Pagtuturong Pastoral ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas para sa 2014 Taon ng mga Layko
Mga minamahal naming mga Kapatid kay Kristo,
Natitiyak naming batid na ninyo na sa darating na 2021 ating ipagdiriwang ang ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Sapagkat noong 1521, si Ferdinand Magellan ay dumating sa Pilipinas, at sa Cebu, siya, na isang layko, tinuruan niya ng katesismo ang Haring Humabon ng Cebu, ang kanyang asawa at ang kanilang mga mamamayan.Ang hari at ang kanyang reyna pagkaraan ay napabinyag kasabay ng kanilang mga tagasunod. Sa okasyon ding iyon ang reyna, na binigyan ng ng bagong pangalan sa binyag na Juana, ay niregaluhan ni Magellan ng isang estatuwa ng Santo Nino, na noong 1565 ay natagpuan ng mga sundalo ni Miguel Lopez de Legaspi, at sa ngayon ay iniingatan sa Basilica ng Santo Nino de Cebu.
Bilang paghahanda sa pagdiriwang ng mabiyayang pangyayaring ito ng unang pagdating ng Kristiyanismo sa ating kapuluan, ang Simbahan sa Pilipinas ay nagplano ng siyam na taon ng pinatinding ebanghelisasyon, na may paksa sa bawat taon. Para sa taong 2013, ating ipinagdiwang ang Taon ng Pananampalataya na ipinagkaloob sa atin noon ni Papa Benedicto XVI. Para naman sa Taong 2014, TAON NG LAYKO.
Ang ating kalalagayan: Ang Ebanghelyo ng Kagalakan
Sinabi ni Papa Francisco “Ang kagalakang mabuhay ay madalas naglalaho, kawalan ng paggalang sa iba at karahasan ay dumarami, at walang pagkakapantay-pantay ay maliwanag na nadaragdagan. Ang mabuhay ay isang pakikibaka, at kadalasan, upang mabuhay lamang ng may kaunting dangal”. (Evangelii Gaudium, 52).
Kapag tayo ay bibigyan ng pagkakataon na isalarawan ang sitwasyon ng mga Katolikong layko sa Pilipinas, ito ay: kabalintunaan ng karukhaan at kasaganaan. Ang pananalasa ng bagyong Yolanda ay nagdala sa ating mga kapatid sa Samar at Leyte ng pagbugso ng pait at pagdadalamhati sa ating buong bansa at maging sa labas ng ating kapuluan. Ito ay nag-iwan sa atin na tuliro at nangangapa sa dilim ng mga sagot at paliwanag. Naghihirap man tayo, itong pulubi sa gitna ng mga bansa ng mundo ay may itinatagong dalawang hiyas sa ating lukbutan. Isa dito ay ang ating musika. Ang isa pa nating yaman ay ang ating pananampalataya. Hangga’t may nalalabi sa mga islang ito na isang ina na umaawit ng mga panghele ni Nena, isang paring tumatayo sa altar at naghahandog ng Diyos sa Diyos, maaaring malupig ang bansang ito, tapak-tapakan at alipinin, subalit hindi siya maglalaho. Tulad ng araw na namamatay tuwing gabi. Siya ay muling babangon mula sa kamatayan –Horacio de la Costa, SJ. Ang una at pinaka-mahalagang katotohanan tungkol sa iyo, Pilipinong Katolikong layko, ay hindi karukhaan, kundi, ang kadakilaan ng iyong dangal. Ang dangal na ito ay mula sa Diyos na pumili sa iyo upang maging bahagi ng bayang banal ng Diyos na hindi dahil sa iyongangking katangian.
Tinawag kayo kay Kristo upang maging kaisa sa kanyang Anak. Nang kayo ay binyagan, ipinagkaisa kayo ng Espiritu Santo sa ating Panginoong Jesus ang Anak ng Diyos, at sa gayonkayo ay naging tunay na anak ng Diyos, kabahagi ng kalikasan niyang banal. Wala nang hihigit pang karangalan sa mundo o sa langit kaysa maging inampong anak ng Diyos, at dahil kayo’y ginawang tunay niyang mga anak, at sa gayon ay kapwa-tagapagmana ng walang-hanggang buhay kasama si Jesu-Kristo. Ang karangalang ito ay umaagos mula sa pag-ibig ng Diyos, dahilan ng sumulat ng 1 Juan3:1 na magsabi:“Mga minamahal, sa ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan.“Ito rin ang nag-udyok kay St. Leo the Great nang kanyang sabihin, “Kilalanin mo ang iyong karangalan, O Kristiyano…” Ang biyayang iyon ay tinanggap ninyo kaugnay ng inyong binyag na isang tunay na muling pagsilang sa walang-hanggang buhay.
