Isang pagkilala sa mga Guro sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro
Ika-5 ng Oktubre, 2014

 

Minamahal naming Bayan ng Diyos:

Kung nais mo’y magiging marunong ka; magsikap ka lamang, ikaw ay magiging matalino. Kung mawilihin kang makinig, ikaw ay matututo; at kung lilimiin mo ang iyong narinig, ikaw ay dudunong. Pag dumalo ka sa kapulungan ng matatanda, piliin mo kung sino sa kanila ang marunong at sa kanya ka pumanig. Maging masigasig ka sa pakikinig ng aral ng mga makadiyos, at huwag mong kaliligtaan ang mga makahulugang talinghaga. Pag nakatagpo ka ng isang marunong, agapan mo ang pagdalaw sa kanya; at puntahan mo siya nang malimit hanggang ikaw na lamang ang makapudpod ng trabesanyo ng kanyang pintuan. Dili-dilihin mo ang mga batas ng Panginoon, lagi mong pag-aralan ang kanyang Kautusan, at palilinawin niya ang iyong pag-iisip, at kakamtan mo ang Karunungang iyong minimithi. (Sirak o Ecclesiastico 6:32-37)

Mga Magulang bilang Unang Guro

Ang mga magulang ang pangunahing guro ng pananampalataya at moralidad. “Ang mga magulang ang may unang pananagutan para sa edukasyon ng kanilang mga anak. Taglay nila ang pagiging saksi sa pananagutang ito pangunahin sa pamamagitan ng pagbubuo ng isang tahanan kung saan ang pagiging mapagmahal, mapagpatawad, magalang, matapat at hindi makasariling paglilingkod ang patakaran” (Catechism of the Catholic Church, 2223).

Nang maisagawa na nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. v40Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. (Lukas 2:39-40)

Ang pagtuturo ng mga magulang sa pananampalataya ay dapat magsimula sa mga pinakaunang taon ng bata…Ang mga magulang ay may misyon na turuan ang kanilang mga anak na magdasal at madiskubre ang kanilang bokasyon bilang mga anak ng Diyos (CCC, 2226). Si Jesus ay lumaki sa lungsod ng Nasaret kung saan walang pormal na pag-aaral. Ang Nasaret ang kanyang naging unang paaralan na si Maria at Jose ang kanyang mga unang guro. Kahit walang pormal na pag-aaral, kung pagbabatayan lamang ay ang buhay na saksi ng kanyang mga magulang, si Jesus ay napuno ng karunungan at ang biyaya ng Diyos ay sumasakanya. Sapagkat ang mga anak ay natututo sa kanilang nakikita.

Batid natin na ang edukasyon ng isang bata ay hindi nagtatapos sa tahanan. Palagi nang sinasabing “it takes a village to raise a child”. Ang kanyang sambayanan ang nagpapalaki sa isang bata. Kung kaya’t, dapat gamitin ng mga magulang ang kanilang karapatan upang pumili ng paaralan ng kanilang mga anak na pinaka-makatutulong sa kanilang gampanin bilang mga Kristiyanong tagapagturo (CCC, 2229).

Ang mga Guro bilang Tagahubog ng ugali at kakayahan

Ang mga anak ay umuunlad sa pananampalataya at karunungan kapag binubusog ng tamang edukasyon. Ang tamang edukasyon bilang suplemento ng paghubog sa tahanan ay dapat maibigay ng maayos sa mga paaralan. Kasama na rito ang pagkakaroon hangga’t maaari ng mahuhusay na guro. “Ang kadakilaan ng gawain na ipinagkatiwala sa mga guro ay nangangailangan na, sa kanilang pagtulad kay Kristo, kanilang maipahayag ang mensaheng Kristiyano hindi sa salita lamang, kundi maging sa bawat kilos ng kanilang ugali.” (The Catholic School, 43). Ang mga gurong ganito ay nagtuturo hindi lamang sa kanilang isip kundi gayundin sa puso.

