Nakikiisa ang CBCP kay Papa Francisco sa kanyang pagdadalamhati dahil sa mabilis na paglala ng sitwasyon sa bansang Ukraine. Nangyari pa mandin ang simula ng pag-atake ng Russia sa kalayaan ng Ukraine sa araw mismo ng Pebrero 25, 2022, araw na ating ginunita ang ika-36 na anibersaryo ng mapayapang pananauli ng kalayaan at demokrasya sa Pilipinas sa pamamagitan ng “People Power” mula sa mahigit na isang dekada ng diktadura.

Naging inspirasyon noon ang Pilipinas sa maraming iba pang mga bansa na nangangarap din ng kalayaan ngunit takot sa madugong mga pamamaraan. Isa-isa ring naglakas-loob ang mga mamamayan sa mga bansang kontrolado rin ng mga pamahalaang diktador, kasama ang Ukraine. Nakita nila ang “People Power” bilang susi ng sa isang mapayapang paraan ng pagbabago.

Ngayon, humihingi ng mga panalangin ang mga mamamayan ng Ukraine, lalo na ang ating mga kapwa-Kristiyano roon. Ramdam ni Papa Francisco ang kanilang mga takot at pangamba para sa kanilang mga pamilya at pamayanan, dahil sa karahasan at perwisyong dulot ng giyera. Walang natutuwa sa giyera kundi ang mga kumikita sa industriya ng armas at nakikinabang sa mga hidwaan sa pagitan ng mga bansa.

Mga kapatid, samahan natin ang Santo Papa at ang ating mga kapatid sa Ukraine sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno simula nitong Ika-2 ng Marso, 2022, araw ng Miyerkoles ng Abo, simula ng Kuwaresma. Ang Panginoon mismo ang nagturo sa atin na walang ibang panlaban sa mga tukso ng diyablo lalo na sa mga nahuhumaling sa kapangyarihan, kayamanan at katanyagan, kundi ang pag-aayuno, pananalangin, at pagkakawanggawa (Mat. 4:1-11).

“Idalangin din natin, sa tulong ng ating Mahal na Ina, na antigin ng Panginoon ang konsensya ng mga mamamayang Russo, upang sila mismo ay gumawa ng hakbang upang itigil na ng kanilang pamahalaan ang sinimulang digmaan.”

Para sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas,

+ PABLO VIRGILIO S. DAVID, D.D.
Obispo ng Kalookan
Pangulo ng CBCP
Ika-27 ng Pebrero 2022