Ang kagalakan ng ebanghelyo ay pumupuno ng puso at buhay ng lahat na nakakatagpo si Jesus. Ang mga tumatanggap sa kanyang alok ng kaligtasan ay nakalalaya mula sa kasalanan, dalamhati, kahungkagan ng kalooban at kalungkutan. Kasama si Kristo, ang kagalakan ay palaging muling isinisilang. (Evangelii Gaudium, 1).
Noong kayo ay ipinagkaisa kay Kristo sa binyag, sa pamamagitan ng Espiritu, kayo rin ay inilakip sa katawan ni Kristo, na ito ay ang Simbahan, at kayo ay naging bahagi ng bayan ng Diyos. Ang inyong pagiging kabilang sa Simbahan ay isang ganap na pagka-bilang. Kayo ay bahagi ng Simbahan tulad ng sinumang Papa, Obispo, pari, o relihiyoso. Kayo ay hindisecond class na miyembro ng bayan ng Diyos. Kapag isinasabuhay ninyo ang buhay ng grasya, kayo ay ganap na mamamayan ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Sa katunayan, itinuturo ng Simbahan na “ang pinakadakila sa kaharian ng Diyos ay hindi ang mga ministro kundi ang mga santo/a”.
Nang kayo ay iniugnay kay Kristosa binyag sa pamamagitan ng Espiritu, kayo rin ay naging kabahagi ng tatlong misyon ni Kristo ng pagiging guro, pari at lingkod. Kayo ay bininyagan hindi lamang upang makibahagi sa karangalan ni Kristo bilang Anak ng Diyos, kundi upang maging kabahagi ng kanyang misyon para sa kaligtasan ng sandaigdigan.
Kayo ay kabahagi sa karangalan at misyon ni Kristo kasama ng iba pang kaisa sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa pakikipagkaisa ninyo sa kanya, ipinagkaisa rin kayo ni Kristo sa lahat ng mga kaisa niya. Kasama ng lahat ng kaisa kay Kristo,sa pamamagitan ng pananampalataya at binyag, kayo ay bumubuo ng isang katawan ni Kristo, na ang ulo ay walang iba kundi mismong si Kristo. Kaya ang buong katawan ay nagpapahayag at pinalalawak ang buhay at misyon ni Kristo sa mundo.
Kayo po, mga minamahal naming mga tapat na layko, ang nagtataglay ng inyong partikular na misyon ng pagpapabanal at pagpapanibago ng daigdig mula sa loob nito. Sa katunayan, marami sa inyo ay tinawag ng Panginoon upang maglingkod sa Simbahan at para sa Simbahan. Tulad, halimbawa, ng mga laykong ministro ng liturhiya at mga katekista, na gumaganap sa napaka-halagang paglilingkod sa sambayanan at mga institusyon nito. Tulad din ito ng mga laykong hinilingan na makibahagi sa pamamahala ng mga ari-arian ng Simbahan at mga gawain nito.
Gayunpaman, ang inyong espesipikong gampanin, at ang espesyal na pananagutan na ibinigay sa inyo ng Panginoon ay hanapin ang inyong sariling ikababanal sa mundo, at gawing banal ang mundo at panibaguhin ito, upang ang daigdig ay lalong higit na maging daigdig ng Diyos, kaharian ng Diyos, kung saan ang kanyang kalooban ay nagaganap tulad nang sa langit. Kayo ay tinatawagan ni Jesus upang maging asin ng sanlibutan at liwanag ng daigdig. Sinabi ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad na ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng nilikha, at gawin ang lahat ng bansa na kanyang mga disipulo. Ang utos niyang ito sa buong Simbahan ay espesyal na iniaatas niya sa inyo, kayo na nasa sa mundo.
