sila’y na-traffic sa may Baclaran at nagtanong sa sanhi ng traffic: ang marahil pinaka-popular na debosyon sa Mahal na Birhen sa Pilipinas? Kahit wala pang isandaang taon mula nang ipakilala sa atin ang larawang ito ng Mahal na Ina, mabilis na kumalat ang debosyon sa kanya, dahil marahil ang larawang ito ang pinaka-malapit sa ugali ng tipikal na ina para sa Pilipino: laging suma-saklolo kapag nangangailangan ang kanyang mga anak. Masuyo at malambing ang paglapit ng Pilipino sa Ina ng Laging Saklolo. Patunay dito ang malaking bunton ng mga papel na naipon ng mga paring Redentorista—na nagtataglay ng mga sulat at pakiusap ng mga nagdarasal sa Mahal na Ina, mula pa noong pumutok ang digmaang Hapon. Ang nobenang ito na dinadasal nang mataimtim ay bahagi na ng buhay ng maraming Pilipino tuwing Miyerkoles, hindi lang sa Baclaran o sa iba pang mga simbahan sa bansa, kundi pati na rin sa mga simbahang dinadayo ng ating mga OFW’s sa iba’t ibang sulok ng daigdig, kung saan sila nag-hahanap-buhay. Higit sa lahat, popular ang debosyong ito sa mga kababaihan na nakakakita sa mapagpalang Ina ng halimbawang matutularan sa kanilang sariling mga papel, lalo na bilang mga ina.
Fatima, Lourdes, La Naval
59. Ang tatlong mga larawang ito ng Birhen ang madalas pagtuunan ng pananalangin ng rosaryo. Sa lahat yata ng uri ng panalangin sa Simbahang Katolika, wala nang hihigit sa pagka-popular kaysa sa pagrorosaryo. Ang rosaryo din ang nagsisilbing parang matibay na buklod sa maraming mga pamilyang Pilipino: na di man makapagsimba, di man makapagdasal bago kumain, o di man magbasa ng Biblia, ay nagagawa pa ring magrosaryo nang sama-sama. Hindi pa rin lumilipas ang kagawian sa maraming mga barangay na ilipat-lipat sa mga bahay-bahay ang larawan ng Mahal na Birhen, na siyang nagiging okasyon para magkatipon ang mga magkakapitbahay. Sa maraming mga parokya, naging paraan ang debosyon na ito para sa pagbubuo ng mga pamayanang Kristiyano: tulad halimbawa ng mga “Barangay-sang-Birhen”.
Peñafrancia, Manaoag, Antipolo, De Los Remedios, atbp.
60. Marami pang ibang mga larawan ng Mahal na Ina ang naging bahagi na ng buhay-pananampalataya ng mga Pilipino sa iba’t-ibang mga lalawigan: halimbawa’y ang Birhen de los Remedios ng Pampanga, ang Birhen de Peñafrancia ng Bicol, ang Birhen ng Manaoag at ng Piat sa Ilocos, ang Birhen ng Antipolo sa Katagalugan, atbp. Saan mang lugar, dambana, o simbahan, nag-uud-yok ang Mahal na Ina ng mataimtim na pana-langin sa mga mananampalataya. Ipinahaha-yag ito sa mga panata, nobena, dalaw, at pagsusuot ng puti at asul na damit (tulad ng sa Birhen ng Lourdes), medalya (tulad ng sa Our Lady of the Miraculous Medal), eskapu-laryo (tulad ng sa Birhen del Carmen), o sin-turon (tulad ng sa Birhen ng La Consolacion).
61. Palaging, iisa ang papel ng Birhen sa mananampala-tayang Pilipino: takbuhan ng mga nangangailangan, sumbungan ng may hinanakit, hingahan ng mga suliranin, pasanin at tiisin sa buhay, kanlungan ng mga maysakit. Hindi tuloy kataka-taka kung bakit naging tampulan na ng mga puna at panunuligsa mula sa mga sektang fundamentalista ang napakalakas na pananampalatayang “maka-ina” ng mga Katoliko. Nagiging dahilan din ito ng maraming agam-agam na baka tayo’y nala-layo na sa pinaka-ubod ng pananampalataya na dapat diumano’y sa Panginoong Hesu-kristo nakatutok. Totoo man o hindi, aminin natin, di hamak na mas malapit pa rin ang nakararaming Pilipino sa Mahal na Ina kaysa sa kanyang Anak.
G. Ang Banal na Eukaristiya
62. Madalang lang sa ating bansa ang simbahang Katoliko na hindi napupuno tuwing araw ng Linggo. Para sa maraming mga pamilyang Pilipino, sangkap na ng pagiging Katoliko ang linggo-linggong pagsisimba. Para sa nakararami, hindi kumpleto ang Linggo kapag hindi nakasimba, kapag hindi nakapulot ng aral, kapag hindi nakapakinabang. Nagiging mapili na rin ang iba sa mga paring sisimbahan: kung mahusay ba o malaman ito kung mag-homiliya. Sa katunayan, kapansin-pansin na sa maraming mga simbahan, ang aral ng pari ang nagiging tutok ng pagdiriwang, kaya’t nagiging malaking kabiguan para sa ilan sa kanila kapag parang hindi sila nakadama ng kabusugan ng kalooban sa homiliya ng pari.
63. Subalit kahit napupuno ang ating mga simbahan kapag Linggo, hindi pa rin maitatatwa na nakararami pa rin sa mga Katolikong Pilipino ang hindi nagsisimba tuwing araw ng Linggo. Sa marami sa kanila, walang partikular na dahilan ang hindi pagsisimba: hindi lang nakagawian; hindi lumaki sa pamilyang pala-simba, o walang nagpakilala sa kanila sa kahalagahan ng pagsi-simba tuwing Linggo. Subalit Katoliko pa rin ang turing nila sa sarili, dahil nabinyagan sila, at may mga pinani-niwalaan— kahit paano—sa mga turo ng Simbahang Katolika. Kung hindi man nagagawang magsimba ng Linggo, bigla naman silang sisipot sa simbahan sa mga araw na pinahahalagahan ayon sa nakagawian: piyesta ng patron, Pasko, Mahal na Araw, atbp.
64. Sa gustuhin man natin o hindi, pangunahin pa ring silbi ng Misa sa mga Katolikong Pilipino ang magdulot ng pagkaing pang-kaluluwa sa indibidwal na mananampalataya. Hindi pa ganoon kalakas ang kamulatan sa Misa bilang mahalagang pag-papahayag ng pamayanang Kristiyano ng kanyang sarili bilang katawan ni Kristo.
H. Ang Pagsulpot ng mga
Charismatic REnewal Movements at Iba pang KilusAng Laiko
65. Dulot na rin marahil ng kakulangan ng personal at pang-pamayanang ugnayan sa ating mga simbahan, at maging sa ating mga pagdiriwang, unti-unting nagsulputan ang mga kilusang malakas ang diin sa mga nasabing aspeto ng pananampalataya. Sa marami, hindi na sapat ang pagsisimba at iba pang mga pansariling debosyon lamang. Dumarami na ang naghahanap ng samahan, ng mas mainit na kapatiran, ng mas maliliit na pamayanan. Marami nang iba’t ibang mga kilusan ang sumulpot upang tugunan ang pangangailangang ito.
66. Sa maraming mga bagong kilusan sa simbahan, hindi maitatatwa ang mahalagang kontribusyong naidulot ng mga kilusang karismatiko sa Simbahang Katolika. Kung dati’y tumitiwalag muna ang ilang mga Katoliko at napapasama sa mga sektang fundamentalista para mapagbigyan ang hangaring ito, ngayo’y hindi na sila kailangang lumayo pa. Sa loob ng bakurang Katoliko, nakakatagpo na sila ng mga samahang nakakatugon sa pangangailangang ito. Dito napagbibigyan ang kaloobang Pilipinong hindi nakukuntento sa napakapormal at may pagka-dayuhang liturhiya ng Simbahan.
