Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro…(Lk 22:61)
Pagmamahal at Habag, Pagpapatawad at Hamon
Mensahe ng CBCP sa Pagbubukas ng Taon ng mga Dukha 2015
Kapag tititigan mo ang mga mata ng Panginoong nakapako sa Krus, at siya ay tumitig din sa iyo, makakatagpo mo ang pagmamahal ng Panginoong Muling Nabuhay.Marami ay ayaw tumingin. Marami ang umiiwas tumingin sa mga mata ng isang taong nasa mapait na pagdadalamhati. Marami ang biglang tumatangging tumugon sa pagmamahal. Subalit hindi iyon ang mga mata ng isang taong talunan, hinatulan na sa salang kriminal na pag-aalsa. Ang mga iyon ay mga mata ng isang hindi mapagkakamalang Hari, na kahit humaharap sa hagupit ng kamatayan, ay nakatingin pa rin sa ating mga mata na may paghamon. Sa kanyang pag-ibig ay ang kanyang panawagan para sa Paghahari ng kanyang Ama, ang kanyang Kaharian ng katarungan, habag, kapayapaan at buhay na ganap.
Sa simbolong ito ng nakapakong Panginoon, na ngayon ay Muli nang Nabuhay, kami na inyong mga Pastol, ay nag-aanyaya sa inyo sa pagdiriwang ng Taon ng mga Dukha.Narito si Jesus, ang dukha. Walang larawan ni Jesus na dukha, ang makahihigit pa rito. Si Jesus na nakabitin sa Krus na hinubaran ng kanyang damit, ng kanyang dangal, ng kanyang ari-arian, ng kanyang kapangyarihan, ng kanyang lakas. Siya ay tunay na kaisa ng mga marurumi, ng mga inaapi, ng mga hinahamak, ng mga walang kapangyarihan, ng mga miserable, ng mga isinasa-isantabi. Sa Taon ng mga Dukha, tumitig sa mga mata ng nakapakong Panginoon. Walang karanasan na mas hihigit pa sa yaman nito.
Kayo na mga dukha…
Sa mga matang iyon, ikaw na isang dukha, ay nadarama ang kanyang pagdurusang kasama mo. Mula sa kanyang Krus, siya ay kasama mong naglalakad sa mga mataong lansangan, natutumba sa putikan, natitigilan sa mabahong amoy ng nagbabarang imburnal. Yumuyuko siya upang pumasok sa iyong pinagtagpi-tagping tahanan na yari sa mga pinulot na bagay; ito’y para sa iyong pamilya, subalit ibinabahagi mo ito kasama ang mga daga at ipis, parang pugon sa tag-init, at parang talon sa tag-ulan.
Sa kanyang Krus, siya ay kasama mo – kasamo mo ang Diyos.Kinuha niya ang iyong kahubaran, ang iyong pagiging mahina, ang iyong kagutuman, ang iyong karamdaman, ang iyong pagkapahiya. Minsan inisip mong matatakasan ang iyong kahirapan ng iyong pinagmulan. Subalit ang iyong paghihirap ay lalo lamang tumindi. Dito, hindi ka man lamang makapulot ng kamote para maampat ang gutom sa iyong sikmura; hindi ka man lamang makakita ng dahong-gamot sa pagsusuka at pagtatai ng iyong sanggol; hindi ka makapulot ng perang pambayad sa kuryente para may liwanag kahit isang bombilya man lamang. Dito, kahit sa gitna ng libu-libo, ang kapwa ay malayo.
Minsan natuwa ka na sa nakakukubang trabaho na sa wakas ay iyong natagpuan; ang iyong trabaho ay patuloy na nakapagpakuba sa iyo, at nakapagpahukot sa iyo. Subalit ang iyong mga utang ay patuloy lamang na lumaki. Ang mga damit at sapatosna binili mo noong isang taon para gamitin ng iyong anak sa pagpasok sa paaralan ay sira na. Sa iyong tahanan ikaw ay may altar. Naroroon si Maria.Ang Nazareno ay naroroon.Gayundin ang Sto.Nino.Nagdarasal ka. Subalit nagulat ka nang marinig ang sigaw ng mga dumarating na magde-demolish ng iyong tinitirhan. Dumaing ka ng awa.Tinitigan mo ang mga mata ng iyong nakapakong Hari.
