Mahal naming Bayan ng Diyos,
Ang ating Inang Simbahan ay labis na nasaktan sa mga sigalot na kaugnay ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong nagdaang dalawang linggo. May mga kasapi ng Simbahan na naniniwalang walang kasalanan ang mga obispong isinangkot dito, mayroon namang iba ang inaakala. Subalit dama na labis ang kalungkutan sa buong Simbahan. Kaming inyong mga pastol ay kaisa ninyo. Bilang mga pastol na nagsisikap na mahalin kayo tulad ni Hesus ang Mabuting Pastol, ikinalulungkot namin ang hapdi at siphayo na ibinunga sa inyo ng mga pangyayaring ito.
Ikinalulungkot namin na marami sa inyo lalo na ang mga kabataan, ang mga dukha, ang mga mumunting pamayanang Kristiyano ay nalito dahil sa waring, bilang mga pastol, ang aming mga gawa ay di katugma ng aming itinuturo.
Sa aming pagpapahayag ng aming kalungkutan, hinihiling din namin na huwag kayong maging mabilis sa paghatol at pagsikapan ninyo na tuklasin ang buong katotohanan sa sigalot na ito. Lagi nating hanapin nang may pag-ibig ang katotohanan.
Tinitiyak namin sa inyo na ang mga nasangkot na Obispo ay handang manindigan sa kanilang ginawa at harapin ang mga sagutin kung mapatunayan na labag sa batas, may katiwalian at labag sa Saligang Batas ang kanilang ginawa. Tinitiyak namin sa inyo na ang kanilang ginawa ay walang bahid na malisya. Sa kanilang tapat na hangarin na matulungan ang kanilang mga pinaglilingkuran nakaligtaan nilang bigyan ng pansin ang mga patibong na maaaring kahulugan nila dahil sa mga tinanggap nila. Ipinahayag din nila na handa silang gawin ang lahat ng mga kinakailangan upang maghilom ang sugat na ito nang ang lahat ay patuloy na sumulong sa pag-asa.
Tinitiyak din naming sa inyo, mahal naming bayan, na susuriin namin ang mga paraaan ng aming pakikipagtulungan sa mga sangay ng pamahalaan upang matulungan ang mga mahihirap habang isinasaalang-alang ang mga damdaming pastoral at sumusunod sa mga pinakamataas na pamantayang etikal. Susuriin namin ang aming mga inaangking halaga ayon sa pagkahirang bilang mga alagad ni Hesukristo. Itinatalaga namin ang aming mga sarili sa mahabang paglalakbay ng pagbabagong personal at panlipunan na hinihingi sa lahat ng mga alagad ng Panginoon. Sumasamo kami sa inyo na samahan kami sa landas na ito ng pagbabago tungo sa kabutihan.
Muli naming ipinahahayag ang aming taos na lungkot sa hapdi na ibinunga ng mga pangyayaring ito sa inyo na aming bayang minamahal. Batid ng Diyos ang aming pagmamahal sa inyo. Sumasaisip namin ang mga salita ng may-akda ng salmo: “Ang aking hain ay isang kaluluwang nagsisisi: ang pusong nagsisisi at nagpapakumbababa ay hindi Mo sisiphayuin” (Salmo 51). Kaisa ng may-akda ng salmo sa kanyang pagpapahayag sa Panginoon, inaangkin namin ang kanyang mga salita upang tayo ay papag-alabin at hamunin: “ Kinalulugdan Mo ang katapatan ng puso at tinuturuan ako ng karunungan sa kaibuturan ng aking puso.”
Para sa Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas,
+Nereo P. Odchimar, D.D.
Obispo ng Tandag
Pangulo, Kapulungan ng mga Obispong Katoliko ng Pilipinas
Hulyo 11, 2011