67. Sa mga karismatikong prayer-meetings, kasama sa pagdi-riwang ang huntahan, ang awitan, sayawan, sigawan, iyakan, at tawanan. Dito, hindi lang sila tagapakinig sa isang liturhiyang halos sinasarili ng pari mula simula hanggang katapusan. Dito, may pagkakataon ang mga kasapi upang magpahayag ng sarili, magbigay ng mga patotoo batay sa kanilang mga karanasan sa buhay. Dito, nagkakaroon ng pagkakataon ang kasapi na mapag-nilayang mabuti ang salita ng Diyos, sa kanilang mga Bible study. Dito rin sila nabibigyan ng mga pagkakataong makapag-ambag ng kanilang mga kakayahan sa simbahan: sa pagtuturo, sa pamumuno, sa pag-awit, at sa maraming iba pang paraan, bilang mga laiko. Higit sa lahat, marami sa kanila ang nakapagdudulot ng bagong sigla at buhay sa simbahan, lalo na kung nananatili ang kanilang katapatan at kaugnayan sa kani-kanilang mga parokya.
Gabay sa Pagninilay at Diskusyon
1. Anong uri ng landas ng pagpapakatao at pagpapakabanal ang naipamana sa inyong diosesis at papaano pinagtitibay at pinagpapatuloy ito ng Simbahan sa inyong lugar?
2. Sa inyong palagay, papaano naging makatotohanan o di-makatotohanan ang paglalarawan ng Sulat-Pastoral tungkol sa kalooban ng Pilipino?
3. Ano ang mga katutubong kasabihan, gawain, larawan at kaugalian sa inyong lugar at diosesis na nagpapahiwatig sa kalooban ng Pilipino at sa kanyang kahiligan sa Banal?
4. Paano makatutulong ang Pilipinong kalooban para sa ika-uunlad ng ating buhay pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura? At papaano naman nagiging hadlang ang ating kasalukuyang kalagayang pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura sa pagsulong ng Pilipinong kalooban?
II. PAGKILATIS
68. Tayo ay isang bayang may-loob-sa-Diyos. Katatapos pa lamang nating ilarawan ang kaloobang ito batay sa mga kasabihan, kagawian, kaugalian, at mga kahiligan natin bilang mga Katolikong Pilipino. Sinikap nating bigkasin kung sino ba tayo, sino at ano ba ang Diyos para sa atin, at ano ang nasasalamin sa ating kalooban ukol sa gawain ng pagpapakabanal at pagpapakatao batay sa mga pahayag ng ating mga kaisipan, pananalita, at gawain bilang mga indibidwal, bilang mga pamilya, bilang mga pamayanan at lipunang naturingang “Katoliko” at “Pilipino.” Batay din sa paglalarawang ito, kahit paano’y naaninag natin kung ano para sa Pilipino ang kahulugan ng pagsunod kay Kristo o ang magpaka-Kristiyano.
69. Sa bahaging namang ito, hayaan ninyong kilatisin namin ang nailarawang mga alahas ng kaloobang Pilipino mula sa lente ng pananampalatayang aming pinanghahawakan bilang inyong mga obispo at “nakatatanda”. Sa pamamagitan ng pagkilatis na ito, hayaan din ninyong maipahayag namin ang ilang mga puna at agam-agam tungkol sa ating nakagisnan at pinanghahawakang “loob-sa-Diyos”.
70. Sa bagong Katesismo ng Sambayanang Pilipino (CFC, # 34-44) , nilagom ang paglalarawang ito ng Pilipinong kalooban sa limang mga katangian. Tayo daw ay 1) nakaugat sa pamilya, 2) mahilig sa salo-salo, 3) batbat ng pasakit at sanay sa pagdu-rusa, 4) nagpapahalaga sa mga bayani at sa kabayanihan, at 5) nakababad sa mundo ng mga espitiru. Dito umiikot ang ating loob-sa-Diyos. Kumbaga sa diyamante, ituring nating tapyas ang bawat isa sa mga katangiang ito, na nagpapakislap sa alahas ng pananampalatayang Pilipino. Sisikapin nating mawari ang bawat tapyas na ito.
Pamilya
71. Kung maaari lang hiwain ang kalooban ng bawat Pilipino, hindi kataka-takang matuklasan sa ubod nito ang mga pangunahing mga karakter na humubog sa kanyang pagkatao: si inay, si itay, kuya, ate, sangko, sanse, diko, ditse, mga kamag-anak at malapit na kaibigan. Silang lahat ay nakarugtong sa pamamagitan ng isang matibay na lubid ng “pinagsamahan”. Sa pamilya natin namana ang pananampalatayang nakagisnan. Pamilya din ang unang nagmulat sa atin sa maraming mga kaugaliang nagtataglay ng ating “loob-sa-Diyos”. Hindi marahil kalabisan na sabihing ang buklod ng pamilya ang nagsisilbing pangunahing dahilan ng pagkakabuklod ng Pilipino sa Diyos. Ang Diyos ay laging may kinalaman sa mga gawain, ugali, at mga paniniwalang iminulat sa atin ng ating mga magulang at ninuno. Kung malakas ang ating pagkapit sa mga paniniwalang ito, maaaring ipinahihiwatig nito na malakas pa rin ang ating pagkapit sa pamilya. Ang pagtataksil dito ay pagtataksil din sa pamilya.
72. Ito ang madalas hamunin ng mga charismatic movements dito sa atin, at may punto din sila, kahit paano. Madalas nilang itanong kung tinatanggap na nga ba natin si Hesus bilang ating personal na Panginoon at Manunubos. O baka ang anumang pinanghahawakan nating paniniwala ay nakabatay pa rin sa katapatan sa pamilya at hindi sa isang dalisay na pagtataya ng kalooban at pananagutan?
73. Napakalakas ng buklod ng pamilya sa atin. Isang buklod na bagama’t may maraming naidudulot na kabutihan ay siya rin namang madalas maging dahilan ng ilang mga taliwas na gawain ng Pilipino. Maging tama man o mali, kung alang-alang sa kapatid, sa pamil-ya o kamag-anak ay makakayanang gawin ng maraming Pilipino. Sa isang punto, nagsisilbi na rin ito bilang isang bulag na katapatan na nagiging sanhi ng maraming kabalintunaan at taliwas na gawain sa lipunan, maging sa larangan ng ekonomya, pulitika, at kultura.
74. Kung kay Kristo ang landas na nais nating sundin, kailangan din nating hamunin ang kung minsa’y nagiging malabis at di-angkop na katapatan sa pamilya, kung paanong hinamon niya ang kanyang sariling pamilya na kilalanin ang ibang tao, maging ang mga kapus-palad at makasalanan bilang kabahagi rin ng mas malawak na pamilya: ang pamilya ng Diyos. “Sino ang aking mga kapatid at magulang? Naririto — ang tumutupad sa kalooban ng aking Ama sa langit ay kapatid at magulang sa akin.” (Markos 3:31-35)
Salu-salo
75. Para sa isang bansang kilalang mahirap, isang sorpresa para sa maraming dayuhang bisita ang matuklasan na napakadalas kumain ng Pilipino. Lahat na lang yata ng importanteng pagdiriwang ay may kasamang salu-salo at kainan. Bukod dito, mahalaga sa atin ang pagtanggap sa mga bisita at pag-anyaya sa kanila na kumain at makisalo kahit biglaan o hindi inaasahan ang kanilang pagdating. Malaking bagay, lalo na sa mga maralita kapag ang panauhin ay nakisalo sa kanilang “konting nakayanan”.
