Isang Pastoral na Pahayag ng CBCP hinggil sa ilang Isyung Panlipunan Ngayon
Minamahal naming mga Kapatid:
Ang ating bansa ay patuloy na dumaranas ng matitinding krisis, mga pagkawasak at mga hamon. Pinaaalalahanan tayo ng karanasan sa dagat ng mga Apostol, noon sila ay natatakot sa kanilang buhay. Sinumbatan sila ni Jesus dahil sa kanilang kulang na pananalig (cf. Mk 4:35-41).
Ang ating mga Suliranin bilang isang Bansa
Tayo rin ay nakaranas ng malalakas na mga bagyo. Ang mga Bagyong Sendong at Pablo ay nag-iwan ng nakatatakot na pagkawasak – ang pagkawala ng maraming buhay, pagkasira ng maraming ari-arian, dislokasyon ng libo-libong mga pamilya, pagkalansag ng buhay ng tao at kabuhayan, at ang matitinding trauma ng mga nakaligtas. Kailangan nating pakinggan ang mga dalubhasa ng kapaligiran na nagsabing marami sa mga malalaking sakunang ito ay dahil sa pagkawasak ng ating kalikasan, ng ating mga kagubatan at mga ilog, bunga ng hindi masawatang
pagtotroso at pagmimina. Ang mga ito ay dapat magdala sa atin upang suriin at tanungin ang katapatan, kalidad at bisa ng pamamahala ng ating mga pinuno.
Subalit isa lamang ito sa mahabang “litaniya ng mga bagyo”, maaaring hindi natural. Maaari
nating isama ang mga sumusunod:
- ang pagtataguyod ng kultura ng kamatayan at walang-delikadesa. Dahil ito sa masyadong pagpapaalipin ng ating mga lider pampulitika at pangnegosyo na sundin ang mga Kanluraning bansa na nagtataguyod, sa kabila ng mga halimbawang malinaw nating nakikita mula sa Kanluran.
– diborsyo, na nagbubunga ng marami pang pagkawasak ng mga pamilya at pagkasira ng
paghubog sa mga anak,
– kontraseptibo, na nagdadala ng higit pang maraming aborsyon,
– paggamit ng condom, na nagpapalala ng impeksyon ng HIV-AIDs, at
– sex education sa mga paaralan, na nagdadala ng higit pang walang-delikadesa at pagbubuntis ng mga kabataan. - ang patuloy na korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan ng ilang mga opisyal ng bayan dahil sa kakulangan ng impormasyon, at higit pa, ang posibleng pagtatago ng impormasyon mula sa publiko. Kabaligtaran ito ng sinasabi ng gobyerno na tinatahak nito ang daang matuwid samantalang kinatatakutan ang Karapatan sa Impormasyon (FOI) dahil sa posibleng madiskubre ang mga maling gawa ng mga opisyal ng bayan. Bakit sila natatakot na ipagkatiwala sa mga mamamayan ang katotohanan ng kanilang pamamahala?
- ang patuloy na lumalalang dinastiya sa politika. Tulad ng monopolyo sa negosyo, ang monopolyo sa politika ay nagsasagka sa pagkakaroon ng mga bagong ideya at pagbibigay ng mas mabuting paglilingkod. Ang mga dinastiya sa politika ay nagdadala ng korapsyon at kalokohan sa gobyerno. Kami ay nalulungkot na ang mga mismong gumagawa ng batas ang lumalabag sa pinakamataas na batas ng bansa sa kanilang hindi pagsunod sa iniaatas ng Konstitusyon ng Pilipinas na ibinigay may 26 na taon ang nakalilipas upang gumawa ng mga batas na may ngipin upang ipagbawal ang mga dinastiya sa politika.
- ang mga isyung idinulog sa COMELEC hinggil sa automated election. Ang eleksyon ay hindi pabilisan kundi kung ito ba ay kapani-paniwala at matapat. Kapag hindi tunay na hinarap ang mga isyu, ang automated election system ay magdadala ng malawakang dayaan. Ang integridad ng pundasyon ng ating demokrasya – ang eleksyon – ay mapapahamak.