Ang mga guro ay tagapaghubog ng kakayahan at ugali. Hindi sila nagdadala ng pagiging karaniwan (mediocrity) kundi kahusayan (excellence). Dumarating sila sa klase na handa at sa tamang oras. Sa pamamagitan nito, sila’y nagiging huwaran para sa mga mag-aaral kung ano ang inaasahan mula sa bawat isa sa kanila. Sa gayon, nagagabayan nila ang kanilang mga mag-aaral na maging responsable at natutulungan silang mapaunlad ang kanilang buong makakaya.

Napalalabas ng mga guro ang anumang nakatagong magandang kakayahan sa mag-aaral. Matiyaga sila sa pakikitungo sa mga may suliranin sa disiplina at maging sa mga may suliranin sa akademika. Sinisikap nilang makita ang natatanging kakayahan ng bawat isa, nakikilala nila si Kristo mula sa kanila.

Higit pa rito, bilang tagapaghubog ng kakayahan at ugali, sila rin ay mga saksi ng pananampalataya. Hindi lamang sa loob ng apat na sulok ng silid-paaralan sila nakapagtuturo. Naimumulat ng mga guro ang mga mata ng kanilang mga mag-aaral sa katotohanan at suliranin ng mundo. Naipapakita nila kung paano ang bawat isa sa atin ay kaugnay ng kalikasan at sa isa’t isa. v26Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinararangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat. (1 Corinto 12:26). Hinihimok ng mga guro ang bawat mag-aaral na pagnilayan kung paano siya ay makatutulong sa pagkakaroon ng mas mabuting daigdig. Kapag sila’y nagtuturo, “nadadala nila ang kanilang sariling karanasan sa mga panlipunang pangyayari at panlipunang kamalayan, sa gayon ang mga mag-aaral ay nagiging handa na humawak ng pananagutan sa lipunan…”(LCIS, 19).

Malaki ang utang-na-loob natin sa mga guro. Hinuhubog nila at binibigyang-inspirasyon ang kabataan upang kumilos para sa pagbabago ng lipunan. Ang ating kasalukuyang sitwasyon na mayroon tayo sa ating bansa, gayun pa man, ay nagpapakita ng tila malungkot na kalagayan para sa mga nasa propesyon ng pagtuturo.

Ang Kalagayan ng mga Guro

Palagi tayong nakaririnig ng mga kuwento ng mga guro na nagpupunta sa ibang bansa para sa mas mataas na suweldo bilang caregivers at mga domestic helpers. Maraming mga guro mula sa pribadong paaralan ang lumilipat sa mga pampublikong paaralan para sa mas mataas na sahod dahil mababa ang sahod sa maraming pribadong paaralan na halos hindi man lamang makabuhay ng pamilya. Ngunit maging sa sistema ng pampublikong paaralan na medyo mataas ang salary scale ay may kanya ring hamon sa mga guro. Nandiyan ang hamon ng multi-grade teaching laluna sa mga paaralang nasa malalayong lugar. Ang mga guro ay nahaharap sa kahirapan kung paano hahatiin ang oras sa dalawang klase sa loob ng parehong silid-paaralan na hinahati lamang ng blackboard para makita rin ng guro ang nangyayari sa kalahati ng silid. Ang nakapapagod na paghahanda ng mga leksyon at ang dagdag na gawain ng pagte-tsek para sa dalawang grade levels ay tunay na nakapagpapahirap sa guro. Kung minsan, ang mga kinuha para humawak ng multi-grade teaching ay mga bagong tapos pa lamang na wala pang karanasan sa pagtuturo, subalit, sila ay talagang nagtitiyaga sa kanilang trabaho. Mayroon pang mga punong-guro na bahagi ng kanilang suweldo ay nagagamit para lamang magkaroon ng pag-unlad ang kondisyon ng paaralang kanilang pinamamahalaan – mga tunay na katiwala sa paglilingkod ng pagbibigay ng edukasyon sa bansa. Mayroon din tayong mga boluntaryong mga katekista na nagbibigay ng pagtuturong panrelihiyon sa mga pampublikong paaralan na walang anumang bayad.