Tulad ng paulit-ulit na sinasabi ni Papa Francisco sa mga Katoliko, dapat kayong humayo sa daigdig ng mga pamilya, ng kalakalan, ng ekonomiya, ng politika, ng edukasyon, ng massmedia at ng social media, sa bawat gawain ng tao kung saan ang hinaharap ng sangkatauhan at ng sandaigdigan ay nakataya, at gumawa ng kaibahan, ang kaibahan na ang Ebanghelyo at ang biyaya ni Kristo ay dinadala sa mga gawain ng tao.
Ang ating Sitwasyon: Ang Hamon ng Ebanghelyo
Kapag titingnan natin ang ating mundo sa Pilipinas taglay ang mata ng pananampalataya, maraming mga larangan na tanging kayo, mga minamahal naming tapat na layko, ang kailangang pagtuunan ng inyong direktang atensyon at aksyon.
Tinatawag ni Papa Francisco ang ating atensyon sa “malaking panganib sa ating mundo ngayon, na nilalaganapan ng konsumerismo, ay ang lagim at dalamhati dala ng isang kampante subalit masakim na puso, ang matinding paghahangad ng hangal na sarap sa buhay, at isang mapurol na konsiyensya. Sa tuwing ang ating buhay-pangkalooban ay nasisilo ng sariling interes at kabalisahan, wala nang puwang para sa iba, walang lugar sa mga mahihirap. Ang tinig ng Diyos ay hindi na marinig, ang tahimik na kagalakan ng kanyang pagmamahal ay hindi na madama, at ang pagnanais na gumawa ng kabutihan ay naglalaho na. Ito rin ay isang tunay na panganib maging sa mga nananalig. Marami ang nabubulid dito, at ang bunga ay hinanakit, galit at pananamlay. Hindi iyon ang pamamaraan upang magkaroon ng marangal at ganap na buhay; hindi iyon ang gusto ng Diyos para sa atin, bagkus, ang buhay sa Espiritu na nagbubukal sa puso ni Kristong muling nabuhay (Evangelii Gaudium, 2).
Kahirapan
Ang kahirapan ay isang panglipunan at pang-espirituwal na problema sa ating bansa. Malaking bahagdan ng ating mga mamamayan ay nabubuhay sa ilalim ng poverty line. Wala man lamang sila ng mga batayang pangangailangan para sa isang desenteng buhay ng tao. Ayon sa tantiya, 12 milyon ng ating mamamayan ay umalis na patungo sa ibang bansa sa kanilang paghahanap ng sapat na kita para suportahan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Samantalang ito ay nagdala ng maraming materiyal na pakinabang, nagbunga rin naman ito ng malaking pinsala sa buhay-pamilya. At marami sa ating mga overseas Filipino workers ay nagtatrabaho sa kalalagayang animo’y alipin at karaniwang nasasadlak sa panghihiya. Maraming bilang ng ating mga kababayan ay walang trabaho, at marami ay napilitang manirahan sa mga slum areas at miserableng sitwasyon. Maraming bilang ng ating mga bata ay hindi nakakapag-aral, at ang mga nag-aaral naman ay tumatanggap ng sub-standard na edukasyon at pumapasok sa mga paaralang walang maayos na pasilidad. Maraming nasadlak sa kahirapan ay nagiging biktima ng kasakiman ng sumisila ng mga tao.
Kahit na mayroong mga natatalang economic gains, ang kaparehong bahagdan ng ating mga mamamayan ay nananatiling nakalublob sa kahirapan sa nakalipas na maraming taon. Ang kayamanan ng ating bansa ay nananatiling kahabag-habag sa di makatarungang distribusyon. Ang ganitong natatanging kahirapan ay lubhang taliwas sa kalooban ng Diyos. Kayo, mga minamahal kong mga tapat na layko, ang nasa nararapat na posisyon upang malikhaing gumawa ng solusyong nakalulugod sa mga hinihingi ng katarungan at pagmamahal. Ano ang inyong ginagawa upang lumikha ng kayamanan, upang mapangalagaan ang kayamanan, at upang magbahagi ng kayamanan? Ang mga nakaaangat ba sa inyo ay nakadarama ng paghihinagpis ng mga mahihirap nating mga kapatid, at nag-iisip ba kayo ng mga pamamaraan upang tumulong na mapagaan ang kahirapan, at tulungan sila sa pag-unlad?