76. Hindi tayo nalalayo sa abot-tanaw na Hudyo pagdating sa pagpapahalagang ibinibigay natin sa pagsasalo. Katulad nila, sa pagsasalo din lumilitaw ang mga likas nating ugali. Hindi rin tayo basta nakikisalo sa hindi natin kamag-anak, kaibigan, katoto, kauri. Kaya’t kapansin-pansin sa ating mga handaan kung sino-sino ang magsasama-sama at magkukumpol-kumpol. Taglay din natin sa ating kultura itong napakalakas na kahiligan sa pagkakanya-kanya ng magkakadugo, magkakabarkada, magkababayan, magkauri, atbp. At ang kaisipang ito mismo ang hinahamon ng kakaibang uring pagsasalo sa hapag ng Panginoon sa Eukaristiya. Hinahamon ng Eukaristiya ang anumang umiiral na hidwaan at pagkakanya-kanya batay sa pinag-aralan, sa kariwasaan sa buhay, o sa katapatan sa partido, o anumang samahan. (1 Corinto 11:17-26) Kung ang diwa ng Eukaristiya ay komunyon, o pagkakaisang-diwa, nararapat lamang na maging batayan ito upang unti-unti nating mabuksan ang ating mga pagsasalo sa mga taong “iba-sa-atin”.
Pagdurusa
77. Hindi kaila sa buong mundo na isa tayo sa mga pangunahing bansang batbat ng mga kalamidad na pang-kalikasan: bagyo, lindol, baha, bulkan, lahar, atbp. Bukod pa ito sa katotohanang nakatitik na sa ating kasaysayan na tayo’y isang bayang dumanas ng kaapihan sa kamay ng mga dayuhan—mga Kastila, Amerikano, Hapon, at ng sariling kababayan—tulad ng nakaraang diktadura. Batbat din tayo sa kahirapang dulot ng taliwas na sistemang panlipunan na siyang dahilan kung bakit nananatiling dukha ang nakararami. Sa madaling salita, sanay tayo sa hirap, dusa at sakit at hindi dahilan ang alinman dito upang hindi na ngumiti, magbiro, magdiwang at magsaya ang Pilipino. Kahit mga dayuhan ay namamangha sa kakayahan nating magbata ng hirap at tiisin. Madalas, may kinalaman din ito sa lakas ng suportang nagmumula sa pamilya. At tulad ng natalakay na sa naunang bahagi, malaking tulong din sa atin ang pananampalataya, lalong-lalo na ang pagdulog sa larawan ng Panginoong Hesukristo (at ng Mahal na Birhen) na nakikiramay sa ating pagdurusa. Tulad ng madalas ipahayag ng ating mga kundiman, may tamis din ang magdusa hangga’t ito’y may dahilan. At madaling hanapan ng dahilan ng Pilipino ang kanyang mga pagdurusa. Pangunahin na rito ang pagyakap sa dusa bilang pagsubok ng Diyos, o bilang tadhana at kapalaran.
78. Sa aspetong ito, may punto rin ang mga pumupuna sa ating kahiligang itampok ang krus na para bang sa Biyernes Santo nagtatapos ang Mahal na Araw at wala nang muling pagkabuhay. Hindi kailanman inaayunan ng ating pananampalataya ang isang malagim na pagyakap sa sakit, dusa, at kamatayan na hiwalay sa matagumpay na gawaing pagliligtas ng Panginoong Hesukristo. Hindi rin kailanman pinahahalagahan ng ebanghelyo ang karukhaan at kadustaan na hiwalay sa pagtuklas sa kayamanang isinasagisag ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 5:1-12; 13:44)
79. Sa marami sa ating mga kapwa Pilipino, kung gayon, nararapat lamang na ipahayag na hindi kalooban ng Diyos na sila’y isilang na api at naghihikahos. Hindi tamang ayunan ang “isip-dukha” na dali-daling yumayakap sa dustang kalagayan bilang kapalaran: “mahirap lang po kami, wala po kaming pinag-aralan, walang-wala po kami…” Sa ganitong pag-iisip, magandang babala ang talinghaga ng mga katiwalang pinagkatiwalaan ng iba’t-ibang halaga. “Sapagkat napagkatiwalaan ka sa maliit na halaga, ngayon nama’y pagkakatiwalaan kita sa mas malaki…” (Mateo 25:14-30)
Kabayanihan
80. Hindi “karaniwang tao” ang tingin natin sa mga bayani at martir. Malakas sa atin ang kahiligang itampok sila sa pedestal bilang kakaiba sa atin. Kaya marahil mas marami sa ating mga Pilipino ang “tagasunod” lamang. Madali sa atin ang sumunod sa mga pinunong nagpapakita ng kabayanihan at pagka-martir. Mahirap ang tumalima sa isang “kapwa” lamang natin sa kahinaan at karupukan. Marahil isang dahilan ito kung bakit isang bagay na kinatatakutan ng marami ang maglingkod bilang lider o pinuno, kahit na may kakayahan pa sila. Mataas ang inaasahan sa pinuno kung kaya’t iniiwasan ang pananagutang ito. Malakas din sa atin ang takot na magkamali at mapahiya. Hindi madali para sa atin ang tanggapin ang kahinaan, pagkakamali at kahihiyan ng mga itinuturing nating bayani at martir.
81. Sa Kristong Hari, sa Mahal na Birhen, sa mga santo’t santa, nakakatagpo tayo ng mga bayaning huwaran sa buhay. Subalit napakalakas din ng kahiligan nating ipakalayo-layo sila sa ating sarili, itampok sila sa napakatayog at makalangit na pedestal na hindi natin maabot at sapat nang haplusin natin upang tayo’y mabahiran man lamang ng kanilang kabanalan at kabayanihan. Sa aspetong ito’y malayo pa tayo sa tunay na diwa ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos; sa kanyang pakikiisa sa ating abang kalagayan. Sa madaling salita, dahil nagsimula tayo sa pagpapalagay na ang Panginoong Hesukristo ay Diyos, kaya nating tanggapin na siya’y naging tao. Ngunit, kung tayo rin marahil ay nalagay sa sitwasyon ng mga sinaunang Hudyo, hindi malayong mahihirapan din tayong tulad nila na maaninag kay Hesus ang Diyos dahil sa isang abang “kapwa-tao” lamang ang tumambad sa kanilang paningin. “Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria, kapatid nina…” (Markos 6:3)
82. Kay Kristo, ang kabayanihan ay hindi na panawagan sa iilan lamang kundi para sa lahat. Ito’y nagsisimula sa pagtanggap sa ating abang kalagayan bilang karaniwang tao at mamamayan na hinahamon niyang tumulad sa kanya sa pagpapakumbaba, sa paglilingkod, at sa pag-aalay ng buhay alang-alang sa kapwa. (Filipos 2:6-11) Katulad ni San Pablo, tayo rin ay nasisiraan ng loob sa ating mga kahinaan sa gitna ng paghahangad sa kabayanihan. “Ang alam kong mabuti ay hindi ko magawa, at ang alam kong masama ang nagagawa ko… Sino ang magliligtas sa aba kong kalagayan?” (Roma 7:19,24) Dahil hindi natin mapagsama ang kahinaan at kabayanihan tulad niya, nais nating hilingin na mawaksi sa atin ang kahinaan. “Binigyan ako ng tinik sa laman, upang hindi ako maging hambog… Tatlong beses kong hiniling na alisin niya ito sa akin, ngunit ang sabi niya sa akin: sapat na sa iyo ang biyaya ko, sapagkat sa kahinaan nagiging ganap ang lakas.” (2 Corinto 12:7-8)
Espiritu
83. Bahagi ng ating abot-tanaw bilang Pilipino ang paniwala sa mga espiritung sumasanib sa mga lugar, sa mga tao at mga bagay-bagay. May mga espiritu sa kalikasan, mga espiritu ng yumao na bumabalik at nagpaparamdam, espiritu ng mga ninuno, espiritu ng mga santo’t santa na sumasanib sa mga makagiliwan ng mga ito at nagdudulot ng lakas na magpagaling sa maysakit. Mayroong mabuti at masamang espiritu. Nabanggit natin sa naunang bahagi ng sulat na ito ang kahiligan ng Katolikong Pilipino sa pagpapabasbas ng halos kahit ano, na ang karaniwang hangarin ay ang pagpapalayas pa rin ng maligno, tikbalang, aswang, multo, kamalasan at iba pang masasamang espiritu. Para sa atin, ang mga banal na larawan na nabasbasan ay nagtataglay na ng mabuting Espiritu kung kaya’t nagiging mahalagang sangkap ng ating buhay, tulad ng palaspas sa mga bintana ng bahay, mga istampita ng Holy Name sa mga pintuan, rosaryong nakalawit sa may salamin ng sasakyan, eskapularyo sa leeg, panyolitong El Shaddai sa bulsa, atbp. Noon pa man, bago dumating ang mga misyonero, taglay na ng ating mga ninuno ang pangamba sa masasamang espiritu at kahiligan sa mga anting-anting bilang panlaban sa mga ito. Ang pakikihamok sa mga espiritu sa paligid bilang normal na bahagi ng ating mundo ay isang bagay na hindi kailanman binura ng Katolisismo. Bagama’t may agam-agam tayo tungkol sa bagay na ito, nabanggit na natin na hindi rin marahil angkop na basta na lamang itatwa ito bilang pamahiin ng mga walang pinag-aralang mga Katolikong Pilipino, sapagkat kapansin-pansin ito kahit na sa mga Pilipinong mataas ang pinag-aralan. Sa kabila ng ating hindi-pagkapalagay sa ganitong umiiral na kaisipan sa modernong panahon, kailangang aminin na ang mismong Banal na Kasulatan ay puno ng ulat tungkol sa tunggalian ng masasamang espiritu at mabuting espiritu.