Sa pagtingin sa kanyang mga mata, nadama mo ang kanyang titig sa iyong kaluluwa. Hindi mo maunawaan. Bakit ka niya mahal, ikaw na isang dukha? Bakit may lakas ang Krus na naaantig ka; na minamahal ka? Bakit may patuloy na mensahe na parang mantra sa tanda ng Krus: “Dumating ako upang magdala ng buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya,”at, “Mapalad kayong mga dukha…Mapalad kayong mga nagugutom ngayon… Mapalad kayo kapag kinapopootan kayo…”
Bakit tahimik lamang niyang tinatanggap ang pang-aabuso, ang poot, ang pagtanggi, ang pang-aapi at kamatayan sa pagtanggi nila sa iyo? Bakit walang maliw ang kanyang pakikiisa sa iyo, sa pagtawag niya sa kanyang mga alagad na kumilos upang tulungan ka? “Anumang ginawa mo sa dukhang taong ito, ginawa mo iyon sa akin… Anuman ang hindi mo ginawa sa dukhang taong ito, sa akin mo iyon ipinagkait”Bakit, sa iyong pangalan, sinuman sa mga sumusunod sa iyo, ay inuutusan mo na gawin ang mga gawain ng pagkamahabagin? “Pakanin ang mga nagugutom.Painumin ang nauuhaw.Damitan ang hubad.Pasilungin ang walang matirhan.Dalawin ang maysakit.Tubusin ang napipiit.Ilibing ang patay.”Sa mga sagot sa mga tanong na ito…tumingin sa kanyang mga mata, at siyasatin ang kalooban.
Kayo na nabibigatan…
Sa Taon ng mga Dukha, lahat kayo na napapagal at nabibigatan sa mga pasanin, kami na inyong mga Pastol ay inaanyayahan kayo, tulad nang ginawa ni Jesus: na lumapit kay Jesus. “Lumapit kayo sa akin,” sabi ni Jesus, “at pagpapahingahin ko kayo”Hindi ka lubos na binusabos ng buhay, kundi hindi ka iniangat nito sa kayamanan. Sa iyo ay sinasabi rin ni Jesus, “Dumating ako upang bigyan ka ng buhay, at ibigay sa iyo nang ganap at kasiya-siya”.
Nagtatrabaho ka ng mahahabang oras na nasa isip ang iyong pamilya, ang iyong asawa, ang iyong mga anak, ang iyong mga kamag-anak na tumatakbo sa iyo sa walang katapusang pangangailangan, nagtatrabaho ka overtime, pumapasok ka pa sa ikalawa at ikatlong trabaho, para lamang mapag-abot ang mga pangangailangan. Karaniwan ay kapus pa rin; ang mga hinihingi ay nakapagpapahina sa iyo; ang iyong mga tagapagpatrabaho ay labis na bumabatak sa iyo; ang mga alalahanin ay labis na nagpapahirap sa iyo.
Subalit patuloy kang nagtatrabaho na may pag-ibig. Iniisip ang mga ngiti sa mukha ng iyong mga anak at ang mga pangako na iyong binitiwan sa iyong kabiyak na magsisikap na maibigay ang mga pangangailangan, patuloy kang nagtatrabaho, na umaasang ang iyong pagsasakripisyo ay magdudulot ng ganap na buhay na ibinibigay ni Jesus.Nagdarasal ka hangga’t maaari, hangga’t naaalala mo.Hinihingi mo ang kanyang tulong. Hinihingi mo ang tulong ng kanyang ina. At tumutulong sila. Ang kanyang ina ay lumalapit sa iyo at tumutulong, alam mo iyon. Ngayon, lumalapit ka kay Jesus na nakabitin sa kanyang Krus, tumitig ka sa kanyang mga mata samantalang nakatitig din siya sa iyo na may pagmamahal.
Kayong mga mayayaman…
“Dumating ako upang magdala ng buhay”, sabi niya, “buhay na ganap”. Nakalulungkot na ang iba sa inyo ay hindi natitinag nito. Hindi ninyo ito pinaniniwalaan. Hindi kayo naniniwala na si Jesus ay may ibinibigay na anuman. Sinasabi ninyong nananalig kayo, subalit sa katotohanan, hindi.