Politka
Ang ikalawa ay ang suliranin ng politika. Sinasabi nating “suliranin ng politika” (problem of politics) sapagkat, sa ating paulit-ulit na binabanggit, ang politika, ayon sa kalakaran sa ating bansa, ang maaaring natatanging hadlang sa ating pag-unlad bilang bansa. Ang kasalukuyang kalakaran ng politika , at ang matagal nang kalakaran sa mahabang panahon, ay punung-puno ng graft and corruption.
Ang ating mga eleksyon ay kilalang-kilala sa karahasan at pagbebentahan ng boto at kakulangan sa tamang pagdedesisyon upang piliin ang mga kandidato. Pinatingkad ng mga kamakailang pangyayariang korapsyon kaugnay ng pork barrel na ang mga nasa kapangyarihan ay mabigat sa loob na bitiwan sa kabila ng kanilang maliwanag na maling paggamit para sa kanilang politikal na pagtatangkilik. Maliwanag na ngayon, na ang ating mga mamamayan ay mahirap sapagkat pinananatili silang mahirap ng ating mga liders sa pamamagitan ng kanilang pagkagahaman sa salapi at kapangyarihan. Ano ang inyong ginagawa upang tumulong na magkaroon ng karapat-dapat na tao sa mga posisyon ng kapangyarihan? Ano ang inyong ginagawa upang linisin ang politika ng pagtatangkilik, karahasan at maling pagpili? Ano ang inyong ginagawa, aming mga minamahal na tapat na layko, upang linisin ang ating bansa ng graft and corruption? Kayo ba ay kasangkot din sa mga gawaing corrupt dahil sa inyong pagbebenta ng inyong boto, sa pagbili ng boto, sa panunuhol at pagtanggap ng mga kickbacks?
Negosyo at Komersyo
Ang korapsyon sa politika ay may katapat at pinalalakas ng korapsyon sa negosyo. Batid nating ang ating mga ahensya ng pangungulekta ng buwis ay kilala sa kanilang sapilitang pangingikil. Siyempre, ang mga corrupt na maniningil ng buwis ay kaugnay ng mga taong nasa negosyo na nakikiayon sa kanilang maling gawain upang magtagumpay ang negosyo o kaya magkaroon ng malaking tubo. Batid din natin na marami ang hindi nagbabayad ng tamang buwis, samantalang ang mga buwis na kinokolekta ay madalas na nawawala sa overpriced o mga ghost projects. Ang korapsyon sa negosyo ay nagdadala ng higit pang pagpapahirap sa mga mahihirap at pinalalawak ang pag-itan ng mayayaman at mahihirap.
Pagka-gahaman at Pagka-makasarili
Samantalang ang kahirapan at korapsyon ay totoo at malaking kademonyohan; kailangan nating saliksikin ang kanilang pinagmulan. Ang ating kultura ay matagal nang kontaminado ng kambal na pagka-gahaman sa salapi at kapangyarihan na siyang katangian ng ating modernong daigdig. Sa ating lipunang consumerist at materialistic, ang tao ay binibigyang-halaga ayon sa kung ano mayroon sila. Ang sabi ni Papa Francisco: “Ang mga tao ay itinuturing nang consumer goods na ginagamit at pagkatapos ay itinatapon. Lumikha na tayo ng isang kulturang “tapon-ng-tapon” na ngayon ay lumalaganap. Hindi na lamang simpleng pagsasamantala at pang-aalipin, kundi isang bagay na bago. Sa bandang huli, ipinipwera na sila at hindi na ibinibilang na bahagi ng lipunan na kanilang kinabibilangan; ang mga ipinipwera ay hindi na lamang nasa ilalim ng lipunan o sa gilid nito – sila’y hindi na itinuturing na bahagi nito. Ang mga ipinipwera ay hindi na lamang “pinagsasamantalahan” bagkus sila’y mga itinakwil, ang mga “tira-tirahan”. (Evangelii Gaudium, 53).
Ang pagka-gahaman sa kapangyarihan ay kapatid ng pagka-gahaman sa salapi. Iyong mga may pera ay madaling mapuwesto sa kapangyarihan, at kapag sila ay nasa kapangyarihan na, maaari na nilang protektahan at paramihin ang kanilang mga kinakamal. Sa ating bansa, ang pananalo sa posisyon sa pamahalaan ay siyang pasaporte sa pagyaman. Ang politika sa Pilipinas ay isang business proposition.