84. Sa malakas na kontekstong animista, na ating kinabibilangan bilang Pilipino, marahil nararapat lamang na mapalalim pa ang ating pag-unawa sa pangunahing papel na ginagampanan ng Banal na Espiritu na ating natanggap sa binyag bilang kaloob ng Diyos Ama sa pamamagitan ng Panginoong Hesu-kristong muling nabuhay: na ito’y Espiritung nagdudulot ng paglaya mula sa pagkaalipin na bunga ng pagkakasala (Roma 8:14-17), Espiritung nagbubuklod sa atin bilang isang pamayanang kumakatawan kay Kristo (1 Corinto 12:4-31) at nagpapatuloy sa kanyang gawaing pagliligtas.
85. Inilalarawan sa atin sa ebanghelyo ang Espiritu bilang ibon. (Markos 1:10; Mateo 13:16; Lukas 3:22) Marahil ipina-hihiwatig lamang ng paglalarawang ito na tulad ng ibon, mailap ang Espiritu, hindi basta dumadapo, hindi basta namumugad. Kailangang akitin upang manatili ito at mamalagi sa ating piling. Humihingi ng ganap na pagbabago – isang buhay na kaakit-akit pamugaran ng Espiritu. Kung gayon, hindi ang wisik ng tubig na nabasbasan ang magpapalayas sa masasamang espiritu, kundi ang isang uri ng pamumuhay sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig ang magtataboy sa mga ito sa pama-magitan ng pamumugad ng Banal na Espiritu sa ating piling.
Ang Mahal na Ina
86. Walang duda, tayo’y isang bayang maka-ina. Ang likas na pagpapahalaga, paggiliw, at pagsuyo sa ating mga inang makalupa ay madaling nalilipat sa gayunding pagpapahalaga, paggiliw at pagsuyo sa ating inang makalangit: ang Mahal na Birhen. Pati ang turing sa kanya bilang Mama Mary ay pagpapahayag ng isang payak na kaugnayan ng paslit sa kanyang nanay. Maraming beses na tayong napuna tungkol dito, lalo na ng ibang mga kapwa Kristiyanong hindi-Katoliko. Maraming beses na rin nating naitanong sa ating mismong sarili, kung di ba tayo nalilihis, kung di ba tayo nalalayo kay Kristo dahil sa malabis na paggalang at pagpipitagan sa Mahal na Birhen. Binigyan din ito ng masusing pansin ng ating Katekismo (CFC # 45-48), na sa kabutihang palad ay nakatulong ng malaki upang maipaunawa sa atin itong likas nating pagmamahal sa Mahal na Birhen.
87. Simula’t sapul, bahagi na siya ng kasaysayan natin, at hindi siya kailanman maihiwalay sa ating pananampalataya sa kanyang Anak. Patunay dito ang mga nabanggit na nating mga tradisyon tuwing Pasko—ang Panunuluyan, at tuwing araw ng muling Pagkabuhay—ang Salubong. Parang hindi kumpleto ang mga pagdiriwang na ito kung wala siya, kung paanong laging kasama ang ina sa mga mahalagang sandali ng ating sariling buhay bilang mga pamilyang Pilipino. Kung may isang bagay na namumukod-tangi sa landas ng pagpapakabanal ng Katolikong Pilipino, ito marahil ay walang iba kundi ang paglapit natin kay Kristo sa pamamagitan ni Maria. At dahil tanggap na natin ito, hindi na natin ikinababahala. Sa katunayan, sa maraming sulok ng bansa, naging isa sa mga pinaka-epektibong paraan ng paghubog at pagpapalaganap sa Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo ang debosyon sa Mahal na Birhen, ang pagtitipon ng mga mananampalataya upang magrosaryo. Ang malalim na debosyon sa Mahal na Ina ay nananatiling isa sa mga pinakamatinding lakas na nagpapanatiling buhay sa pananampalatayang Pilipino at Katoliko. Si Maria, kumbaga, ay parang pataba sa lupang inihahandang matamnan ng binhi ng Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos. Madalas, tayo rin ang nagkukulang sa pagbibigay-panahon upang mahasikan ng binhi ang matabang lupa na matagal nang inihanda ng Mahal na Birhen.
Gabay sa Pagninilay at Diskusyon
1. Papaano maiiwasan ang mga kalabisan sa ating pagbibigay halaga sa pamilya, salu-salo, pagdurusa, kabayanihan, at espiritu?
2. Sa papaanong paraan natin maaring itaguyod ang mga kahalagahan ng pamilya, salo-salo, pagdurusa, kabayanihan, at espiritu upang ang mga ito ay maging tapat sa kalooban ng Pilipino, at nang sa gayo’y magsilbi ang mga ito sa pakikipagtagpo sa kalooban ni Kristo.
3. Papaano sinisira o pinalalakas ng ating kasalu-kuyang kalagayang pampulitika, pang-ekono-miya at pangkultura angmga kahalagahang ito.
III. PAMANTAYAN sa Pagpapakabanal:
ang landas ni kristo
Isang Halimbawa
88. Pagsunod sa landas ni Kristo. Ito—sa pagkakaunawa namin—ang pinakabuod ng layunin ng pagpapakatao at pagpapa-kabanal para sa Kristiyano. Ito ang pinakabuod ng pagpapakaKristiyano: paano ba magpakatao at magpakabanal ayon sa halimbawa ng Panginoong Hesukristo? Bilang mga alagad niya, ang layuning ito’y dapat nating hangarin hindi lang para sa ating mga sarili at mga pamilya, kundi para na rin sa ating mga samahan, sa ating mga kilusan, sa ating lipunan, sa ating bayan, at—marahil, kahit paano—para na rin sa buong sangkatauhan. Lagi’t lagi, ugaliin nating balikan, gunitain, at unawain ang halimbawang ito.