Para sa inyo, ang kaganapan ng buhay ay ang “magarang buhay”: na gawa ng inyong kamay. Hindi ito regalo, kundi kinuha. Hindi ito dinala sa inyo bilang biyaya mula sa itaas, kundi naagaw bunga ng pagtutulakan at paghihilahan mula sa ibaba. Ito ay makasarili, hindi ito nagbibigay ng sarili. Ito ay pinaaandar ng kapalaluan, pakana ng ambisyon, pinasisigla ng kapangyarihan, at lasa ng dugo. Para dito matindi kayong nagtatrabaho, matindi pa sa matindi. Itinutulak ninyo ang sarili hangganghindi na kaya, lampas pa sa makakaya. Upang marating lamang ang “matamis na buhay”, para malampasan ang inyong ambisyon, para magpasasa sa inyong tagapuri, para pumalakpak silang walang lagot, inaabuso ninyo ang inyong mga katawan, binabali ninyo ang batas, nilalabag ang inyong konsiyensya, winawasak ninyo ang Sangnilikha. Ang inyong buhay-panlipunan ay ang inyong nangangailangang sarili (ego). Minamanipula ninyo ang mga tao, pinakikinabangan ang kanilang kakayahan; pinagsasamantalahan ang kanilang kahinaan; binabayaran sila ng kulang. Ang kanila ayon sa kanilang karapatan, inyong ninanakaw; ang anumang nararapat na para sa lipunan, inyong itinatago. Ang anumang nandoon para sa lahat, inyong sinasarili. Para sa inyo, walang kabutihang-pangkalahatan.
Nagtatayo kayo ng inyong unang bahay, sumunod ang inyong mga ikalawang bahay; pinaglalaanan ninyo ang inyong pamilya, sumunod ang inyong mga ikalawang pamilya. Pinupuno ninyo ang inyong buhay ng kabulaanan, ng pagbabalatkayo, ng kalungkutan, at sa gayon natutuwa kayo sa inyong “magarang buhay”.Natutuwa kayo na hindi kayo kagaya ng ibang nagkakagulong mga tao. Hindi ninyo kailangan ang pagdarasal; hindi ninyo kailangan ang Diyos.
Sa Taong ito ng mga Dukha, kami na inyong mga Pastol ay nag-aanyaya sa inyo, na lumayo muna sa paligsahan ng mga daga, sa mga tindi at pwersa, sa mga kalampagan. Lumayo muna, at tumitigsa mga mata ng Hari.
Ang kanyang titig ay manunuot sa iyong mga mata patungo sa iyong puso. Ito ang kaparehong titig ng habag tulad ng kanyang titig sa mga mata ng mga dukha. Subalit ito ay ang titig na napalitan ng inyong pagka-arogante at pangungutya. Ito ay titig na may pagkalinga. Maaari ayaw mong marinig ang kanyang mensahe, subalit sinasabi niya uli sa iyo:v”Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan! v”Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom! Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magdadalamhati at magsisitangis! vSa aba ninyo, kung kayo’y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
Hindi niya ito pinaaalingawngaw sa mga loudspeakers, ni hindi niya kayo hinihiya nito sa media, sapagkat ikaw ay kagalang-galang na tao. Sinasabi lamang niya ito sa pamamagitan ng kanyang titig, sapagkat batid niyang maaari mo itong tanggihan, tulad nang tinanggihan mo na ito noon.
Subalit sa Taon ng mga Dukha, kung saan napakaraming mga dukha ay dukha dahil sa iyong mga desisyon, ikaw ay kanya ring pinaaalalahanan na ang iyong pagkabahala sa iyong mga dambuhalang investments, ang iyong mga pagsakop sa mga korporasyon, ang iyong mga paghawak sa kapangyarihang politikal at ang iyong napakagandang reputasyon na nakasisira o napapabayaan naman ang mahihirap ay maaaring may mga seryosong epekto. “Anuman ang iyong ginawa o hindi ginawa sa isa sa maliliit na mga kapatid kong ito, ay ginawa ninyo o hindi ginawa sa akin.” Sa hindi mo pagpapakain sa nagugutom, pagpapadamit sa hubad, pag-aalaga sa maysakit, pagpapatuloy sa walang matuluyan, pagdalaw sa nabibilanggo, ang Panginoon, ang Makatarungang Hukom, ay maaaring sabihin sa iyo, “Lumayo ka sa akin, kayong mga isinumpa, sa apoy na di mamamatay…” sapagkat ako ay dukha, at wala kang pakialam.
