Pampastoral na Pagtuturo ng CBCP Para sa Hubileo ng Awa At Taon ng Pamilya at ng Eukaristiya

Lumuhod tayo sa harap ng Panginoon na lumikha sa atin (Salmo 95:6)

 

Ang Taong 2016 ay isang taon ng maraming biyaya para sa atin sa Pilipinas. Ito rin ay magiging isang taon ng misyon para sa Kaharian.

Mula sa ika-8 ng Disyembre 2015 hanggang ika-20 ng Nobyembre 2016, ang Simbahan sa buong mundo ay magdiriwang ng isang hindi karaniwang Taon ng Awa ayon sa ipinag-utos ni Papa Francisco sa kanyang sulat Misericordiae Vultus. Tayo ay matapat na kaisa ng Santo Papa sa kanyang pananalangin na “ang Simbahan nawa ay mag-alingawngaw ng salita ng Diyos nang malakas at malinaw na nagpapahayag ng mensahe at pananda ng pagpapatawad, lakas, tulong at pagmamahal. Hindi nawa siya manghinawa sa pag-aabot ng awa, at palaging nagtitiyaga sa pag-aalok ng habag at kaaliwan.”

Sa Pilipinas, ating bubuksan ngayong ika-29 ng Nobyembre 2015, Unang Linggo ng Adbiyento, ang Taon ng Eukaristiya at ng Pamilya, bilang bahagi ng ating siyam na taon ng paghahanda sa Hubileo ng 2021, ang ika-500 anibersaryo ng Unang Misa at unang pagbibinyag sa Pilipinas. Atin ding pinananabikan ang pagdiriwang ng 51st International Eucharistic Congress sa Cebu sa darating na Enero 2016.

Sa Taong 2016 atin ding ipagdiriwang ang ika-25 taon ng pagtitipon ng Ikalawang Konseho Plenaryo ng Pilipinas, ang pinakadakilang pangyayari sa Pilipinas sa ika-20 siglo.

Sa dumarating na taon ng pagpapanibago na itinatalaga sa awa, sa Eukaristiya at sa Pamilya, sa liwanag ng PCP II, papaano kaya tayo tutugon bilang bayan ng Diyos?

Bilang inyong mga kapatid at pastol sa pananampalataya, ang ating tugon ay “Kung nais natin ng pagpapanibago, matuto tayong lumuhod muli”. Tila naiwala na ng ating henerasyon ang pangrelihiyong kilos ng pagluhod; tayo ay naging henerasyon ng pumapalakpak. Tila ikinumpromiso na natin ang kabanalan ng kababaang-loob sa kultura ng pansariling kaseguruhan at pagsasarili. Hindi na matanggap ng ating konsumerismong kultura ng tapon-ng-tapon ang lumuhod sa harap ng isa’t isa, tulad ng Panginoon na naghugas ng paa ng kanyang mga minamahal. Kung nais nating maibalik ang isang kontemplatibong pagtingin sa sangnilikha gaya ng paanyaya sa atin ni Papa Francisco, dapat nating matutuhang muling lumuhod sa paanan ng Panginoon at mamangha sa kahanga-hanga niyang pagkamahabagin at awa.

Kung nais natin ng pagpapanibago, matutong muling lumuhod ang ating katawan, ang ating puso at ang ating kalooban.

Humihingi ng awa, lumuhod tayo sa pagbabalik-loob. Gumagalang sa Eukaristiya, lumuhod tayo at sumamba. May mapagpakumbabang paglilingkod, lumuhod tayo sa pamilya at maghugasan ng paa ng bawat isa. Kung nangangarap tayo ng pagpapanibago, muli tayong lumuhod sa pagmamakaawa, sa pagsamba at sa paglilingkod.

Para sa Awa Lumuhod tayo

Hindi natin maipagdiriwang ang awa kapag walang pagmamakaawa.

Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo na po silang panagutin sa kasalanang ito!” at nang masabi ito, siya’y nalagutan ng hininga. (Gawa 7:60)

Tulad ng Amang mahabagin, tinatawag tayo upang manalangin para sa sangkatauhan sa kapatawaran ng mga kasalanan. Kailangan nating palaging pagnilayan ang hiwaga ng awa. Ito ay bukal ng kagalakan, ng kahinahunan, at ng kapayapaan. Dito nakasalalay ang ating kaligtasan. Awa: ang salitang ito’y nagpapahayag ng mismong hiwaga ng Kabanal-banalang SangTatlo. Awa: ang pinaka-sukdulan at pinaka-dakilang kilos na kinatatagpo tayo ng Diyos. Awa: ang pinaka-saligang batas na nananahan sa puso ng bawat isang tao na matapat na tumitingin sa mata ng kanyang kapatid sa landas ng buhay. Awa: ang tulay na nag-uugnay sa Diyos at sa tao, nagbubukas ng ating puso sa pag-asang walang-hanggang mamahalin kahit sa kabila ng ating pagkamakasalanan. (MV #2).