- ang kakulangan at pagtanggi ng mga nasa kapangyarihan na isagawa ang katarungang panlipunan. Ito ay nagbubunga ng kawalan ng pagbabahagi ng yaman ng bansa upang matugunan ang mga batayang karapatan ng mga maralita, tulad ng tiyak na hanap-buhay, desenteng pabahay, tamang gamot, pag-aari ng lupang kanilang sinasaka, at kalidad na edukasyon. Mga bagong tinatawag nilang “karapatan” ang isinusulong samantalang ang mga pinaka-batayang karapatan ay binabale-wala!
- ang paglala ng kultura ng pagwawalang-bahala sa batas. Pagpatay na walang paglilitis, patuloy na mga krimen at mga kidnapping samantalang walang magawa ang pamahalaan o kulang sa political will para maparusahan ang mga may sala at salingin ang mga makapangyarihang tao.
- ang lumalalang paghihirap ng maralita sa kabila ng ipinagmamalaking mataas na markang pagkabuhayan. Ang paglago, ibig sabihin na, mas maraming produkto at mas maraming pera, ay hindi dapat lamang tanging layunin ng kaunlaran, bagkus ay makatarungang pagbabahagi. Ang malaking pag-itan sa mayayaman at sa mahihirap ay nananatili. Maliit lamang ang tunay na paglago.
Itinala namin ang mga nabanggit na “bagyong panglipunan at pampolitika” na sumasalpok sa ating buhay bilang mga Pilipino dahil ang mga ito ay malalim ang dating sa karanasan ng ating mamamayan. Kami ay nagsasalita para sa mga naghihirap. Dinadala namin ang mga ito sa mga may pananagutan at sa gayon ay dapat managot. Hindi dapat mangyari ang mga sitwasyong ito!
Ang Posisyon ng Simbahan
Ang aming posisyon hinggil sa mga nasabing isyu ay batay sa aming pananampalataya, isang pananampalatayang buo, pananampalatayang napapailalim sa Diyos sa matimyas na pagsunod at pagmamahal. Ang pananampalataya ay hindi lamang may kinalaman sa doktrina bagkus inilalapat ang pananalig sa lahat na dimensyon ng buhay-panglipunan, politika, kabuhayan, kultura, at relihiyon. Ang pananampalatayang ito ay isinabuod sa Aral Panlipunan ng Simbahan.
Ipinapahayag ng mga moral at panlipunang mga aral ng Simbahang Katoliko:
1. “Ang buhay ng tao ay dapat igalang at lubos na pangalagaan mula sa sandali ng paglilihi. Mula sa unang sandali ng kanyang pag-iral ang tao ay dapat kilalanin bilang mayroong mga karapatan bilang persona – kasama dito ang kanyang hindi dapat labaging karapatan ng bawat isang inosenteng nilikha na mabuhay” (Catechism of the Catholic Church o CCC, bilang 2270). Ang paggamit ng artipisyal na pamamaraan upang hadlangan ang buhay ng tao mula sa pagkakalihi ay makademonyo (CCC, bilang 2370). Ang mga kilos sekswal ay ipinagbabawal sa mga hindi ikinasal (CCC, bilang 2390-91).
- Kung gayon, tinutuligsa namin ang pagpapasa ng Reproductive Health Law, ang politikal at pinansyal na pressure na ipinagpilitan sa mga mambabatas, at ang imperyalismo na ginamit ng mga makamundong organisasyong internasyonal samantalang ginagawa ang proseso ng pagbubuo ng batas.
- Hinahangaan namin at kinikilala ang matapang na pagsisikap ng mga layko at mga mambabatas na hadlangan ang pagpapasa ng batas.
- Sinusuportahan namin ang mga pagsisikap ng aming mga layko upang tutulan ang Batas RH sa Korte Suprema at sa iba pang paraan na naaayon sa ating sistemang demokratiko.