89. Noon pa man, hindi nabura sa alaala ng mga sinaunang alagad Niya nang minsan isang gabi, sa gitna ng hapunan ay hinugasan Niya ang kanilang mga paa. Isang bagay na ikinasindak nila ito dahil gawain ito ng mga alipin. Ayon kay San Juan, sinabi daw Niya: “Nauunawaan ba ninyo ang ginawa ko sa inyo? ‘Amo’ at ’panginoon’ ang turing ninyo sa akin… Kung ako na amo ninyo at panginoon ay naghugas sa inyong mga paa, sana kayo rin, magawa ninyong hugasan ng paa ang isa’t isa. Isang halimbawa ang iniwan ko sa inyo na sana’y gawin din ninyo kung paano ko ginawa sa inyo.” (Juan 13:12-15)
90. Sa halimbawang ito’y ipinahayag ng Panginoon ang kalooban Niya, ang landas Niya. Sa naunang bahagi, sinikap naming ilarawan ang kalooban natin, ang landas natin—na sa maraming mga paraan at pagkakataon ay nagkurus na sa landas ni Kristo, nakatagpo na ang kalooban ni Kristo. Ngunit tulad kay Pedro, hindi rin laging malinaw sa atin ang landas na ito. Tulad niya, nais nating itanong kung minsan, “Panginoon, bakit mo huhugasan ang paa ko?” Ipinahayag lang ni Pedro ang tapat niyang saloobin, ang tunay niyang pagkagimbal sa nais gawin ng kanyang Guro at Panginoon. Alam niya ang ibig gawin ng Panginoon, ngunit hindi niya matanggap, hindi niya mapangyari dahil hindi niya lubos maunawaan. Tayo rin—alam na natin kahit paano, ngunit kailangan nating marinig kung bakit.
91. Kaya’t sa bahaging ito, sa ngalan ng Guro at Panginoon na naghugas din sa aming mga paa, hayaan ninyo kaming mangahas na bigkasing muli ang kalooban Niya, iguhit muli ang landas Niya. Anong uri ng landas ang landas ni Kristo? Ito ang aming pinaninindigan bilang “matatanda”: ang pagpapakabanal ay ang patuloy na pakikipagtagpo sa kalooban ni Kristo, ang patuloy na pagtahak sa landas ni Kristo. Samakatuwid, ang buhay-kabanalan (spirituality) ay buhay-pakikipagkapwa-kalooban kay Kristo.
Pagpupuno (Juan 2:1-11)
92. Itinuro Niya ito sa kasalan sa Cana, Galilea. Itinuro Niya kung ano ang dapat gawin kapag tayo’y naubusan ng alak. Di ba’t napakadalas din nating “maubusan ng alak” sa buhay natin? Di ba’t sa buhay natin, sa pamilya, sa pamayanan, sa lipunan—kung minsan, o madalas — para tayong nasasaid, para tayong nauubusan ng alak ng pang-unawa, alak ng tiyaga, alak ng patawad, alak ng malasakit? Sa mga sandaling ito, kailangan nating matutunan ang landas ni Kristo. Ano ang dapat gawin kapag naubusan ng alak?
93. Ang unang sagot ay mula sa Mahal na Birhen: “Gawin ninyo ang ipag-utos niya sa inyo.” Ito ang ibubulong ng inang mapagmalasakit. Lagi at lagi, siya ang unang makapupuna sa ating problema, katulad ng ating sariling ina. Kaya’t hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lamang siya kamahal sa atin. Ngunit hindi siya mismo ang lulutas sa problema. Ilalapit niya tayo sa anak niya at bubulungan nang buong giliw at pagtitiwala: Gawin mo ang ipag-utos ng anak ko. Ituturo niya sa inyo ang paraan: “Punuin ninyo ang mga bangang walang laman.”
94. Sino’ng Pilipino ang hindi nakakaalam sa paraang ito, na sa kasamaang palad ay madalas lamang nating malimutan? Di ba’t sinasabi natin, “Kayo na po ang bahalang magpuno sa aming pagkukulang.” Ito ang landas ng pagpupuno. Kahit tubig na lang na walang lasa at espiritu ang natitira, magpuno. Hangga’t kaya pa nating magpuno, hangga’t kaya pa nating ibigay, ialay ang natitira sa atin, may kalutasan pa rin ang anu-mang suliranin. Siya ang magbibigay ng bagong lasa, bagong espiritu sa ating tubig upang ito’y maging alak na masarap.
Paglalakad sa Tubig (Mateo 14:23-33)
95. Itinuro Niya ito sa may lawa ng Tiberias, nang minsa’y inabot ng bagyo’t unos ang mga alagad habang sila’y naglalayag, at si Hesus nama’y nasa bundok, nananalangin. Lumakad siya sa tubig. At niyaya din Niyang lumakad sa tubig si Pedro. Hindi nga lang siya kaagad natuto. Mahalagang aral ito lalo na sa ating mga Pilipinong batbat ng mga kalamidad sa buhay. Madalas din nating matagpuan ang sarili sa gitna ng mga bagyo’t unos ng buhay, at tulad ni Pedro, para tayong lulubog dahil sa takot.
96. Alam na rin natin ang landas na ito, kahit paano. Di ba’t hindi lang tubig kundi lahar ang bumagsak sa Pampanga? Natakot din sila, muntik nang lumubog, ngunit tulad ni Pedro, kumapit kay Kristo. Hayun, nakatayo na sila ngayon at naglalakad sa lahar! Hindi bagong paraan ito. Madalas lang malimutan. Kung tulad niya, tayo rin ay matutong manalangin sa bundok at kumapit sa kapangyarihan ng Kanyang Ama, matututuhan din natin kung paano lumakad sa tubig, sa gitna ng unos at bagyo, kung paano sumakay sa bangka at patahimikin ang dagat.
Pagpapalaki sa Maliit (Lukas 19:1-10)
97. Itinuro naman ito sa bayan ng Jerico sa isang pandak na ang pangala’y Zaqueo, isang taong hindi matanggap ang kaliitan at nagsumikap na palitawing malaki ang sarili sa pamamagitan ng pagpapakayaman sa paniningil ng buwis. Nagbago ang lahat sa buhay niya nang makatagpo niya si Hesus—isang taong maliit sa lipunan, ngunit tinitingalang malaki ng maraming kumikilala sa kanyang kabanalan. “Zaqueo, bumaba ka diyan.” Ito ang unang paraan ng paglaki: pagbaba. Para bang sinasabi ng Panginoon sa kanya, “Hindi mo na kailangang tumuntong sa iba, upang lumaki, Zaqueo. Kahit maliit ka, kahit mababa ka, makikita pa rin kita. Ni hindi mo kailangang umakyat sa puno.” At bumaba nga si Zaqueo at nagpakumbaba. Subalit nang makasalo niya sa hapunan ang Panginoon, noon lamang niya naramdaman na siya’y malaki. Ang pagpansin, ang pagpapahalaga, ang pagtanggap sa kanya ng Panginoon sa kabila ng kanyang kaliitan ang nagpalaya sa kanyang dating bansot na ugali at pagtingin sa sarili.
98. Kailangang-kailangan natin ang landas na ito, tayong mga maliliit na Pilipino. Di ba’t natututo na rin ang marami sa atin na tumuntong din sa kapwa, upang maramdamang sila’y malaki? Di ba tayo madalas makatagpo ng mga taong maliit ang pagtingin sa sarili at kumakapit sa yaman at baril upang sila’y “lumaki” , upang sila’y mapansin, upang sila’y igalang? Hindi galit ang kailangan ng mga taong kulang sa pansin, kundi awa, tulad ng awa ni Kristo. Kung minsan, isang simpleng pagtanggap ang kailangan nila, pagkilala sa kanilang likas na halaga at importansya, upang sila ri’y mapalaya sa bansot na kaisipan at kultura.