Isina-sakripisyo ang Katotohanan
Ang unang biktima ng pagka-gahaman sa salapi at kapangyarihan ay ang katotohanan. Upang magkaroon ng salapi at kapangyarihan, upang manatili ang salapi at kapangyarihan, upang madagdagan ang salapi at kapangyarihan, ang mga tao ay bumabaling sa kabulaanan at pandaraya. Ang katotohanan ay madali lamang nilang ipagwalang-bahala at isakripisyo. Totoo ito maging sa mass media kung saan ang laging hinahanap at ibinobrodkas ay hindi laging kung ano ang totoo kundi kung ano ang news; ang kompetisyon sa mga netwoks at ng mga printed media ay hindi gaano sa katapatan sa pagbabalita kundi para sa ratings na nakahihila ng maraming pera at nagpapalakas ng higit na kapangyarihan.
Ang Pangkalahatang-Kabutihan ay Binabale-wala.
Ang ikalawang biktima ay ang pangkalahatang-kabutihan. Ang diwa at pananagutan para sa pangkalahatang-kabutihansa ating bansa ay nakalulungkot na nawawala. Ang kultura ng pagka-gahaman sa pera at kapangyarihan ang nangingibabaw sa makasariling interes ng mga indibidwal, mga pamilya at mga pang-ekonomiya at pampolitikang grupo. Ang ating mga pamilya na may magandang katangian ng closeness ay nababahiran din ng katangiang closedness, ibig sabihin ay walang pakialam sa pangkalahatang-kabutihan. Itong pagiging sarado sa pangkalahatang-kabutihan ay lalung matingkad sa ating politika kung saan ang political dynastiesaypinatitibay, at bomoboto ang mga tao na hindi isinasa-alang-alang ang epekto sa bansa ng kanilang boto. Subalit maging ang ating mass mediaay nagiging kasangkapan ng makasariling interes sa halip na instrumento ng pagtataguyod ng pangkalahatang-kabutihan. Sa negosyo, sa politika, sa entertainment business, sa media, ang tubo ang palaging karaniwang pangunahin sa halip na paglilingkod kahit sa kabila ng mga pagtutol.
Binibigyan tayo ng babala ni Papa Francisco, “Halos hindi natin ito namamalayan, hindi na tayo nakadarama ng pagmamalasakit sa pagdaing ng mga mahihirap, ang pag-luha sa mga dalamhati ng ibang tao, at ang damdamin na kailangang tumulong sa kanila, na parang ang lahat ng ito ay pananagutan ng iba at hindi sa atin. Ang kultura ng kasaganaan ay nagpapamanhid sa atin; labis tayong kinikilig kapag ang market ay nag-aalok sa atin ng mga bagong bagay na bibilhin. Samantala, ginagawa na lamang nating panoorin ang lahat ng may buhay na nababansot dahil walang oportunidad; hindi na ito naka-aantig sa atin. (Evangelii Gaudium, 54)
Ang Hamon at Misyon
Ang pagpapanibago ng ating bansa kung gayon ay nangangailangan na tayong lahat, at higit sa lahat kayo, aming mga tapat na layko, ay magbalik sa pagiging totoo at itaguyod ang pangkalahatang-kabutihan. Ang isang lipunan na hindi nakabatay sa katotohanan ay hindi magtatagal, sapagkat ang lipunan na hindi nakabatay sa katotohanan ay maaaring batay sa kabulaanan o panlilinlang na hindi makapagbibigay ng matatag na batayan para sa pakikipag-ugnayan ng tao at matatag na kaayusan ng lipunan. Kaya’t, kailangan nating sundin ang mga itinuturo ng Bibliya na “palaging gawin ang katotohanan sa diwa ng pag-ibig” (Ef 4:15). Kailangan nating hanapin ang katotohanan, magsalita ng katotohanan, gawin ang katotohanan.Ibig sabihin nito na kailangan nating hanapin kung ano ang tama, magsalita kung ano ang tama, at gawin kung ano ang tama, at gawin ito sa “diwa ng pag-ibig”, at ito ay, pakikipag-isangdiwa at paglilingkod sa iba.