Kung ikaw ay hindi naniniwala dito, tumitig sa kanyang mga mata na nakatingin sa iyo mula sa Krus.
Narito si Jesus ang Dukha…
Kung ang titig na iyon, na puno ng pag-ibig, ay nagdadala sa iyo ng pagkalito, kahihiyan at pagbabalik-loob sa Taong ito ng mga Dukha, pag-isipan mo ang mahigpit nitong hamon sa iyo:
Sa biyaya ng Diyos, talikdan mo ang iyong kapalaluan, ang iyong pagmamataas, ang iyong pagka-makasarili, ang iyong pagsamba sa kayamanan, ang iyong pagkabaliw sa kapangyarihan. Sa pagmamahal, gumawa ka para sa pagtatayo g Kaharian ng Diyos dito sa lupa!
Sa Pilipinas, ibig sabihin nito, ay daglian: itigil ang korapsyon.
Itigil ang pagwawaldas ng kaban ng bayan. Itigil ang walang-habas na pagwasak ng kapaligiran. Labanan ang paghihirap ng mga dukha. Magtayo ng mga kompanyang gagamit ng ating mga nga likas-yaman na lilikha ng kayamanan para sa ating mga mamamayan, at makatarungang magbabahagi ng kayamanan. Magtayo ng ekonomiyang tumutugon sa malupit na kahirapan ng mga mangingisda, mga nagbubungkal ng lupa, mga manggagawa. Magtayo ng ekonomiyang bukas sa daigdig, subalit ang benepisyo ay hindi nagsasa-isang-tabi sa mga dukha Magbigay ng mga trabaho.
Magbigay ng edukasyon na gumagalang sa lahat bilang tao at mga anak ng Diyos, at hindi lamang piyesa sa pandaigdigang makina ng produksyon. Bagkus magbigay ng edukasyong angkop laban sa kahirapang humahamak sa pagkatao: batayang edukasyon para sa lahat, at mataas na edukasyon para sa lahat na nagnanais nito. Magtayo ng lipunang nagdidiyalogo sa ating pagkakaiba-iba, laluna sa ating mga dukha, magtayo ng lipunan ng kapayapaan. Wala nang digmaan, sapagkat ang pinakaapektadong biktima ng digmaan ay ang mga dukha!
Narito si Jesus, pag-asa ng mga Dukha…
Kung ang kanyang pagtitig, na puno ng pag-ibig, ay nagdadala sa iyo mula sa kahirapan ng kaaliwan, tibay ng loob at kapayapaan, malayin mo ang pag-ibig ni Jesus. Siya ay nagpapalakas sa iyo, nagpapatibay sa iyo, at tumatawag sa Sambayanang Kristiyano na tulungan kang umasenso mula sa kahirapan tungo sa ganap na buhay.
Subalit tulungan mo ang sambayanan sa pagtulong sa iyo. Kapag wala kang trabaho, maghanap ka ng trabahao. Kapag may trabaho ka, magtrabaho kang mabuti. Magkaroon ka ng personal na ugali ng kasigasigan, paggalang sa sarili at pananagutan sa lipunan. Samantalang mayroon kang kabuhayan, ipagpatuloy mo ang pagbibigay para sa iyong pamilya sa diwa ng pag-ibig: masustansiyang pagkain, hustong pananamit, pangangalagang medikal, mabuting edukasyon, kapaki-pakinabang na paglilibang. Magpunyagi kang magkaroon ng makatao at makatarungang kondisyon ng pagtatrabaho. Patuloy kang mag-ambag para sa kabutihan ng iyong kapwa, ng iyong barangay, ng iyong munisipyo, ng iyong lungsod, ng iyong bansa.Palaging maging matulungin.Bomoto ka tulad ng hinihingi ng kabutihang pang-madla. Katuwang ang iyong kabiyak, pamunuan mo ang inyong mga anak sa pagmamahal at paggalang sa Panginoon sa pamamagitan ng ating ugnayan ng mga Katoliko. Maging aktibo ka sa iyong parokya at sa inyong munting sambayanang Kristiyano. Magmahal, tulad na ikaw ay minamahal ng Diyos. Matapang na ibahagi ang iyong pananampalataya sa diwa ng pag-ibig! Ikaw ay hindi lamang taga-tanggap ng Mabuting Balita. Ikaw din ay tagapagdala nito!