- Sinusuportahan namin at hinihimok ang partisipasyon ng mga layko sa pagpili ng mga kandidatong may kakayahan at may magandang ugaling moral na tapat sa kanilang tama at mapagtimbang na konsiyensiya.
- Kami ay patuloy na magbabantay at kikilos laban sa mga banta na sumisira laban sa pamilya at buhay.
2. Ang korapsyong politikal ay isa sa pinaka-masamang anyo sa sistemang demokrasya sapagkat tumatanggi ito sa mga pamantayang moral at nagpapahina sa katarungang panlipunan, na siyang katarungan ng kagalingan ng lahat (tgn. Compendium of the Social Doctrine of the Church o CSDC, bilang 411). Ang kalayaan sa impormasyon ay nagtataguyod ng integridad, transparency, at accountability sa kaayusang politikal (tgn. CSDC, bilang 414 – 416).
- Kung gayon, tinutuligsa namin ang di-pag-uusig sa mga sinasabing nagsasagawa ng korapsyon at mariin kaming nananawagan sa pamahalaan na ipagpatuloy ang pag-uusig at sugsugin ang mga palatandaan ng korapsyon sa mga humahawak ng kapangyarihan hindi lamang sa nakaraan bagkus gayundin sa kasalukuyan, kahit mga kaibigan at kasamahan sa partido.
- Nananawagan din kami sa pamahalaan na magbigay ng nararapat na prayoridad sa pagpapasa ng Freedom of Information Bill sa madaling panahon.
3. Mayroong kapangyarihang politikal dahil ito ay para sa kagalingan ng lahat. Hindi ito dapat gamitin para lamang sa pribado o para sa interes ng pamilya o para sa interes ng partido politikal. Kapag ang kapangyarihang politikal ay gagamitin lamang sa ganitong makitid na interes, iniwawala nito ang dahilan ng kanyang pag-iral. Higit pa, ang ganitong sitwasyon ay nagdadala ng korapsyon at humahadlang upang madaling malapitan ang may kapangyarihang politikal na siyang tatak ng demokrasya (tingnan Gaudium et Spes o GS, bilang 74; CSDC, hal., bilang 393, 407, 410).
- Kung gayon, tinutuligsa namin ang patuloy na pag-iral ng dinastiyang politikal ng mga pamilya at ang pagkaantala ng pagpapasa ng batas upang isakatuparan ang probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal sa mga dinastiyang politikal.
4. “Ang bawat isang mamamayan ay kinakailangang nakaaalam ng kanyang karapatan at tungkulin na itaguyod ang kagalingan ng lahat sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang boto” (GS, bilang 75). Ang gayong karapatan at tungkulin ay inaalis sa kanya kapag may mga hadlang sa kanyang malaya at mapanagutang pagganap, halimbawa ay pandaraya sa halalan.
- Kung gayon, nananawagan kami sa COMELEC upang ganap nilang matugon ang mga isyu at maglagay ng mga kinakailangang hakbang, sa mga pag-aaral ng mga eksperto sa teknikal sa mga sinasabing pagkukulang ng kasalukuyang sistema at teknolohiya sa automated elections. Walang transparency sa halalan kapag ang COMELEC mismo ay hindi magiging transparent.
5. Ang pagmamahal sa mga dukha na sa Ebanghelyo ay isinasalamin mismong si Kristo ay nag-uudyok sa amin upang gumawa para sa katarungan para sa mga maralita (tingnan CCC, hal., bilang 2447-48; CSDC, bilang 184). Ito ay nangangailangan ng pagtataguyod ng katarungang panlipunan, at hindi sa pamamagitan ng pagpapaliit ng bilang ng mga taong mahihirap.
- Kung gayon, bilang Simbahan ng mga Dukha inaatasan namin na ang aming mga paglilingkod ng social action ay tungo sa pagpapaunlad ng kalalagayan ng mga dukha.
- Magbibigay kami ng moral na paggabay sa mga nakaaangat sa ating lipunan upang maging aktibo silang makipagsandiwaan sa mga dukha.