Mayroon ding mga guro, kapwa sa pampubliko at pribadong sector (ang mga nasa maliliit ng mission schools), ang nagbibiyahe at naglalakad ng maraming oras sa pag-akyat sa mga bundok at pagtawid sa mga ilog bago nila marating ang kanilang paaralan. Ang ibang paaralan ay walang maayos na pasilidad, at ang mga gusali ay maaaring mawasak ng susunod na bagyo. Ang iba ay walang kuryente at sa gayon hindi angkop sa pag-aaral, subalit ang mga guro ay patuloy pa ring nagtitiyaga at pinagkakasya kung anuman ang mayroon sila. Ang iba ay nagtalaga ng kanilang sarili sa pagtuturo sa mga Katutubo malayo sa mga lungsod. Ibig sabihin nito’y malayo sila sa kanilang pamilya ng maraming araw makapagbigay lamang ng kinakailangang edukasyon.

Ang Guro bilang mga Bayani at mga Santo

Ang mga guro ay naghahanda sa klase, kumukuha ng maraming pagsasanay para sa kanilang disiplina, nagbubuo ng mga sambayanan kasama ang ibang guro, at patuloy na hinuhubog ng simbahan. Sa labas ng paaralan, may mga pamilya silang kanilang pinangangalagaan at kung minsan ang kanilang suweldo ay hindi sapat sa kanilang pamilya. Kahit sa harap ng tila mahihirap na kanilang sitwasyon, nagpapatuloy sila sa kanilang bokasyon sapagkat sila’y naniniwala sa kahalagahan ng edukasyon, sapagkat batid nilang ang edukasyon ay nagbibigay ng pag-asa at naghahatid ng pagbabago ng lipunan. Ang mga tagapagturong ito ay mga tunay na misyonero na “ganap na tumutugon sa lahat ng mga hinihingi nito, matatag nilang nalalaman na ang kanilang tugon ay napakahalaga sa pagbubuo at patuloy na pagpapanibago ng daigdig, at pagdadala ng ebanghelyo sa mundo.” (LCIS, 37).

Ang mga guro ay hinahamon upang maging matapang sa gitna ng magulong panahon. Sila ay tinatawag sa kabanalan at kabayanihan. Minamasdan nila ang gurong par excellence, si Jesu-Kristo. Hindi kailan man tinanggihan ni Jesus ang titulong guro. “v13Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga.” (Juan 13:13). Makapangyarihan ang kanyang salita. Siya ay magaling na tagapagpaabot ng vision ng Kaharian. Ang mga guro ay tumitingin kay Kristo bilang huwaran. Sa pamamagitan ng kanilang pagiging saksi sa pananampalataya at sa kanilang halimbawa, gumagawa sila ng mga santo at mga bayani mula sa kanilang mga mag-aaral. Ginagamit nila ang disiplina ng pagmamahal upang gabayan sila sa kabanalan at kabayanihan.

Walang retirement ang mga guro. Kahit magtapos ang pag-eempleyo, itinatalaga ng mga guro ang kanilang panahon bilang boluntaryong katekista sa mga pampublikong paaralan, namumuno sila sa pagbubuo ng mga munting sambayanang Kristiyano sa mga parokya. Aktibo silang kumikilos sa kanilang mga diyosesis. Nakikibahagi sila sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos.