Mga Pastol na tumititig sa mga mata ng Mabuting Pastol…
Bilang panghulis, sa taon ng mga dukha, kami na inyong mga pastol, at kasama namin ang lahat ng mga pari at mga relihiyoso, ay tumititig kasama ninyo sa mga mata ng Panginoong nakapako sa Krus. Madalas naming tinititigan ang mga matang labis na pinahihirapan subalit hindi makita ang kanyang kislap! Ang tanging nakikita nami’y nakahihiyang pagkatalo, nakauupos na paghihirap at tiyak na kamatayan, subalit hindi makita ang liwanag na pumupunit sa kadiliman sa inyong mga puso.
Sa kawalan na dala ng kalungkutan at pag-iisa dala ng ating pagiging malayo sa Nakapako sa Krus, maaari tayong mailigaw na punan ang nakangangang kalaliman ng mga bagong phones at ipads. Matatakpan natin ang ating kahungkagan ng bagong magarang sasakyan o mga usong damit o sunod sa modang sapatos na hindi na magkasya sa ating lalagyan; o kaya ay magbakasyon sa labas ng bansa o bumili ng isa pang gamit para sa silid-tulugan. O kaya ay hahawakan natin ang bote ng alak at aasang ang espiritung nakabote ay papawi ng ating espiritu ng pagkainip. Maaari din itong punan sa pamamagitan ng pagtatrabahong gaya ng isang kabayo para mapahanga ang mga tao, upang magbuo ng mga tagahanga at mag-angat sa iyo sa mas mataas at mas magandang tungkulin. Maaari din itong magdagdag ng iyong interes sa mga deposito sa bangko, sa stock market at pagtitipon ng maraming ari-arian. Ang mga pondo ng Simbahan at personal na pondo ay sadyang pinaghahalo. Samantalang ang parokya ay gumagapang sa kahirapang pinansyal tayo naman ay humihirit at lumulundag sa kaseguruhang pinansyal. Ang ating maalwan at komportableng estilo ng buhayay nakapagpapamanhid sa atin sa panganib ng pagiging makamundo. Ito’y nagsasanay sa atin sa kapalaluang pangsimbahan.
Ilang beses nating paliitin ang kanyang mga matang buhay sa paglalagay nito bilang pintura sa pader, at naiwawala natin ang damdaming ipinahahayag ng kislap ng kanyang mga matang naghihirap: na tayo’y kanyang napapansin, ikinalulugod, pinahahalagahan at isinusugo. Dahil dito, dinadaya natin ang ating sarili ng tanging kayamanan sa ating bokasyon: ang katiyakang nadarama mula sa Krus na bawat isa sa atin at tayong lahat ay kanyang minamahal.
Ipinagpalit natin ang premyong ito, itong napakahalagang perlas, sa hindi natin mapigilang pagpapanatili ng ating mga kastilyong pangkaisipan, sa ating pagkabahalang matupad ang mga kautusan at regulasyon, sa atingdi mapigilang pagpapanatili ng utos ng nakatataas, sa ating makasariling pagdedepensa ng pribadong espasyo, sa ating kakatuwang koleksyon ng mga walang kuwentang bagay, at gayundin sa ating panghabang-buhay na paghahanda sa ating pagreretiro.
O kaya, ipinagpalit natin itong Mesias na nag-iwan ng sarili sa mga mesias na itinayo natin sa mga natatanging luklukan, na tinatanggihan natin ang kabaliwan ng Krus, at pinipili ang kapangyarihan ng kinatatakutang obispo o ang kilalang banal na celebrity o ang sunod sa usong pagdududa ng taong insecure. Sa mga ganitong kinikilalang propesyunal sa espirituwal, walang talagang halaga ang panalangin, hindi kailangan ang mga propeta, at tiyak na hindi kailangan ang mga hindi nag-aral at marurumi, sapagkat sa kahuli-hulihan lahat ay tungkol sa kanilang sarili.