- Nananawagan kami sa pamahalaan na maging seryoso sa pag-iimplementa ng mga batas na nakatutulong sa pagkakaroon ng reporma upang magdala ng katarungang panlipunan tulad ng CARPER para sa mga magsasaka, UDHA para sa mga maralitang tagalungsod, IPRA para sa mga katutubo at ang FISHERIES CODE para sa mga mangingisda. Magtatapos ang CARPER sa loob na lamang ng isa at kalahating taon at ang mga naisakatuparan ng agrarian reform ay nakalulungkot, dahil sa nabalaho ito ng burokrasya, teknikalidad sa batas at mahinang pamamahala.
Matiyagang ipinapahayag ang Katotohanan
Bilang mga Pastol nakikinig kami sa mahalagang ipinamamanhik ni San Pablo:
“Ipangaral mo ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig. Ibabaling nila sa mga alamat ang kanilang pansin at hindi na nila pakikinggan ang katotohanan. Kaya, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras. Pagtiisan mo ang mga kahirapang dumarating sa iyo. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Mabuting Balita. Tupdin mo ang iyong mga tungkulin, bilang tagapaglingkod ng Diyos” (2 Tim 4:2-5).
Ipinapaalaala namin sa lahat ng mga mananampalataya, na ang popular ay maaaring hindi ang tama. Na maaaring ito’y legal subalit hindi moral.
Kailangang sundin ng bawat isa ang kanyang konsiyensiya. Subalit, ang “konsiyensiya ay dapat maging informed at ang moral na paghatol ay dapat enlightened. Ang tunay na nahubog na konsiyensiya ay matuwid at matapat. Ang kanyang mga paghuhusga ay ayon sa katwiran, at naaayon sa tunay na mabuti na ayon sa karunungan ng Manlilikha”(CCC, bilang 1783).
Pananampalataya at Pag-asa sa gitna ng Bagyo
Sa gitna ng mga natural at panglipunang kaguluhan sa bansa, nakikita namin ang aming sarili na nakasakay sa bangka kasama ng mga Apostoles na sinasalpok ng mga alon. Kami ay sinisiklot ng mga alon na likha ng makamundong espiritu, na patuloy na inaalis ang papel at lugar ng pananampalatayang panrelihiyon sa pampublikong saklaw. Ang ating mga itinatanging pagpapahalagang moral at espirituwal ay lubhang nanganganib. Tayo ay tinatalo ng takot at pangamba, marahil ay nagtatanong din kung ang Panginoon ay natutulog, o kung ang Panginoon ay nagwawalang-bahala na tayo ay malulunod (cf. Mk 4:38).
Kailangan nating marinig muli ang mga salita ng Panginoon: “Tigil! Tumahimik ka!” Kanyang pinatigil ang hangin at tumahimik ang unos. Siya ang Panginoon na may kapangyarihan sa dagat at sa himpapawid. Siya ang may kapangyarihan sa mga espiritu ng kadiliman. Siya ang nagtatanong sa atin ngayon: “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?” (Mk 4:40).
Ngayon ay Taon ng Pananampalataya. Hinahamon tayo ni Papa Benedicto XVI na tumugon na may pananampalataya sa mga pangyayari sa ating paligid. Ituon natin ang ating mga mata kay Jesus (cf. Mt 14:27-31), hindi tayo malulunod bagkus patuloy na maglalayag sa malalim at mapanganib na karagatan ng makabagong panahon. Hindi tayo dapat matakot. Ang ating mga pinahahalagahan ay ang kay Jesus, ang Kanyang Ebanghelyo, at ang Paghahari ng Diyos.