Sa pagdiriwang ang hubileo ng Awa, tayo rin ay inaanyayahang lumuhod na may kababaang- loob at pagsisisi lalung-lalo na sa sakramento ng pakikipagkasundo kung saan tayo ay lumuluhod upang aminin ang ating mga kasalanan at tumanggap ng kapatawaran. Ang pagluhod ay isang napaka-halagang kilos sa ating kulturang Kristiyano na dapat nating maibalik at panatilihin. Ang sabi ni Origen, ang pagluhod ay kinakailangan kung nais nating aminin ang ating mga kasalanan sa harap ng Diyos at humingi ng Kanyang awa. Ang pagluhod ay sumisibolo na ang isang tao ay nadapa subalit nagtitiwala sa mapagmahal na awa ng Diyos. Kapag ang ating mga katawan ay hindi makakilos sa disposisyon ng pananalangin ng puso; Kapag naiwala na natin ang kahalagahan ng pagluhod at pagyukod, ang ating panalangin ay maaaring maging tuyo at maaaring nakababagot. Ang pagdarasal kasama ang katawan sa pagluhod o pagyukod o pagtataas ng ating mga kamay ay maaaring makapagpaningas ng namamatay na baga ng ating buhay-espirituwal.

Itinuro ni John Cassian (360-435) na “Ang pagtiklop ng ating tuhod ay isang palatandaan ng pagtitika at kalungkutan ng isang pusong nagsisisi”. Gayundin naman, sinabi ni St. Ambrose of Milan (Hexaemeron, VI, ix) na “ang tuhod ay ginawang natitiklop upang sa pamamagitan nito, higit sa alinmang bi-as ng katawan, ang ating mga kasalanan sa Panginoon ay mabawasan at ang galit ng Diyos ay mapaglubag, at maakit ang biyaya”.

Ang pagluhod ay hindi lamang isang kilos upang humingi ng awa sa ating mga kasalanan, ito rin ay isang kilos ng pagkahabag sa ating kapwa sugatang makasalanan. Inaanyayahan tayong lumuhod upang bendahan ang mga sugat na nagdurugo at nasasaktan. Tunay nga, ang awa ay hindi lamang kilos ng Ama, ito rin ay nagiging sukatan kung sino ang tunay na anak. (MV, #9). Ang pagluhod ay nagbibigay sa ating ng disposisyon upang tumanggap at magbahagi ng awa. Ang pagluhod ay nagpapaalaala sa atin na tayo ay nadapa at sa ating pagbagsak subalit pinatawad na katatayuan, tayo ay dapat magpakita ng awa sa isa’t isa.

Kailangan nating lumuhod sa pagsisisi sa harap ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan laban sa Inang Kalikasan. Lumuhod tayo na nalulungkot sa mga sugat ng kalikasan, ang pagkawasak ng komplikadong sistema ng buhay na isinakripisyo sa dambana ng kaunlarang pang-ekonomiya.

Lumuhod tayo sa harap ng mga dukhang ating binale-wala; silang mga tiniyak ng Panginoon na magmamana ng Kaharian. Lumuhod tayo na nalulungkot sa ating pang-aabuso laban sa mahihina at mga bulnerable. Lumuhod tayo upang hingin ang awa mula sa ating isina-isang- tabi at hinusgahan, pinagsuspetsahan at pinagtsismisan. Kailangan tayong lumuhod at hingin ang pagpapatawad sa ating maling pagtitimpi at karuwagan na manindigan para sa Panginoon at mamatay na kasama Niya.

Kung nais natin ng pagpapanibago, kailangan nating matutuhan ang kababaang-loob ng pagluhod mula sa ating puso, kasama ang ating mga tuhod.

Mas madali nating maalaala na tayo ay makasalanan kapag tayo ay nakaluhod. Mas madali na ibahagi ang kaparehong awa kapag tayo ay nakaluhod, hindi sa isang mataas na antas moral kundi sa ating parehong kalalagayan ng kasalanan. Miserando atque eligendo.