Pagtanaw ng utang-na-loob sa mga Guro

Sa ganitong dahilan, nais naming pasalamatan ang lahat ng nagtalaga ng kanilang buhay sa propesyon ng pagtuturo. Pinasasalamatan namin sila sa paglilingkod na kanilang ibinibigay sa ating bansa sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pagtuturo. Sila ay ating mga bayani. Sila ay mga tunay na misyonero. Nagbibigay sila na hindi nagbibilang ng halaga. “Pinauunlad nila sa kanilang sarili, at nililinang sa kanilang mga mag-aaral, ang isang malalim na kamalayan at matinding pagdama ng pangsibiko at pampolitikang pananagutan…nakalaan sa gawain ng paghuhubog ng mga lalaki at babaeng gagawing realidad ang ‘sibilisasyon ng pag-ibig’. (LCIS, 19).

Pinasasalamatan din natin ang lahat ng tumulong sa iba’t ibang paraan upang higit na maging mabuti ang kalagayan ng mga guro. Pinasasalamatan natin ang Department of Education sa kanilang pagsusumikap na mapaliit ang ratio ng guro at mag-aaral at sa pagbibigay ng mas mabuting pasahod para sa mga guro ng pampublikong paaralan. Pinasasalamatan natin ang lahat ng mga tagapamahala ng paaralan sa kanilang palaging pagtingin sa kapakanan ng ating mga guro. Pinasasalamatan namin ang mga Kura Paroko na humihimok na ang mga boluntaryong katekista ay magtungo sa mga pampublikong paaralan at maghatid ng pagtuturong panrelihiyon.

Sapagkat ating nadarama ang suporta ng pamahalaan, hinihiling namin sa inyo na humayo at sumulong pa ng isang ekstrang milya. Tinatawagan namin ang ating mga mambabatas at ang mga tauhan sa budget na patuloy na suportahan ang ating sistema ng edukasyon.

Tinatawagan din natin ang ating mga kapatid na pari na palakasin ang pagtuturo ng katesismo sa mga pampublikong paaralan sa nasasakupan ng inyong parokya. Higit pa, gawing ang inyong parokya ay youth friendly. Bilang pastol ng mga kaluluwa kayo ay mga guro ng pananampalataya. Dalawin ninyo ang inyong mga pampublikong paaralan at ipadama ang inyong presensya sa mga kabataan sa mga paaralan, engganyuhin at bigyang-inspirasyon ang mga kabataan na piliin ang pagtuturo bilang bokasyon.

Pinapayuhan namin ang mga kabataan na mahalin at igalang ang kanilang mga guro. Marami ang mga pagsasakripisyong ginagawa nila sa kanilang buhay upang gawin kayong mga mapanagutang kasapi ng lipunan. Aming ipinagdarasal na ang mga pinaka-magagaling sa inyo ay nasain sa kanilang kalooban na maging guro.

Isinasamo namin sa mga tagapamahala ng paaralan na tiyakin na ang mga paaralan ay maging lugar ng pakikipagtagpo sa Diyos; na ang inyong mga mag-aaral at mga guro ay maranasan ang Diyos sa inyong campus. Magpatuloy kayong magbigay sa inyong mga guro ng suportang kanilang kinakailangan upang sila ay makapagbigay ng kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.

Bilang pangwakas, pinasasalamatan namin ang mga guro sa inyong kabutihan ng puso. Ipinagdarasal naming kayo ay magtiyaga sa paggawa ng mabuting inyong ginagawa. Ipagpatuloy ninyo at hayaang ang mukha ng Diyos ay mabanaag sa inyo. v9Idinadalangin ko sa Diyos na mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa… hanggang sa pagdating ng Araw ng pagbalik ni Cristo. (Filipos 1:9).

Ilapit nawa tayo ni Maria – ina ng lahat ng guro – kay Jesus ang ating tanging Guro!

Para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Ika-5 ng Oktubre, 2014, Pandaigdigang Araw ng mga Guro

+ SOCRATES B. VILLEGAS, D.D.
Arsobispo ng Lingayen-Dagupan
Pangulo, CBCP

References

TCS – The Catholic Schools, Congregation for Catholic Education, March 19, 1977
LCIS – Lay Catholics in Schools: Witnesses to Faith, CONGREGATION FOR CATHOLIC EDUCATION, October 15, 1982