Alamin ang Pananampalataya
Minamahal kong mga tapat na layko, ang pinaka-dakilang hamon sa inyo ay alamin ang nilalaman ngating pananampalataya, at maging saksi sa inyong pananampalataya sa pamamagitan ng isang buhay na may pananampalataya. Sumulat kami sa inyo may ilang buwan na ang nakararaan na pinupuri ang inyong simple ngunit malalim na pananampalataya. Subalit kailangan naming pansinin sa inyo ang dalawang pangunahing kakulangan ng pananampalataya ng ating mga mamamayan: una, na ang pananampalataya ng marami ay kulang sa kaalaman (uninstructed) at, higit na mahalaga, na ang pananampalatayang ito ay hiwalay sa buhay.
Marami sa ating mga mamamayan ay hindi man lamang alam ang mga saligang turo (fundamentals) ng ating pananampalataya. Dahil dito, sila’y nagiging napakadaling tuksuin ng ibang mga grupong panrelihiyon na nakitang sila’y madaling target ng kanilang pangangalap ng kasapi. Marami sa ating mga Katoliko ay hindi man lamang masagot ang mga pag-atake sa mga batayang Katolikong turo tulad ng, ang pagiging Diyos ni Kristo, ang Eukaristiya, ang pagpaparangal sa Mahal na Birheng Maria, ang pagpaparangal sa mga imahen.
Isabuhay ang Pananampalataya
Subalit higit pang nakasasama ay ang hiwalay na pananampalataya sa buhay. Tunay itong nakahihiyang patunay ng ating pagkabigong dalhin ang mabuting balita sa ating bansa na kahit puno ang ating mga simbahan, ang ating mga pagdiriwang na panrelihiyon ay maalab, ang ating mga Katolikong paaralan ay marami, subalit ang ating bansa ay nakalublob sa kahirapan at sa korapsyon. Marami, marahil ay nakararami sa ating mga taong korap sa politika, at sa mga negosyo ay nagtapos sa ating mga Katolikong paaralan at matatawag na “practicing”Catholics. Nakararami sa mga mandaraya mga eleksyon at ang mga nagbebenta ng boto ay mga binyagang Katoliko. Totoo rin ito sa mga tumatanggap ng suhol sa mga pampublikong tanggapan at mga magnanakaw sa salapi ng bayan. Tulad ng ating binigyang-pansin sa aming Liham Pampastoral, ang sukatang ginagamit sa pagdedesisyon ng marami sa politika ay hindi mula sa pananampalataya, bagkus, mula sa iba na labag sa Kristiyanong pamumuhay. Ang lason ng pagkaganid sa kapangyarihan at kayamanan ay kumalat na sa sistema ng politika at negosyo.
Inuulit namin ang hamon ni Papa Francisco: “Hinahamon namin ang “mga binyagan na ang buhay ay hindi sumasalamin sa mga hinihingi ng Binyag”, na kulang ang makahulugang kaugnayan sa Simbahan at hindi na madama ang pang-aaliw na bunga ng pananampalataya. Sinisikap ng Simbahan, sa kanyang maka-inang pagkalinga, na tulungan sila na maranasan ang pakikipagkasundo na makapagbabalik ng kagalakan ng pananampalataya sa kanilang puso at magbigay inspirasyon na italaga ang sarili sa Ebanghelyo. (Evangelii Gaudium, 15).
Kaya, iginigiit namin sa inyo na itaguyod ang tuloy-tuloy na paghubog tungo sa kaganapan (maturiry) ng pananampalataya sa ating mamamayan, simula sa ating mga Kristiyanong pamilya. Subalit higit pang mahalaga, hinihiling namin sa inyo na gawin na ang pananampalataya ay magbunga sa inyong pang-araw-araw na desisyon at gawain. Tanging ang pananampalatayang buo, pananampalatayang nananalig, pananampalatayang sumasamba, at pananampalatayang gumagawa sa pag-ibig (Gal 5:6), ang magsisilbing daan ng Diyos “na baguhin ang lahat ng bagay” sa ating minamahal na bansa.
Mga Sambayanang Sumasampalataya
Sapagkat ang korapsyon sa negosyo at sa politika na kailangan nating labanan ay isang nang sistema (systemic), kami na inyong mga pastol, ay humihimok sa inyo na magbuo kayo ng mga grupo na magdarasal, magtatalakayan at magninilay, at gagawa ng sama-samang pagkilos upang mapanibago ang panglipunan at pampolitikang habi sa ating bansa. Hindi na sapat ang kabutihang nag-iisa.Ang mabuting nag-iisa ito ay lalamunin lamang ng demonyong sistema.Samantalang mahalaga ang saksing indibidwal, ang pagkakaisa ng mga mabubuting Kristiyano ang magkakaroon ng lakas at magtatagumpay.