Ang awa ay ang mismong pundasyon ng buhay ng Simbahan. Ang lahat ng kanyang mga gawaing pampastoral ay kailangang mabalot ng pagmamahal na ipinakikita sa mga mananampalataya; walang anuman sa kanyang pagtuturo at sa kanyang pagpapatotoo sa mundo ang maaaring magkulang sa awa. Ang mismong kredibilidad ng Simbahan ay nakikita kung paano siya nagpapadama ng maawain at mahabaging pagmamahal (MV, #10). Ibinabahagi natin ang ganitong awa hindi bilang tagapagbigay ng biyaya mula sa ating trono bilang hukom kundi mula sa ating kaparehong kalalagayan na makasalanan.

Sa ating Pagsamba Lumuhod Tayo

Sa Enero 2016, ang ating mga paa at ang ating mga tuhod ay dadalhin tayo sa Cebu para sa 51st International Eucharistic Congress na pinaaalingawngaw ang mga salita ni San Pablo sa mga taga Colosas “Si Kristong sumasainyo, ating pag-asa ng kaluwalhatian” (1:27).

Kung nangangarap tayo ng pagpapanibago, muli nating tuklasin ang kapangyarihan ng pagluhod muli sa matahimik na pagsamba sa Banal na Sakramento ang Kordero ng Diyos.

At narinig kong nag-aawitan ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa, at nasa dagat—lahat ng nilikha sa buong sanlibutan:”Sa kanya na nakaluklok sa trono, at sa Kordero, Sumakanila ang kapurihan at karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, Magpakailanman!” Tumugon ang apat na nilalang na buhay: “Amen!” At nagpatirapa ang matatanda at nagsisamba.

Ang dating Cardinal Joseph Ratzinger ay sumulat sa kanyang aklat “The Spirit of the Liturgy” na itinuturing ng mga Hebreo ang tuhod bilang simbolo ng lakas. Upang tiklupin ang tuhod, kung gayon ay tiklupin ang ating lakas sa harap ng buhay na Diyos, isang pagkilala sa katotohanan na ang lahat sa atin ay pawang tinanggap mula sa Diyos.” (p. 191)

Ang pagluhod ay bahagi ng ating kulturang Kristiyano. Hindi natin maaaring iwanan o bale-walain ang kultura ng pagluhod at piliin ang kulturang nagsasabing bilang malalaya kailangan tayong humarap sa Diyos nakatayo sa ating mga paa. Ang pagtiklop ng ating tuhod sa harap ng tabernakulo sa genuflection, pagluhod sa pagdiriwang ng Eukaristiya, pagluhod para sambahin ang Banal na Sakramento – ang mga ito ay maliliit subalit dakilang kilos ng pagsamba na dapat nating panatilihin at ipagtanggol.

Ang pagluhod sa mga salita ng konsagrasyon ng tinapay at alak ay hindi lamang kilos ng kababaang-loob kundi isang pagyukod na pagtanggap na katagpuin ang Panginoon na Siya mismong nagpakababa ng sarili upang abutin tayo. Kahit siya ay Diyos, hindi siya nagpumilit na manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip ay kusa niyang binitawan ang karapatan niyang ito, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siyang tulad ng isang karaniwang tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. (Phil 2:6)

Kapag kailangan mo ng pagpapanibago, muli kang lumuhod. Lumuluhod tayo upang magbalik-loob sa mga di-mabilang na kalapastanganan laban sa Eukaristiya. Samantalang tayo’y yumuyukod at sumasamba sa Eukaristiya, nagsusumamo din tayo ng awa dahil sa kalapastanganan at pagwawalang-galang sa mga Banal na Katawan at Dugo sa maraming lugar. Humihingi tayo ng kapatawaran sa mga ginagawang pag-eeksperimento sa liturhiya at mga pag-abuso; sa labis na pagmamahal sa sarili ng mga inordenahan na naghahangad ng kasikatan sa halip na kabanalan; sa pagwawalang-bahala sa Banal na Misa; sa mga kasuotang walang paggalang at malamig na saloobin kapag dumadalo ng Misa.

Sinabi ni Cardinal Ratzinger, “may isang istorya na mula sa mga salawikain ng mga Desert Fathers, na nagsasabi na ang demonyo ay inutusan ng Diyos sa isang nagngangalang Abba Apollo. Kung pagmamasdan siya ay maitim at pangit, na may payat at nakatatakot na mga braso at binti, subalit higit sa lahat, wala siyang tuhod. Ang hindi niya kayang lumuhod ang nakikitang esensya ng kanyang pagiging demonyo” (The Spirit of the Liturgy, 193).