Titigan si Jesus
Sa taong ito ng mga dukha, kami rin ay hinahamon sa katahimikan na tumitig sa mga mata ng nakapakong Panginoon, walang plastic, walang kahoy, walang nakapinid, bagkus bukas para sa akin, nililito ako, dinidisturbo ako, ibinabalik ako sa orihinal na inspirasyon, pinagagaling ako, itinataas ako, ginagawa akong buo at ginugulat akong muli ng hindi inaasahang kagalakan. Sa kanyang mga mata, pagnilayan natin ang matahimik na paanyaya na tunay na maging dukha, kaisa niya, hinubaran ng kanyang mga damit, ng kanyang karangalan, ng kanyang ari-arian, ng kanyang kapangyarihan, ng kanyang kanyang lakas, kaisa ng mga marurumi, mga inaapi, mga hinahamak, mga walang kapangyarihan, ng mga miserable, ng mga isinasa-isang tabi. Siyempre, makatutugon tayo ng ayaw ko. Mauulit natin ang ating dating mga palusot. Subalit makapagsasabi rin naman tayo ng opo.
Sa Taong ito ng mga Dukha, nawa’y ang ating mga pangangailangan ay mahalinhan ng kabanalan, at ang ating mga pagka-arogante ay mahalinhan ng paglilingkod.Sa lahat-lahat, nawa’y ang pag-ibig ng Panginoong Nakapako sa Krus ay magtagumpay habang siya’y tumititig sa ating mga puso at magawa nating tumitig din sa kanyang mata.
Amen. Amen.
Para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ika-30 ng Nobyembre 2014, Unang Linggo ng Adbiyento.
+SOCRATES B. VILLEGAS
Arsobispo ng Lingayen-Dagupan
Pangulo ng CBCP
- Spiritual Exercises of St. Ignatius: Colloquy of the First Exercise.
- In the nine-year preparation for the celebration of the 500th Anniversary of Christianity in the Philippines, the Year of the Poor (2015) follows the Year of Faith (2013) and the Year of the Laity (2014).
- Matthew: 1:23
- Luke: 10:29
- John 10:10.
- Luke 6: 20-23
- Matthew 25:40, 45.
- The Church’s Corporal Works of Mercy are inspired by Matthew 25:31-46
- Matthew 11:28
- Luke 6:24-26.
- Spiritual Exercises of St. Ignatius: Confusion, shame and repentance are graces of the First Week.
- Mark 9:34. Also: “Through the gift of his Spirit and the conversion of hearts, [Jesus] comes to establish the ‘Kingdom of God’, so that a new manner of social life is made possible, in justice, in brotherhood, solidarity and sharing. The Kingdom inaugurated by Christ perfects the original goodness of the created order and of human activity” Compendium of the Social Doctrine of the Church (CSDC) #325.
- CSDC, 330-345.
- CSDC, 361-373. Also: Francis, Evangelii Gaudium, #54: “No to an economy of exclusion.”
- CSDC, 375-376.
- CSDC, 494-495.
- Cf. PCP II. The Poor are not only objects but vigorous agents of evangelization. “The ‘Church of the Poor’ will also mean that the Church will not only evangelize the poor, but that the poor in the Church will themselves become evangelizers. Pastors and leaders will learn to be with work with and learn from the poor. A ‘Church of the Poor will not only render preferential service to the poor but will practice preferential reliance on the poor in the work of evangelization” (PCP II, 132)
- In Evangelii Gaudium, 1-3, Pope Francis invites all to return to the joy of the Gospel, to “embark upon a new chapter of evangelization marked by this joy” (EG, 1). Unto this end, he says, “I invite all Christians everywhere, at this very moment, to a renewed personal encounter with Jesus Christ, or at least to an openness to letting him encounter them” (EG, 3).
- Mt. 13:46
- compare: Temptations Faced by Pastoral Workers, EG, 76-109
- “Whenever our interior life becomes caught up in its own interests and concerns, there is no longer room for others, no place for the poor” (EG, 2)
- CBCP, Lenten Message, 2014