Mga Kapatid sa Pananampalataya:

Buong tiwala at lakas ng loob na ipinaabot namin sa inyo ang mahalagang bunga ng aming katatapus pa lamang na taunang kapulungan: ang Sulat-Pastoral ukol sa Pilipinong Landas ng Pagpapakabanal.

Ito ang panghuling malawakang pagninilay ng CBCP sa mga mahahalagang usapin ng ating lipunan. Inilabas ito bilang tugon sa panawagan ng mahal na pinuno ng Simbahan Katoliko – ang Mahal na Papa Juan Pablo II – na ihanda ang lahat ng mga Kristiyano para sa pagdating ng ikatlong milenyo.

Minabuti naming isulat ito sa ating pambansang wikang Pilipino, sapagkat nais naming makaabot ang nilalaman nito sa puso at diwa ng nakakarami sa ating mga mananampalataya. Gayun rin naman ang aming pakay sa pagkakataong ito ay ipaabot sa inyo ang buod ng Sulat Pastoral na ito. Taglay ang pag-asa na ang buod na ito ay magiging panghikayat sa inyo na puntahan ang orihinal na hitik ng mas maraming mabubuting aralin at pananaw.

Bakit mahalaga para sa amin na ating mapagnilayan ang landas ng pagpapakabanal na ating sinusundan bilang mga Pilipino? Mahalaga ito, dahil may malalim na katotohanang maipakikita ito tungkol sa atin bilang isang bayan. Inihaharap nito sa atin ang katanungan: natutulungan ba tayo ng landas na ito na makalikha ng isang lipunang mapayapa, makatarungan, at makatao? Kung tayo ay nabibigo sa hangaring ito, saang bukal tayo sasalok ng lakas at diwa upang madiligan ang mga binhi ng panloob at panlabas na pagbabago sa ating lipunan?

Ipinahahayag ng ating sinusundang landas ng kabanalan kung sino tayo: isang bayang naglalakbay patungo sa tunay nating tahanan. Mga manlalakbay tayo na nakipagtipanan sa Diyos, at nangakong iaambag ang ating mga kakayahan sa pagtataguyod sa ganap na pamamayani ng kagandahang-loob niya sa atin. Mga manlalakbay tayo na may taglay na diwang namumukod-tangi, isang diwang nagbibigay direksyon sa ating paglalakbay: ang diwa, ang kalooban ni Kristo. Masasabi kaya natin na ang diwa’t kalooban ni Kristo at ang diwa’t kalooban ng Pilipino ay iisa?

Upang masagot ang katanungang ito, sinikap suriin ng unang bahagi ng sulat-pastoral na ito—na pinamagatang Paglalarawan—ang ilang mga kasabihan at kawikaang hitik sa karunungang pinamana ng ating mga ninuno. Pinagnilayan din dito ang ating mga kagawiang nagpapahayag sa udyok na mahaplos, maamoy, maramdaman ang Mahal-Banal, o mabahiran man lang ng Kanyang halimuyak. Nasasaksihan natin ito sa mga simbahan, sa mga mananampalatayang taimtim na nagsusumamo sa mga larawan o imahen ni Kristo o ng mga Banal, habang hinahaplos ang mga ito, o pinupunasan ng panyolito na kanila namang ipinapahid sa mga sugat o bahagi ng katawan na may karamdaman. Nararanasan din natin ito sa kakaibang paraan ng ating pagdiriwang ng mga banal na araw na tulad ng Pasko, kapistahan ng Mahal na Patron, at Mahal na Araw, at sa mga tradisyunal na kagawiang hindi na maihihiwalay sa Mahal na Araw, katulad ng penitensya, pabasa, siyete palabras, prusisyon, salubong, atbp.

Binigyan din ng tanging pansin ang marubdob na debosyon ng mga Pilipino sa mga dambana at imahen ng Mahal na Birhen, dahil hindi maitatatwa na malaki ang kinalaman ng Mahal na Birheng Maria sa Pilipinong landas ng pagpapakabanal. Dinadayo ng mga Pilipinong maysakit ang mga dambana halimbawa ng Mahal na Birhen ng Manaoag at Peñafrancia. Kapag may kinalaman naman sa malayo o mapanganib na paglalakbay ang ipinagdarasal, sa Antipolo nagtutungo ang Pilipino upang magsimba at tumupad sa isang panata. Labing-walo sa mga dambanang banal sa ating bansa ay nakalaan sa Ina ng Diyos.