Paghahati ng Tinapay (Markos 6:35-44; Mateo 14:15-21; Lukas 9:12-17 at Juan 6:1-14)
99. Itinuro daw ito sa may bayan ng Bethsaida, nang pakainin Niya ang maraming tao mula sa limang tinapay at dalawang isda. Kailangan din nating matutunan ito lalo na’t parami tayo nang parami, tayong mga Pilipino, habang pakonti nang pakonti ang likas na kayamanan sa atin. Pag-aralan natin ang aral ng pagpa-pakain sa marami—ang aral na itinuro niya sa Kanyang mga alagad nang sabihan Niya sila: Tulad ng mga alagad, di natin maunawaan ang utos niyang ito. Mas madaling“Bigyan ninyo sila nang makakain.” Mas madaling paraan ang pauwiin sila kaysa pakainin sila. Paano sila pakakainin? “Wala po tayo kundi limang tinapay at dalawang isda.”
100. Tinawag nilang wala ang limang tinapay at dalawang isda dahil konti lang ito. Ang ibig nilang sabihin talaga ay: “Wala pong kuwenta ito para sa napakaraming tao.” Itong kahiligang tawaging wala ang mayroon dahil kakaunti lang ito—ang unang ninais burahin ng Panginoon sa Kanyang mga alagad sa hangad Niyang maturuan silang magmilagro. Para kay Hesus, hinding-hindi magaganap ang isang milagro hangga’t tinatawag nating wala ang konti. Di ba’t ganito din kung minsan ang nasasabi ng mga maralita: “Mahirap lang po kami. Wala po kaming pinag-aralan. Iskuwater lang po kami…” na para bang “wala kaming maibigay, dahil walang-wala kami sa buhay.” Isip-dukha ang tawag dito. Isang kaisipang sinikap itama ng Panginoon nang kunin pa rin Niya ang limang tinapay at dalawang isda, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad upang ibigay sa mga tao. Alam na natin ang kasunod ng ulat pagkatapos dalhin at ibigay sa Panginoon ang kaunting pagkain na kanyang pinagpira-piraso at ibinahagi: himala. Walang himalang magaganap sa buhay ng tao hangga’t minamaliit niya ang sarili niyang pagkatao, ang sarili niyang kakayahan. Hindi magsisimula ang himala, hangga’t hindi maialay at maibahagi ng tao ang mayroon siya, gaano man kaliit, gaano man kakonti ito.
101. Sa huling suma, ito ang mismong aral ng Eukaristiya: pagbabahagi ng sarili bilang pagkaing magbibigay buhay sa kapwa. Sa paulit-ulit nating pagsisimba, paulit-ulit ding itinuturo ni Hesus sa atin ang landas Niya, ang landas ng Eukaristiya, ang landas ng kusang-loob at taos pusong pagbabahagi ng anumang mayroon tayo, ng ating buong buhay.
Pagpapatawad (Juan 8:3-11; Lukas 15:1-31; Markos 2:1-12)
102. Hindi lang minsan, kundi maraming beses Niyang itinuro ang landas na ito. At pangunahin na sa mga hindi makaunawa sa simula ay si Juan Bautista. (Lukas 7:18-23) Ipinakilala siya ni Juan Bautista bilang Mesias. Ipinahayag na Siya ang hahatol sa mga makasalanan at gagantimpala sa mga matuwid. Kaya’t mula sa bilangguan, nalito siya nang malaman na ang Mesias ay nakikisalo sa mga makasalanan. Ito rin mismo ang ikina-iskandalo ng mga pariseo tungkol sa Kanya. Ngunit sinikap pa rin Niyang ituro ang landas Niya: nang ipagtanggol ang babaeng nahuli sa pakikiapid (Juan 8:3-11), nang makisalo Siya kay Zaqueo (Lukas 19:1-10) at kay Levi (Markos 2:14-17), nang isalaysay Niya ang tatlong talinghaga ng patawad: ang nawawalang tupa, ang nawa-walang salaping pilak, ang alibughang anak (Lukas 15:1-31).
103. Patawad din ang paraan niya upang mapalakad muli ang lumpo (Markos 2:1-12). Ni hindi Niya hiningi bilang kondisyon ang pagsisi bago siya nagpatawad. Lagi’t lagi, nauuna ang patawad Niya, at ang dalisay na pagsisisi ay nagiging bunga ng paglaya, pagmamahal, at kaligayahan ng taong nakaranas ng patawad. Ang hindi mapagbago ng lipunang mapanghusga ay binago Niya nang lubusan sa pamamagitan ng patawad. Lahat ng pinatawad Niya ay para bang mga patay na bumangon mula sa libingan at nabuhay na mag-uli.
104. Mahalagang matutunan ang aral na ito, lalo na sa ating mga Pilipinong babad sa kultura ng “pagtatanim ng galit” sa mga tinuturing nating mga “walang utang na loob” at sa lahat ng taong walang idinulot kundi sama ng loob. Gaano man kahirap, pinanindigan niya ang kanyang salita: “Mahalin mo ang iyong mga kaaway.” (Mateo 5:44) At pinatunayan Niya ito hanggang sa krus, nang patawarin Niya ang mga nagpahirap sa Kanya: “Ama, patawarin mo sila, pagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” (Lukas 23:34) Tinuruan din niya tayong ituring ang mga makasalanan hindi bilang kriminal na dapat hatulan, kundi bilang maysakit na nangangailangan ng kalinga ng duktor. (Mateo 9:12-13) Para sa kanya, wala maiaalok na gamot na mas mabisa pa kaysa pagpapatawad.
Pagpapalayas sa Demonyo (Markos 5:1-13)
105. Sa may bayan ng Gerasa doon naman Niya ipinakita ang mga hakbang na dapat sundin sa pagpapalayas ng demonyo. Sa ulat na ito, pati ang paglalarawan sa taong inaalihan ng mga masamang espiritu ay pamilyar sa atin: nabubuhay siya sa sementeryo, walang makapagpigil sa kanya, sinasaktan niya ang sarili niya. Mga palatandaan ito ng mga nasa kapangyarihan ng masasamang espiritu na madali nating makita at makilala kahit sa panahon natin ngayon: sa mga taong nabubuhay na parang patay at lumalayo sa kapwa tao, sa mga taong walang kontrol sa sarili, sa mga taong nalulugmok sa awa-sa-sarili at pagsira sa sariling buhay. Kadalasan, alipin sila hindi lang ng isa kundi ng maraming demonyo: mga galit, hinanakit, inggit, takot, at marami pang iba.
106. Ang unang hakbang Niya’y isang tanong: “Ano ang pangalan mo?” Paniwala nila na wala kang kapangyarihan sa isang bagay hangga’t hindi mo ito nakikilala at nabibigyan ng pangalan. Gayundin marahil sa maraming masasamang espiritu sa lipunan natin. Hindi natin sila mapapalayas hangga’t hindi natin nasusuri, nakikilala, natatanggap, at nabibigyan ng pangalan. Pangalawang hakbang ang pagpapalayas Niya sa mga demonyo at pagpapapasok sa kanila sa mga baboy. Pahiwatig kaya ito na ang masasamang espiritu ay mahilig manirahan sa gitna ng kababuyan? Pangatlong hakbang ang pagpapauwi Niya sa tao upang magkuwento, upang maging saksi sa kabutihan ng Diyos. Hinugot siya sa piling ng mga patay, at ibinalik ng Panginoon sa piling ng mga buhay upang maging saksi ng Mabuting Balita.
Pagpapabangon sa Patay (Juan 11:17-44)
107. Sa Betania naman naganap ang aral na ito: ang pagpapabangon sa kaibigan Niyang si Lazaro mula sa libingan. Mahalaga ring malaman ito kahit ng mga buhay. Di ba’t marami ring taong naglilibing nang buhay sa sarili dahilan sa mga masakit, mapait, at masaklap na karanasan? Karaniwan nga sa ating mga Pilipino ang magsabing: “Tapos na iyon, kalimutan na natin, ibaon na natin sa limot,” kahit alam natin sa loob-loob na nananatili itong sariwa na parang sugat na nagnanaknak sa ilalim ng natuyong balat?