Upang tulungan at palakasin kayo sa inyong pagsusumikap, hinihimok namin kayo na magbasa ng BIBLIYA, ang nakasulat na Salita ng Diyos. Basahin ninyo ito hindi lamang upang pag-aralan bagkus upang manalangin. Kapag binabasa na may pananalangin, ang Bibliya ay makapagbibigay-sigla ito sa inyong buhay. Ito ay magiging ilaw na gabay sa inyong paglalakbay. Tutulungan kayo nito na labanan ang tukso; tutulungan kayo nito na kilalanin at sumunod kay Jesus, ang ating Panginoon. Ikalawa, hinihimok namin kayo na lumapit sa mga SAKRAMENTO. Pahalagahan ninyo ang inyong binyag at paghandaan ninyong mabuti ang binyag ng inyong mga anak. Seryosohin nawa ng mga magulang ang pananagutan na kanilang tinanggap sa binyag na palalakihin ang kanilang mga anak bilang mabubuting Kristiyano.
Ang Kasal Kristiyano ay dapat pahalagahan, hindi lamang bilang isang maganda at solemneng seremonyas, kundi bilang pagtanggap kay Kristo sa buhay ng mag-asawa at sa kanilang bubuuing pamilya. Kung gayon, dapat ito ay napaghahandaan ng husto sa pamamagitan ng mga paghubog bago kasalin. Dapat tingnan ng mga Kristiyanong mag-asawa na ang kanilang kasal ay isang pampublikong pagsusugo ni Kristo upang maglingkod at magtanggol sa buhay at sa mismong pagmamahalan ng mag-asawa.
Hinihiling naminsa inyo na lumapit lalo’t higit sa Sakramento ng Pagbabalik-loob at sa Eukaristiya. Kapag aktibo tayong nakikibahagi sa Eukaristiya, ito ay bukal at lakas ng buhay Kristiyano. Ito ay pagkain ng buhay at ng mga martir. Ang Sakramento ng Pagbabalik-loob naman ay tumutulong sa atin na paghilumin ang ating mga moral na sugat (moral wounds) at nagbibigay sa atin ng biyaya upang labanan ang kasalanan sa ating sarili at sa ating lipunan.
Ang Simbahang humahayo ay isang Simbahang bukas ang mga pintuan. Hindi ibig sabihin ng pagtungo sa kapwa-tao upang abutin ang mga nasa gilid ng sangkatauhanay magmadaling magpunta sa mundo na walang direksyon. Karaniwan, mas mabuti ang magdahan-dahan, alisin ang ating marubdob na paghahangad (eagerness) upang talagang makita at makinig sa iba, iwasang magmadaling gawin ang isang bagay kundi manatiling kasama ng iba na namali ng daan. Kung minsan, dapat tayong maging tulad ng ama ng alibughang anak, na palaging nakabukas ang pintuan upang kapag bumalik ang anak, madali siyang makapapasok. (EG, 45).
Bilang pangwakas, hinihiling namin sa inyo na manindigan para kay Jesus, hindi lamang sa mga gawaing pangrelihiyon, kundi sa inyong pampubliko at pribadong buhay. Magsalita para kay Jesus at sa kanyang Simbahan sa mga pampublikong pagtatalakayan. Huwag matakot na makilalang kayo’y Kristiyanong Katoliko. Tinawag kayo upang maging banal: kayo ay isinusugo bilang mga bayani. Lakasan ang inyong loob. Maging matapang!
Nawa ang halimbawa ng dalawa nating Laykong Pilipinong Santo, sina San Lorenzo Ruiz at Pedro Calungsod ang maging inyong inspirasyon sa darating na taon!
Nawa si Jesus at ang kanyang Ina ay sumainyo at sa ating lahat, at gawin tayong “pueblo amante de Maria” at tunay na bayan ni Jesus sa Asya.
Para sa Kalipunan ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas (CBCP),
+SOCRATES B. VILLEGAS, D.D.
Arsobispo ng Lingayen-Dagupan
CBCP President
December 1, 2013, Unang Linggo ng Adbiyento