Ang pagsulpot ng maraming mga charismatic renewal movements at iba pang mga kilusang relihiyoso na pinamumunuan ng mga laiko ay tiningnan din nang masusi upang matanto ang umiiral na kabanalan ng kanilang mga kasapi. May malalim na pangangailangang tinutugon ang mga kilusang ito na kadalasa’y hindi maibigay ng mga karaniwang pagdiriwang sa mga parokya: ang pangangailangang maipahayag at maibahagi ang karanasang banal, ang pangangailangang maranasan ang lakas at kapangyarihan ng Mahal-Banal sa mga kalagayang tulad ng sakit, sakuna, karukhaan, at iba pang mga problema sa buhay.

Pagkatapos mailarawan ang maraming mga paraan ng pagpapahayag ng kabanalan para sa mga Pilipino, sinikap naman ng ikalawang bahagi na matukoy ang mga pangunahing katangian ng landas ng pagpapakabanal na masasabi nating namumukod-tangi sa atin bilang mga Pilipinong Katoliko. Pagkilatis ang pamagat ng ikalawang bahaging ito. Malaki ang naitulong ng Katekismo para sa mga Pilipinong Katoliko (Blg. 34-44) sa gawain ng pagtukoy sa mga katangiang ito. Dito hinalaw at pinalawig pa ang limang katangiang itinuturing na bukod-tangi sa mananampalatayang Pilipino. Tayo daw ay 1) nakaugat sa pamilya, 2) mahilig sa salo-salo, 3) batbat ng pasakit at sanay sa pagdurusa, 4) nagpapahalaga sa mga bayani at sa kabayanihan, at 5) nakababad sa mundo ng mga espiritu. Dito umiikot ang ating loob-sa-Diyos.

Kumbaga sa diyamante, para bang tapyas ang bawat isa sa mga katangiang ito na nagpapakislap sa alahas ng pananampalatayang Pilipino. Sinikap ng bahaging ito na masipat ang bawat tapyas mula sa lente ng pananampalatayang pinangangatawanan ng mga obispo, pati na ang mga taglay nitong dungis at mga katangiang hindi kaaya-aya.

Kung tatanawin ang mga ito sa kasalukuyang takbo at kalagayan ng daigdig at ng ating bayan, hindi kaya nararapat lamang na ating maitanong sa sarili: ito na nga ba tayo? Ito na nga ba ang kayang pangatawanan ng Pilipinong loob-sa-Diyos? Ito na nga ba ang lipunang ating maipagmamalaki sa abot ng ating kakayahan? Ito na ba ang uri ng ekonomiya at pulitika na ating pinapangarap maibalangkas bilang isang lipunan? Ito na ba ang kabuuan ng kulturang nais ipahiwatig ng diwang Pilipino? Ito na rin ba ang nais nating ipamanang landas sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino?

Layunin ng ikatlo at pinakamahalagang bahagi ng sulat-pastoral na ito, na pinamagatang Pamantayan sa Pagpapakabanal, na akayin ang kapwa-manlalakbay—sa pagitan ng mga rumaragasang mga sasakyan ng kasaysayan—mula sa pagkakasindak sa mga nakakabulag na liwanag. Kahit malayo pa tayo sa patutunguhan, ang mahalaga’y nakatagpo na natin Siya. Sa gitna ng pag-aagawa-dilim, may panahon pa tayo upang tumawid nang mabilis sa ikalawang milenyo, at muling maituon ang pansin sa iniwang bakas ng ating Gabay. Saan niya tayo nais dalhin?

Nag-iwan siya ng isang halimbawa nang gabing makasalo niya sa hapunan ang kanyang mga alagad. Hinugasan ang kanilang mga paa, at ipinakiusap na sana’y ito’y kanila ring magawa sa isa’t isa kung paano niyang ginawa ito sa kanila (Juan 13:12-15). Pagkatapos ng dalawang milenyo, ano na ngayon ang ibig sabihin ng mabuhay ayon sa halimbawa ng dakilang guro?

Ano ang mga pangunahing katangian ng nasabing kalooban? Wala itong kinalaman sa gawaing pagpapakabanal na pabalat-bunga lamang. Tungkol sa mga paimbabaw minsa’y nasabi niya: “Dinadakila ako ng mga taong ito sa pamamagitan ng bibig, ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.” (Markos 7:6) Ang diwang kanyang pinangatawanan ay may kinalaman sa katarungan at pag-asa sa mahihirap, kapatawaran sa mga makasalanan, at paglaya sa mga inaalipin ng mga puwersang pampulitika at pang-ekonomiya. Sa halip na kultura ng kapalaluan at kapangyarihan, binigyan niya tayo ng halimbawa ng pakikipag-ugnay at paglilingkod sa kapwa, sa paghuhugas niya ng paa sa kanyang mga alagad.

Sa pakikiisa sa kalooban ni Kristo, mapag-iibayo natin ang ating mga sarili. Sa pamamagitan ng biyaya ng kanyang Epiritung nabubuhay sa atin, mapapalawig pa natin ang ating malasakit sa pamilya upang maabot nito ang mas malawak na komunidad. Pati ang ating mga salo-salo’y magiging mga pagkakataon upang makasama ang mga kapuspalad sa ating mga hapag-kainan. Gagambalain din ng mga kundiman ang ating mga puso upang maudyok tayong dumamay sa mga naghihikahos. Ang kabayanihan naman para sa ati’y matutuon sa Kristong lakas-loob na uminom sa mapait na saro ng pagdurusa at kamatayan alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. At ang ating pagkababad sa mundo ng mga espiritu ang magbibigay sa atin ng kapalagayan-ng-loob na mabuhay sa panalangin at pagninilay, at laging naghahagilap sa gabay ng Banal na Espiritu sa lahat ng ating mga mithiin.

Ang huling bahagi ng sulat-pastoral ay isang Panawagan. Ito’y sigaw ng pag-asa ng manlalakbay na hindi nakatitiyak kung ano ang naghihintay sa kanya habang siya’y papasok sa ikatlong milenyo. Batid natin ang sari-saring mga hula at babala tungkol sa diumano’y mga nagbabadyang kapahamakan. May mga ilan nangangambang nalalapit na ang katapusan. Mayroon ding nakakakita ng kung anu-anong mga palatandaan ng isang namimintong krisis na pandaigdigan.

Mga kapatid kay Kristo, ang nalalapit na dakilang, taon ng Kagalakan na pinananawagan ng Santo Papa ay hindi panahon ng sisihan at sumbatan ukol sa mga pagkukulang sa nakaraan. Ito’y isang tanging panahon ng pagpapahayag ng isang bagong kinabukasan, isang bagong simula, isang bagong mithiing maitatag sa ating butihing lupain ang isang “bagong Jerusalem”, isang bagong Pilipinas ng mga Pilipinong may binagong diwa, ang diwa ng Panginoong Hesukristo. Bukod-tanging ang diwang ito ang magbibigay sa atin ng sigla upang maiguhit ang isang bayang tatayo sa pundasyon ng katarungan, kapayapaan, kapatawaran, paggalang sa buhay, at katapatan sa Diyos.

Hindi tayo mabibigo sa mithiing ito. Ipinamana sa atin ni Kristo ang Kanyang Espiritu, ang Diwa ng pag-asa na minsa’y lumilong sa kaguluhang at umihip ng kaayusan sa sandaigdigan. Lagi’t lagi, kapiling natin sa mahabang lakbaying pauwi ang Mahal na Inang Maria, ang Tala ng Umaga na tumatanglaw sa ating buhay upang mapawi na ang dilim ng gabi at maisilang na ang isang bagong bukang-liwayway.

Magsaya tayo at magbunyi na tayo’y napabilang na maging marapat magdiwang sa Dakilang Araw ng Kagalakan!

Sa ngalan ng Kapulungan ng mga Obispong Katoliko sa Pilipinas:

+OSCAR V. CRUZ, D.D.


Pangulo


Ika-10 ng Hulyo 1999