(Pahayag ng Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas sa Pambansang Konsultasyon ng Sinodalidad, Hulyo 4-7, 2022, Tagaytay City)

 

Minamahal Naming Bayan ng Diyos,

Laging nananawagan ang ating Santo Papa, si Papa Francisco, ng isang Simbahang ang mga kasapi ay nagsusumikap na mabuhay sa pagkakaisa, pagkakasundo at pakikiisa sa buhay ng Simbahan, at mga kasaping hindi napapagod sa paghahanap sa mga pinakamaliit, nawawala at binabalewala ng lipunan.

Ang panawagang ito ni Papa Francisco ay panawagan para maging isang Sinodal na Simbahan–isang Simbahang magkakasamang naglalakbay.

Tumugon kami, bilang Diyosesis, Prelatura, at Vicariato Apostoliko, sa kanyang panawagan sa pamamagitan ng pakikinig sa isa’t isa, mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad, mula sa mga barangay, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan at sa mga hindi nabibilang sa ating Simbahan.

Pagkaraan ng mga konsultasyon, kaming mga Obispo, kasama ang aming mga laykong kinatawan, kasama ng mga pari, madre at mga kabilang sa konsagradong buhay ay nagsagawa ng apat na araw na pagtitipon–The National Synodal Consultation–sa Tagaytay.

TUMINGIN KAMI. Ikinatuwa namin ang matiyagang pananalig ng ating mga mamayanan, ang dedikasyon ng mga naglilingkod, ang nabubuong diyalogo sa loob at labas ng Simbahan. Nakita namin ang liwanag.

Subalit nalungkot din kami dahil nakita naming malayo pa tayo sa minimithing Simbahan ng mga Dukha, at narinig namin ang mga hinaing at inaasam ng mga malayo sa Simbahan. Nakapinid pa rin pala ang pintuan ng Ebanghelisasyon. Nabantad sa amin ang dilim.

Higit kaming nagkaisa dala ng tuwa at lungkot na aming nakita, subalit hinahangad namin ang higit pang malalim na pakikiisa.

NAKINIG KAMI. Malakas ang panawagan sa amin–sa aming mga obispo, mga pari, mga kabilang sa konsagradong buhay, at kasama ang mga taong-simbahan– na magbago kami ng ugali, na iwan namin ang komportableng buhay, na huwag namimili ng pakikitunguhan at paglilingkuran, na walang itago sa panunungkulan at maging responsable, at ang maging mahabagin. Ang malalakas na panawagang ito sa amin ay mismong alingawngaw ng panawagan ng Santo Papa na maging “Simbahang laging lumalabas ng kumbento,” at “laging nagmimisyon.”

Matapos naming mapakinggan ang mga kuwento ng mga mananampalataya, ibinukas namin ang aming puso at isip sa Salita ng Diyos at nakinig sa udyok ng Espiritu Santo.

Ang pagtitipon namin ay nagbunga sa paghahangad ng mas malawak na partisipasyon ng lahat sa buhay-parokya, ng mas malalim na pagkakaisa at mas napapanahong misyon. Muli kaming nangangarap para sa Bayan ng Diyos. Naramdaman namin ang tawag ng mapagmahal na Ama na nahayag sa krus ni Hesus.

TINAWAG KAMI UPANG UMIBIG. Bilang tugon sa pag-ibig ng Diyos, kami ay naglalayag sa panibagong misyon.

Handa kami para baguhin ang aming mga sarili, para baguhin ang mga parokya, at para baguhin ang iba’t ibang institusyon sa Simbahan. Sa kongkreto, nangangahulugan ito ng mas paglapit namin sa mga tao, pakikinig, at diyalogo; pagbabago ng aming buhay bilang obispo at buhay-pari ng mga pari; pagkakaroon ng payak na buhay at pagiging mababang-loob; mahusay na pamamalakad sa parokya, pangangalaga at pag-iingat sa kalikasan; ng pagpapalalim ng paghubog sa pananampalataya, pagpapalakas sa mga layko at pagbubuo ng mga pamayanang isinasabuhay ang pagiging Kristiyano, pagpapanibago sa mga istruktura at ministri sa parokya; at pagbitiw sa mga bagay na hindi nakakatulong sa pagbubuo ng pamayanan; ng pagtatayo ng mga tulay para pagtagpuin ang mga magkakalayo; at paghahangad ng pagkakapantay-pantay ng lahat.

Binubuksan namin ang pinto para maisugo ang lahat sa misyong ito na hanapin ang mga malayo sa Simbahan, ang mga itinuturing na iba at hindi kasali; na makipagtagpo, makinig at makipag-usap sa ating mga kapatid sa iba’t ibang sekta; na makilahok sa larangan ng Ekumenismo at Inter-Religious Dialogue, sa politika at social media.

Binubuksan namin ang aming mga mata, tainga, isip at puso dahil buong kababaang-loob naming inaaming hindi namin alam ang lahat ng sagot sa mga tanong ng kasalukuyang panahon, samantalang kinikilala namin ang kabutihan at mga kaloob na taglay ng mga mananampalataya at mga hindi nakikibahagi sa pananampalataya.

Nagpapasalamat kami sa napakaraming mukha, tainga at kamay na nagsumikap maging reyalidad ang karanasan ng Sinodalidad. Itinatalaga namin ang aming sarili–na may pag-asa at tiwala sa awa at habag ng Panginoon–sa daang ito ng Sinodalidad– tumitingin, nakikinig, at umiibig–tungo sa isang Simbahan sa Pilipinas na mapagpakumbaba, bukas at yumayakap sa lahat.

Hinihiling namin ang maka-inang kalinga ng Mahal na Birheng Maria at ang proteksyon ni San Jose, habang nagmamakaawa kami sa habag at pagmamahal ng Santisima Trinidad: Ama at Anak at Espiritu Santo.

Para sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas:

+ PABLO VIRGILIO S. DAVID, D.D.
Obispo ng Kalookan
Pangulo ng CBCP
Ika-11 ng Hulyo 2022