Ang Diyos ay Panginoon, hari siya ng nilikha,
Maghahari sa daigdig, sa lahat ng mga bansa.
Mangangayupapang lahat ang palalo’t mayayabang,
Ang lahat ng mga tao ay yuyuko sa Maykapal,
Ang narito sa daigdig na nilikhang mamamatay. (Salmo 22:28-29)

Kung nais nating ng pagpapanibago sa espirituwalidad, kailangan nating maibalik ang kulturang Kristiyano ng pagluhod.

Para sa Pag-ibig at Paglilingkod Lumuhod Tayo

Sa Taong ito ng Pamilya at ng Eukaristiya, inaanyayahan tayo na lumuhod para magdala ng pagpapanibago sa pamilya. Lumuhod tayo upang maglingkod kagaya ng Panginoon. Pinapangarap namin na ang bawat pamilyang Pilipino ay maging disipulo at misyonero ng Eukaristiya.

vKaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Jesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. vPagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. (Juan 13:4-5)

Lumuhod muli tayo sa ating mga tahanan para sa pagdarasal ng pamilya at sa paghuhugas ng paa. Kung saan ang pag-ibig at paglilingkod ang namamayani sa halip na pagpapataasan at pagtatanim ng hinanakit; kung saan ang kababaang-loob ng paghingi ng kapatawaran at pagpapatawad ay namamayani sa paghihiganti at sama ng loob; kung saan ang mga magkakapatid ay naghuhugas ng paa ng isa’t isa at gayundin ang mga magulang; kung saan ang kultura ng pagluhod ng pamilya nagaganap, ang pangarap ng pagpapanibago ng buhay-pamilya ay hindi malayong matatanaw.

Ang pamilyang sama-samang nananalangin ay mananatiling sama-sama. Ang pamilyang sama-samang lumuluhod ay mananariwa at magpapanibagong sama-sama. Ang pamilyang sama-samang lumuluhod ay mananatiling bata, sariwa at bago. Ang pagluhod ay nagpapalakas sa mga pamilya upang manindigan sa mga unos ng buhay. Ang pagluhod ay lakas.

Kung ano ang pamilya, gayundin ang Simbahan at ang kanyang mga pastol. Ang Simbahan ay hindi atin. Ang Simbahan ay kay Kristo. Tayo na mga katiwala lamang, at hindi mga among tagapagtayo, ay dapat bumalik sa kahalagahang pang-espirituwal ng pagluhod sa pananalangin at pagyukod sa paghuhugas ng paa. Ang utos na ibinigay ng Panginoon noong Huwebes Santo ay “Gawin ninyo tulad ng aking ginawa” bilang pang-araw-araw na tungkulin na kailangan nating gawin nang may kababaang-loob, may kagalakan, may pananalig at may pag-ibig.

Pagluhod para sa Pagpapanibago

Sa Taon ng Pagdiriwang ng Awa, ngayong Taon ng Pamilya at Eukaristiya, bumalik tayo sa kahalagahang espirituwal at kagandahan ng pagluhod. Sinabi pa ni Tertullian na “Walang panalangin ang dapat gawin na walang pagluhod”. (De Oratione, 23)

Paano tayo mapapanibago kapag walang panalangin? Paano tayo makapananalangin kapag walang pagluhod para sa pagsisisi? Paano tayo makatatanggap ng awa kapag tayo ay mayabang at segurado para sa sarili?

Paano tayo makasasamba kapag walang pagluhod, samantalang sinabi mismo ng Apostol na “Sa pangalan ni Jesus ang lahat ay maninikluhod sa nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa”.

Paano natin maipakikita na tayo ay Kanyang mga tagasunod kapag walang pagluhod upang hugasan ang mga paa ng bawat isa na Kanyang ipinag-utos? Sa pamamagitan ng pag-ibig tayo ay makikilala bilang Kanyang mga tagasunod.

Sa Taong ito ng Awa lumuhod tayo muli. Kung nais natin ng pagpapanibago, ang ating puso at ang ating katawan ay dapat manikluhod. Iyukod natin ang ating isip at mga binti sa harap ng Panginoon. Ang ating kaluluwa at ang ating mga tuhod ay manikluhod sa pagsamba at kababaang-loob.

Turuan nawa tayo ng ating Inang si Maria, Ina ng Awa, ng kanyang kababaang-loob at akayin niya tayo upang sambahin ang kanyang Anak at maglingkod tulad Niya. Amen.

Mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ika-29 ng Nobyembre, 2015, Unang Linggo ng Adbiyento.

Tapat na Sumasainyo,

(Lagda) +SOCRATES B. VILLEGAS
Arsobispo ng Lingayen-Dagupan
Pangulo, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines