“Tahakin natin ang Bagong Buhay kaisa ni Kristo”
Mga minamahal na kapatid kay Kristo: Sinabi sa inyo noon na ang dumarating na taong 2000 ay isang taon ng Dakilang Hubileo. Sa kanyang liham apostoliko Tertio Millennio Adveniente nananawagan si Papa Juan Pablo II sa ating lahat sa mga Iglesyang lokal na paghandaan at ipagdiwang ang ika-dalawanlibong taon ng pagiging-tao ni Kristo at ng ating katubusan “sapagkat kalakip nito ang isang natatanging biyaya para sa buong sangkatauhan” (TMA 46).
Ang dakilang Hubileong ito ay magbubunga ng isang uri ng “pagpapanibagong-lagom,” “kaganapan” o panibagong sigla para sa “isang bagong tagsibol ng buhay-Kristiyano (TMA 18) sa pamamagitan ng mga apostolikong pagpupunyagi at gawain na ginagawa natin sa Iglesya lokal at pandaigdig.
Ang pangunahing layunin ng Dakilang Hubileo ay “ang pagpapatatag ng pananampalataya at ng pagpapatotoo ng mga Kristiyano” (TMA 42). Upang matamo ito, sinasabi sa atin ng Banal na Papa, kinakailangang taglayin natin “ang isang tunay na paghahangad na maging banal at ang isang marubdob na pagnanasa na magbalikloob at magbago ng personal na pamumuhay sa bisa ng higit na mataimtim na pananalangin at ng pakikipagdamayan sa ating mga kapwa, lalo na ang mga lalong higit ay sa mga nangangailangan.” Hindi natin mapapasok ang pintuan ng bagong milenyo nang hindi natin dinadalisay ang ating mga sarili mula sa mga nagdaang kamalian at pagkakanulo, mula sa kakulangan ng pagiging makatotohanan at pagiging mabagal sa pagkilos, mula sa pagiging sanhi ng pagkakahiwa-hiwalay; kawalang-pang-unawa at karahasan (tingnan TMA 33-35). Ang lipunan ay magbabagong-anyo lamang batay sa pagbabalik-loob at pakikipagkasundo ng bawat isa sa atin.
Ang Ikalawang Konsilyo Vaticano ay isang “pangyayaring itinadhana ng Panginoon” upang ihanda ang Buong Iglesya para sa Dakilang Hubileo. Masasabi rin natin na ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, ang ating pagtugon sa Vaticano II, at ang mga sumusunod na mga Konsilyo Lokal, mga Sinodo, mga Asambleang Pastoral ay mga pangyayaring itinadhana rin ng Panginoon upang ihanda tayo para sa Dakilang Hubileo. Sa pagtunghay sa pagkakaangkop-angkop at batayang sangkap mungkahi namin na sa pagbibigay katuparan sa mga ito pag-ugmain natin ang mga pangunahing sangkap; at dito bigyandiin natin ang pagkatuon-pansin ng Tertio Millennio Adveniente sa Banal na Santatlo.
Balikan natin ang PCP-II. Noong itinanong natin: “Anong uri ng Iglesya dapat natin pagsumikapan na maging, upang maharap ang mga hamon ng ating lipunan sa ating pagdating sa Ikatlong Milenyo?” (PCP-II 87). Ano ang landas na dapat nating tahakin sa susunod na tatlong taon? Tatahakin natin ang tatlong sapa na umagos sa iisang ilog, ang ilog na hahantong sa taon 2000.
Ang una ay ang landas ng sagarang pagiging alagad. Ang 1997 ay taon ni HESU-KRISTO, ang Anak ng Diyos na naging tao, ang iisang Tagapagligtas ng sangkatauhan, na lumupig sa kamatayan at kasalanan. Sa loob ng sangkatauhan, na lumupig sa kamatayan at kasalanan. Sa loob ng taong ito hinahamon tayo na tuklasin si Hesu-Kristo, na muling isalaysay ang Kanyang kasaysayan, at ipagdiwang ang ating pagiging alagad sa sagad na kahulugan nito. Tinatawagan tayo na bigyan ng ibayong pagpapahalaga ang ating bautismo, lalong-lalo na bilang batayan ng Pagkakaisa ng mga Kristiyano at Ekumenismo, na iniuutos ng ating Banal na Santo Papa na itaguyod natin sa pagdiriwang na ito. Ang mga Batayang Pamayanan sa Iglesya na pangunahing pinagtutuunang pastoral ng Iglesya sa Pilipinas (PCP-II 140) ay dapat na maging mga Pamayanan ng mga Alagad ng Panginoon kung saan ang Mabuting Balita at ang mga Turo ng Iglesya hinggil sa kaayusan ng lipunan ay mabisang nadarama sa pagpapanibagong sigla sa larangang moral at ispirituwal.
Ang ikalawa ay ang landas ng pinasiglang pagpapahayag ng kabuuan ng Mabuting Balita na naghahayag ng kaligtasan at paglaya. Ito ang magiging paksa ng ating panibagong pagkatalaga ng sarili sa 1998, ang taong nakatuon sa BANAL NA ESPIRITU, “ang pangunahing tagapagpaganap ng pagpahayag ng Mabuting Balita.” Ang landas ng Banal na Espiritu ay nagdadala sa ating sa pagtataguyod ng aral pagkatapos ng Vaticano II hinggil sa Iglesya at ng ating Kumpil na nagbubunsod sa atin sa Apostolado ng Laiko. Upang mabilisan ang pagdatal ng paghahari ng Panginoon sa ating madla, kinakailangang mamalas ang mga bunga at mga kaloob ng Banal na Espiritu sa pagbaka sa karukhaan, sa mga ginagawa kaugnay ng kalikasan, sa sama-samang pag-unlad, at sa mga pagbabago sa larangang panlipunan, pangkabuhayan at pulitikal.
At sa wakas, ang landas ng “isang Iglesya ng mga Dukha”: Ang pagtutuunan sa 1999 ay ang DIYOS AMA, mayaman sa habag at pakikiramay, ang pinanggalingan at patutunguhan ng ating paglalakbay rito sa lupa. Sa diwa ng ating pagiging mga anak ng iisang Ama sa langit, ang taong ito ay dapat kakitaan ng dalawang natatanging pagpupunyagi: una ay ang pagharap sa hamon ng pakikipagtalakayan sa mga di-Kristyano (inter-religious dialogue) tungo sa isang kultura ng kapayapaan kasama ng ating mga kapatid sa iba’t-ibang pananalig (TMA 53; PCP-II 111); pangalawa, ang higit na pagtatangi sa mga dukha (TMA 51; PCP-II 125 at sumusunod).
Ang maging “isang Iglesya ng mga Dukha” ay isang sagad na pasiya na kagyat na kinakailangan “sa ating bansa kung saan ang napakalaking bilang ng ating mga mamamayan ay nakasadlak sa matinding karukhaan at paghihirap, samantalang labis ang mga pribilehiyo at pagpapahalaga ay iniuukol sa mga mayayaman at makapangyarihan” (PCP-II 312). Kaya nga, tayo ay inaatasang makiisa nag higit sa mga dukha sa pamamagitan ng pakikisangkot sa katarungan at kapayapaan bilang mga kinakailangang pasubali para sa pagdiriwang ng Hubileo.
Sa ating paglalakbay tungo sa Ikatlong Milenyo, sasamahan tayo ng Mahal ng Birheng Maria sa kanyang tatlong gampanin bilang Ina ng Manunubos na si Hesu-kristo, bilang masunuring lingkod ng Banal na Espirit, at bilang minamahal ng anak ng Ama. Si Maria ang ating uliran sa pagiging alagad, ang tala ng Paghahayag ng Mabuting Balita.
Inaatasan tayo ng Santo Papa na paghandaan at ipagdiriwang ang Dakilang Hubileo sa ating mga Diyosesis at makisa ng buong Iglesya. Upang matamo ang nilalayon ng Hubileo, na walang iba kundi ang “pagpapatatag ng ating pananampalataya at pagpapatotoo” iminumungkahi namin ang mga sumusunod na mga palatandaang pastoral ng mga tiyak na gawain:
• Magkaroon ng mga grupo sa diyosesis o ng nagkakaisang mga diyosesis magsalita at magpalaganap ng mga pagksa ng Dakilang Hubileo na matatagpuan sa Tertio Millenio Adveniente;
• Gawin ang mga paghahanda at pagdiriwang ng mga piyesta ng mga parokya, ang kanilang mga nobena at mga homelya na pagkakataon ng pagsasakatuparan ng mga palatuntunan ng Dakilang Hubileo;
• Isaayos ang mga kumbensyong pandeyosesis, pangrelehiyon o pambansang mga samahan at kilusan nga mga relihiyoso o mga layko upang maging bahagi ng paghahanda at pagdiriwang ng Dakilan Hubileo nga Iglesyang lokal;
• Sapagkat ang Biyaya ng katubusan ay napakalawak at napakalalim upang maihayag sa iisang pagdiriwang, magsagawa ang bawat Lalawigan o Rehiyong Eclesiastio ng magkakasamang pagtitipon (kumbensyon o kongreso) sa bawat taon ng paghahanda upang bigyang halaga ang Dakilang Hubileo.
• Ipagdiwang ang Hubileo sa mga Parokya, mga Institusyong pansimbahan at mga Iglesya kaugnay ng Dakilang Hubileo; sa gayon maipapahayag sa buong sangkatauhan ang ating pakikibahagi sa biyaya ng Katubusan. (may iba pang mungkahi sa mahabang Liham Pastoral).
Sa panahong ito ng “bagong adbiyento,” itinutuon natin ang ating tanaw sa pagdating ng Ikatlong Milenyo nang may pananabik at galak: batid natin na ang biyaya ng katubusan ay ipinagkaloob na sa atin. Itinutuon natin ang ating tanaw nang may sigla at kahandaan sa mga isisiwalat pa sa ating pagbubukas ng ating loob sa mga pahiwatig ng Banal na Espiritu.
Mga kapatid kay Kristo: inaanyayahan namin kayong sumama sa paglalakbay tungod sa Ikatlong Milenyo, “na tumatahak sa bagong buhay kaisa ni Kristo.” Nawa ang taong 2000 ay hindi lamang maging pagdating ng isang anibersaryo, kundi isang pagkakataon na itinadhana ng Panginoon at totoong katangi-tangi upang ipagdiwang ang isang Dakilang Hubileo. Pangunahan nawa tayo ng Mahal na Birheng Ina “na makilala si Hesus nang higit na mabuti, mahalin siya nang higit na maalab at sumunod sa kanya nang higit na masinop” sa isang bagong tagsibol ng pamumuhay bilang mga kristiyano – si Hesukristo, na siya rin kahapon, ngayon at magpakaylan pa man.” (Heb. 13:8).
Para sa Kapulungan na mga Obispong Katoliko ng Pilipinas,