Kahit sa kabila ng mga unos batid natin na ang Paghahari ng Diyos ay naririto na sa ating piling. Patuloy na umiihip ang Espiritung Banal, maging sa ating panahon. Taglay ang mga mata ng pananalig pasalamatan at papurihan natin ang Panginoon:
- sa lumalagong kamalayan sa maraming mga nananalig na layko na kailangan nilang gawing seryoso ang pagganap sa kanilang mga tungkuling politikal. Kinikilala namin at sinusuportahan ang mga pagsisikap ng mga layko na bumuo ng mga circles of discernment upang pumili ng mga karapat-dapat na kandidato, at sukdulang tumakbo bilang kandidato upang dalhin ang mga pagpapahalaga ng Paghahari ng Diyos sa pampublikong larangan. Tutulungan namin ang mga mamamayan na malaman ang mga paninindigan ng mga tumatakbo sa tungkulin hinggil sa mga mahahalagang isyu ng bansa.
- sa maraming mga programa na nagtataguyod ng mga pamamaraan ng Natural Family Planning. Itinatalaga namin ang aming sarili upang itaguyod ang mga programang ito sa ating mga lokal na simbahan at upang magturo sa ating mga tao ng maka-Kristiyanong pagpapahalaga ng pamilya, kasal at ng Ebanghelyo ng Buhay.
- sa mga pagsisikap ng mga kabataan upang mamuhay nang malinis sa gitna ng isang mundong hindi nagpapahalaga sa kabanalan ng sex. Pinupuri namin ang mga kilusang tulad ng TRUE LOVE WAITS, LIVE PURE at iba pang katulad na pagsusumikap na magturo ng kalinisan. Tunay nga, ang kalinisan ay nakaaakit!
- sa tapang at katatagan ng maraming mga mambabatas upang tutulan ang pressure ng politika at ng salapi. Sa mga taong may naiibang opinyon, sinisikap naming unawain sila na may pagtitiyaga at pagmamahal.
- sa mga pagsusumikap at matapang na mga hakbang ng pamahalaan upang magkaroon ng kapayapaan sa bansa. Inaasahan naming ang mga peace initiatives na ito ay tutumbasan ng gayon ding matapang na hakbang upang dalhin ang katarungan, sapagkat ang kapayapaan ay bunga ng katarungan.
- sa matinding paghahangad ng maraming mamamayan upang tapusin na ang mga dinastiyang pampolitika. Kung ang kongreso ay nag-aatubiling kumilos hinggil dito aming sinusuportahan ang mga pagsusumikap ng mga layko na ipasa ang mga enabling laws laban sa mga political dynasties sa pamamagitan ng people’s initiatives na ipinagkakaloob ng Saligang Batas.
Kasama si Jesus sa Bangka ni Pedro kami’y laging may pag-asa. Subalit kasama ng pananalig at pag-asa, kailangan natin ang pag-ibig. Sinasalpok ng gayon ding unos ng hangin ay ang mga dukha na may iba’t ibang mukha. Ang aming pahayag pampastoral ay tumutugon sa mga pangpolitika at panglipunang isyu na nagdadala sa kanila sa mas malalim na kawalang-pag-asa. Kailangan naming isatinig ang kanilang mga alalahanin, maging kanilang moral na gabay, maging kasama nila – ng mga hindi pa ipinanganak at mga “maliliit”, ng mga kabataan, ng mga kababaihan, ng mga magsasaka, ng mga katutubo, ng mga naninirahan sa mahihirap na lugar, ng mga manggagawa, ng mga mangingisda, ng mga migrante. Ang aming pagmamahal ay dapat magdala sa kanila ng Mabuting Balita – ang Ebanghelyo – taglay ang kanilang mga panglipunan, politikal at etikal na implikasyon.
Ngayong panahon ng maraming kaguluhan, ipinagkakatiwala namin ang misyon ng Simbahan sa ilalim ng pagtatanggol at paggabay ng ating Mahal na Birheng Maria, Ina ng Buhay at Ina ng mga Dukha. Mahal naming Inang Maria, ipanalangin mo ang iyong mga anak sa iyong minamahal na bansang Pilipinas.
Para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines:
+JOSE S. PALMA, D.D.
Arsobispo ng Cebu &
Pangulo, CBCP
Enero 28, 2013