108. Narito ang paraan niya kay Lazaro: “Alisin ang batong nakatakip.” Hindi madali ang magbukas, ang mag-alis ng takip ng mga pinakakatago-tago nating mga lihim na bumabagabag sa atin. Tulad ni Marta, ayaw nating mangamoy. Sino bang gustong makitang muli ang baho niya, ang kabulukan ng buhay niya? Subalit ito ang unang hakbang sa pagpapabangon sa patay. Kasunod na nito ang panawagan Niya: “Lumabas ka, Lazaro.” At paglabas niya, makikiusap Siya sa atin, “kalagin ang mga nakatali sa kanya.” Kung kasama Niya tayo sa libingan, sa misyon ng pagpapabangon sa patay, hahamunin Niya tayong huwag matakot sa mga nagkukubli sa libingan, hihikayatin tayong sumama sa pagkakalag sa mga nakatali sa ating kapwa, upang makabangon siya sa piling ng mga buhay.
Alagad, Apostol
109. Marami pang maaaring sabihin tungkol sa landas ni Kristo. Kayo na sana ang bahalang magpuno sa kakulangan ng aming abang pagsusumikap na mailarawan ito. Higit sa lahat ang mahalaga ay ang marubdob na pagpupunyaging laging makasunod sa Kanya. Pagsunod ang kahulugan ng pagiging disipulo, pagiging alagad. Pagsunod upang matutuhan ang landas Niya, ang kalooban Niya. Pagsunod upang maging mga kaibigan Niya. (Juan 15:14-16)
110. Subalit hindi pa buo ang pagiging mga alagad natin hangga’t hindi niya tayo naisusugo. Ito naman ang buod ng pagiging mga apostol. Lumalapit tayo sa Kanya upang makilala Siya; upang ang kalooban Niya’y maging kalooban natin, upang ang landas Niya’y maging landas natin. Bukod-tanging sa ganoong paraan lamang tayo maaaring maisugo bilang Kanyang kinatawan. Sa atin—bilang pamayanan—dapat maaninag si Kristo, katulad ng pahayag ni San Pablo: “Hindi na ako, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin.” (Galatia 2:20) Tayong pinagkalooban Niya ng iisang Espiritu at naging buhay na katawan ni Kristo, tayo ngayon ang magpapatuloy sa Kanyang gawain sa kasalukuyang panahon: ang maibalik ang paningin ng mga bulag, ang pandinig ng mga bingi, ang mapalakad ang pilay, mapabangon ang mga patay at maipahayag ang mabuting balita sa mga dukha.
111. Maraming mga tao sa ating piling ang nabulag sa mga maling paniniwala at pagpapahalaga, maraming nabigo at nalugmok sa kawalan ng pag-asa, maraming napipi ng masasaklap na karanasan, maraming wala nang gana sa buhay. Sila ang naghihintay kay Kristong nabubuhay sa atin.
Gabay sa Pagninilay at Diskusyon
1. Inilarawan ng Sulat-Pastoral ang kalooban ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang mga turo at pakikitungo sa. Ano pa ang mga halimbawa sa Banal na Kasulatan na sumasailalim sa kaisipan at ugali ng Panginoong Jesucristo, upang sa gayo’y unti-unti nating mapuno ang kanyang larawan at landas?
2. Batay sa paglalarawan sa landas ni Kristo, anong mga konkretong pag-iisip at paggawa sa ating kasalukuyang buhay pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura na dapat baguhin upang sa gayo’y kahit sa mga larangan na ito ng ating buhay bilang isang bansa maaari nating makatagpo ang kalooban ni Kristo?
3. Sa papaanong paraan pinagtitibay ng nailalarawang landas ni Kristo ang mga katutubong kahalagahang Pilipino (Filipino Values)?
IV. PANAWAGAN
112. Bago tayo magtapos, sandali nating balik-tingnan ang layunin ng sulat-pastoral na ito na aming isinaad sa simula. Nabanggit namin doon ang aming hangaring pagtuunan ng pansin ang landas ng pagpapakabanal na ating nakagisnan bilang mga Katolikong Pilipino. Saan tayo nagsimula, nasaan na tayo ngayon, saan tayo patungo?
113. Sinikap ding sagutin ng tatlong nakaraang mga sulat pastoral ng CBCP ang mahalagang tanong “Nasaan na tayo ngayon?” Sa Sulat Pastoral noong 1997 ukol sa Pulitikang Pilipino, ipinahayag namin sa isang dako, na “Matindi ang pinsalang dulot sa atin ng kasalukuyang takbo ng pulitikang Pilipino. Ito’y mistulang isang tinik sa laman ng ating bayan. . .” Sa kabilang dako naman, binigyan din namin ng pansin ang ilang mga palatandaan ng pag-asa, katulad halimbawa ng ipinakikitang pagkakaiba ng pagboto ng mga mamamayan, ang mas matalinong pagpili ng mga kandidato, at ang mga bago at nakababatang mukha sa mga pamunuang nahahalal sa antas na pambarangay, pambayan, at panlalawigan. At mula pa noong sa EDSA, nasanay nang mabuti ang mga boluntaryong grupong galing sa mga NGO (non-government organizations) at PO (People’s organizations) na ipagtanggol ang balota nang buong sigasig at lakas ng loob.
114. Sa ikalawang Sulat Pastoral naman na aming inilathala noong 1998, tinalakay ang mga aspetong maliwanag at madilim sa isa pang mahalagang sangkap ng ating pang-araw-araw na buhay bilang mga mamamayan: ang ekonomya ng bansa. Aming tinutukoy doon ang pangangailangan para sa isang mas makataong pagpapaunlad sa ekonomya na may pangunahing pakundangan sa hangaring mapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap, mabahaginan ang lahat ng pantay na pakinabang at maibsan ang malaking agwat sa pagitan ng mga mariwasa at maralita.
115. Sinundan pa ang Sulat Pastoral na ito noong 1999 ng isang malawakang pagninilay sa kulturang Pilipino. Doon tinalakay ang mga kaugalian at kagawiang ating pinahahalagahan tulad ng “utang-na-loob” at “pakikisama” pati na ang magkasamang positibo at negatibong aspeto ng mga ito. Positibo, kapag nalagay sa tamang hangganan, at negatibong kapag lumalabis o kumukulang.
116. Sinikap ilarawan ng tatlong nasabing mga sulat pastoral ang Pilipino sa kasalukuyan, sa ating pagpasok sa isang bagong milenyo. Hindi laging kaaya-ayang pagmasdan ang larawang ito, tulad ng madalas ipakita sa atin ng mass media araw-araw, sa mga balitang panggabi: mga balita tungkol sa mga Pilipinong pumapatay ng kapwa Pilipino, Pilipinong nagnanakaw sa kapwa Pilipino, libo-libong mga Pilipinong naninirahan sa mga barong-barong na hindi angkop kahit sa mga hayop, mga Pilipinong may mga anak na maliliit na gumagala sa mga lansangan upang magpalimos. Masasabi natin nang tahasan na ang balangkas ng pamumuhay na iginuguhit para sa atin ng mga sari-saring puwersang pampulitika, pang-ekonomya, at pang-kultura ay lihis, taliwas, o may malaking pagkukulang. Sa pinaka-kaibuturan ng ating buhay pampulitika, pang-ekonomya, at pang-kultura, may mga masasamang espiritung kailangang maiwaksi kung nais nating maging isang bayang marangal, matuwid, at mapag-malasakit.
117. Ano ang lulutas sa ating mga sakit-panlipunan? Saan pa tayo unang hahanap ng lunas bilang mga Kristiyano kundi sa ating pananampalataya? Isinasabuhay ang pananampalataya, hindi lang isinasaisip. Isang landas ito ng pagpapakabanal at pagpapahalaga na dapat manghimasok sa ating kasaysayan upang mapabago ito. Masasabi nga kaya natin na ang pananampalatayang isinasabuhay natin — ang ating sinusundang landas ng pagpapakabanal — ang siyang nagdudulot sa atin ng panloob na lakas upang mapag-ibayo ang ating mga samahan? Natutulungan ba tayo ng ating mga debosyon sa Mahal na Birhen at sa mga Mahal na Patron upang magpakatotoo at magkaroon ng pananagutan sa ating buhay-pampulitika? Nagagabayan ba tayo ng ating mga panatang pang-Mahal-na-Araw upang manindigan para sa katarungan sa ating pakikitungo sa ating mga manggagawa? Nabibigyan ba tayo ng bagong diwa upang ang ating buhay-pangkultura ay matigib ng pag-ibig at patawad sa pamamagitan ng pagsapi sa mga charismatic renewal movements? Sa madaling sabi, ito bang landas ng pagpapakabanal na ating nakagisnan ay nakakalampas na sa ating kanya-kanyang mga bakuran, upang maging isang lakas na palaban at mapagbago sa ating lipunan?
118. Kailangan nating aminin nang buong kababaang-loob na malayo pa ang ating lalakbayin, na marami pa tayong bigas na kakainin sa usapin ng pagsunod sa Kristiyanong landas ng pagpapakabanal. Kailangan ding dalisayin ang mga ritwal at panata na ating minana sa ating mga ninuno. Kailangang malakma ang mga ito sa tamang landas, sa tamang kalooban, na walang iba kundi ang landas at kalooban ng Panginoong Hesukristo. Inilarawan natin ito sa ikatlong bahagi na pinamagatang Pamantayan ng Pagpapakabanal: Ang Landas ni Kristo.
119. Sa huling bahaging ito ng aming sulat, nais naming mag-iwan ng ilang mga panawagan sa inyo, mga minamahal naming mga anak, sa aming kakayahan bilang inyong mga magulang sa pananampalataya. Hindi birong hiyas ang minana nating landas na ito bilang mga mananampalatayang Katolikong Pilipino. Pag-aralan natin nang masusi kung paano pa natin ito mapag-yayamang mabuti, upang sa atin bilang mga pamayanan ay ganap na kumislap ang ningning ng Manunubos; upang sa ating mga pamayanan ay walang ibang maaninag kundi si Kristo at ang kanyang Landas patungo sa Kaharian ng Diyos.
Landas sa Manlalakbay
120. Ang buhay ay paglalakbay patungo sa isang layuning hindi maaabot kung walang landas na sinusundan. Ni hindi malinaw sa atin ang mismong layunin sa simula—saan tayo tutungo?—kung paanong hindi rin kaagad naging malinaw sa mga alagad ng Panginoon. Tulad ni Tomas, natutukso tayong magtanong: “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo patungo. Paano namin malalaman ang daan?” (Juan 14:5-6)
Bagong Jerusalem
121. Di ba ganoon din ang kalagayan ng dalawang alagad na naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Emmaus ayon sa salaysay ni San Lukas? (Lukas 24:13-35) Batbat daw ng kalungkutan ang kanilang mga puso, dahil sa kabiguang naranasan nila sa Jerusalem: lugar ng pagdurusa at kamatayan. Ito ang iniiwan nila, o marahil tinatakasan nila. Sila’y patungong Emaus, subalit hindi rin ito ang tunay nilang layunin. Ang Jerusalem ang dati nilang layunin—na ngayon ay kanilang tinatalikuran. Kaya sila naglalakbay—tulad ng marami—na parang walang direksyon. Naghahanap ng bagong layunin, bagong landas.
122. Kung pagsunod sa isang landas ang buhay-Kristiyano, nagsisimula pa lamang ito sa pakikitagpo kay Hesukristo bilang isang di-kilalang kapwa-manlalakbay sa daan. Siya daw, ayon sa kuwento ni San Lukas, ay masiglang sumabay sa dalawa at nakipagkuwentuhan. At isang bagay ang naganap habang sila’y nagkukuwentuhan: unti-unti nilang napagdugtong-dugtong at napagwari ang lahat ng mga pangyayari sa nakaraan at nabigyan ng bagong kahulugan. Unti-unting luminaw sa kanila ang saysay ng mga pangyayari, sa pamamagitan ng Kanyang salaysay.
123. Hindi naman talaga ang Emmaus ang layunin ng dalawang manlalakbay. Isang pahingahan lamang ito o panuluyan sa gitna ng isang walang-direksyong paglalakbay. Ang kuwentuhan ay humantong sa pagsasalo sa hapag-kainan, at sa sandali ng pagkilala sa tunay nilang kausap at kasalo. “Nakilala siya sa paghahati ng tinapay at siya’y naglaho.” Naglaho man Siya, may bago nang apoy sa kanilang mga puso. Nasabi daw nila sa isa’t isa: “Kaya pala parang nag-aapoy ang ating mga puso nang kausap natin siya.” Ang apoy na ito ay nagningas at nagsilbing liwanag na tumanglaw upang muli nilang matuklasan ang landas: pabalik sa Jerusalem. Noon pa lamang magsisimula ang paglalakbay patungo sa bagong Jerusalem. Subalit sa kalooban nila, hindi na lungkot kundi kaligayahan, hindi na takot kundi lakas-ng-loob ang nagliliyab. Simula pa lamang ito ng paglalakbay patungo sa bagong Jerusalem ng tagumpay, bagong Jerusalem ng muling pagkabuhay.
124. Hindi kaya tulad ng dalawang alagad, tayo ring mga Pilipino ay patungong Emmaus? Hindi kaya tulad nila, tayo rin ay batbat ng kalungkutan dahil sa ating mga kabiguan sa Jerusalem ng pagdurusa at kamatayan? Hindi kaya tayo rin ay madalas natutuksong tumakas at tumalikod sa landas na dapat nating tahakin dahil kaakibat nito ang maraming dusa at sakit?
125. Sa maraming mga paraan at pagkakataon, sinasamahan Niya tayo bilang isang hindi-nakikilalang kapwa manlalakbay. Sa Kanya natin ihinga at ipagkatiwala ang ating mga kabiguan at kalungkutan. At sa sandaling buksan Niya sa atin ang Banal na Kasulatan, buksan din natin ang ating mga kalooban, upang kanyang pag-alabing muli ang mga ito sa bagong paliwanag na Kanyang ibibigay. Sa pagsapit ng dilim, yakagin natin Siyang makipanuluyan at makisalo sa atin. Doo’y hayaan nating mabuksan naman ang ating mga mata sa pagpipiraso ng tinapay. Sa pagbibigay Niya ng sarili sa atin bilang pagkain, pag-aralan natin ang landas Niya; ang landas ng pag-aalay ng buhay alang-alang sa kaibigan. At kapag napawi na ang takot sa ating mga puso at kalungkutan sa ating kalooban, kapag napalitan na ito ng lakas ng loob at ng di-mawaring kapayapaan, bumalik tayo sa isang bagong Jerusalem kung saan naghihintay ang ating mga kapatid at ang Mahal Niyang Ina, ang Mahal nating Ina.
Gabay sa Pagninilay at Diskusyon
1. Sa papaanong paraan nagiging sanhi ng pagbaba o pagtaas ng kalidad ng ating buhay pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura ang buhay-kabanalan?
2. Papaano natin magagawang isang “lebadura” ang buhay-kabanalan sa ating buhay at kasaysayan bilang isang bansa sa simula ng ikatlong milenyo?