Minamahal na Bayan ng Diyos,
Pagbati ng Kapayapaan at Pag-asa!

Taglay ang pag-asa, tinapos namin ang aming ika-129 na CBCP Plenary Assembly kung saan aming pinagnilayan ang panawagan para sa Transparency at Accountability tungo sa pagiging isang mas Misyonero at Sinodal na Simbahan. Kami rin ay nakibahagi sa sama-samang pagkilala sa kasalukuyang mga realidad na nakakaapekto sa ating bansa.

“Umaasa laban sa pag-asa” (cf. Mga Taga Roma 4:18)

‘Iwanan ang pag-asa, kayong lahat na pumapasok dito…’ ang mga nakababalisang salitang nakasulat sa pasukan ng pagbaba sa impiyerno sa L’inferno ni Dante Alighieri. Ang isinulat ng may-akda tungkol sa konteksto ng kaguluhang pampulitika at moral na pagkabulok ng kanyang panahon ay maaaring salamin ng kasalukuyang pakikibaka ng mga Pilipino sa kawalan ng pag-asa, na nagsisikap na makahanap ng pag-asa sa gitna ng mga kahirapan.

Umasa laban sa pag-asa, tulad ni Abraham sa mga sulat ni San Pablo, sinusuri nating mga Kristiyano ang ating mga sarili at upang makisangkot ang ating pananampalataya sa Diyos sa kalagayang sumisira sa ating bansa. Sa pagtatangkang maunawaan ang katotohanang nakapalibot sa atin, nararanasan natin ang pagkabigo at pagdurusa sa harap ng mga sumusunod:

  • Sa larangan ng moralidad, nararamdaman natin ang malawakang kalituhan, kawalan ng malasakit, kawalan ng interes, at kawalan ng kakayahan dahil sa mga mapanganib na pag-atake sa buhay, lalo na sa mga inosente. Ang kultura ng kawalang-parusa, pagkamakasarili, at pagkawala ng kamalayan sa kasalanan ay nakababahala.
  • Sa ekolohiya, patuloy tayong natataranta sa mga epekto ng mga sakuna at trahedya dahil sa mga emergency sa klima, na mas lumala pa dahil sa mga di-kalidad at kulang sa pondo na mga istruktura. Ang pribadong interes ay pinangangalagaan kaysa sa kabutihan ng nakararami at kapakanan ng mga nasa laylayan, kabilang ang mga katutubo at mahihirap na komunidad.
  • Sa larangan ng ekonomiya, ang pagtaas ng kahirapan, na makikita sa pagtaas ng kawalan ng trabaho at presyo ng mga bilihin at serbisyo, ay humahantong sa sitwasyon kung saan ang mayayaman ay lalong yumayaman, ang mahihirap ay lalong naghihirap, at ang mga makapangyarihan ay lalong nagiging makapangyarihan.
  • Sa larangan ng pulitika, ang kahiya-hiyang maling paggamit ng pondo at resources ng publiko; ang mga kaduda-dudang pagsingit, pagbawas, at pag-aayos sa pambansang badyet; at ang mga programang kontra-kahirapan na nagtataguyod ng kultura ng patronage at pamamalimos ay tunay na nakababahala. Habang papalapit ang Halalan, nakikita natin kung paano muling ginagamit ang mga plataporma ng popularidad, dinastiya, at patronage, na ginagawang pamilya negosyo ang pulitika.
  • Sa larangan ng seguridad at mga pandaigdigang alalahanin, nasasaksihan natin kung paano patuloy na nahahamon ang ating soberanya at pambansang seguridad.
  • Sa larangan ng komunikasyon, ang kasinungalingan, maling impormasyon, at disimpormasyon ay ginagamit bilang sandata laban sa katotohanan.
  • Sa larangan ng pamamahala, nagtataka tayo kung may mga checks and balances pa.

Sa ganitong sitwasyon, tila mas mahirap abutin ang pag-asa kaysa dati. Kaya’t tinatanong nating lahat: “May pag-asa pa nga ba?” Kanino tayo lalapit?

Sa ating pagninilay sa mga sitwasyong ito, nararamdaman natin na ang unang kailangan nating gawin ay suriin ang ating mga sarili at sundin ang landas ng personal, institusyonal, at eklesyal na pagbabago upang muling matuklasan ang pag-asa. Ito ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Taon ng Hubileo. Kaya’t ginagawa rin nating accountable ang ating mga sarili sa harap ng Panginoon.

“. . . at ang pag-asa ay hindi nagbibigay ng kabiguan, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso” (Roma 5:5)

Sa pinakamadilim at pinakamalungkot na espasyo ng kamatayan, si Hesukristo, ang ating Tagapagligtas ay pumasok at binago ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang nakapagliligtas na pag-ibig. Ang Sabado Santo ay hindi lamang nagdudulot ng maka-Diyos na kalungkutan sa kamatayan ng Tagapagligtas, ngunit ito ay nagtatago ng isang makapangyarihang puwersa kung saan ang pag-ibig ng Diyos ay tumatalab sa ating pagdurusa, ating kalungkutan at kamatayan, nagliligtas at nagbabago sa atin. Ang espasyong ito ng pag-iwan ay isang lugar kung saan ang pag-asa at bagong buhay ay sumisibol. Bilang mga mananampalataya, ito ang ating angkla at ating lakas. Ang pag-ibig ay lumilikha ng pag-asa, dahil ang pag-asa ay nasa kay Hesus na kumikilos sa loob at paligid natin.

Ang pag-ibig na tumatagos sa kadiliman ay nagpapakita ng mga sinag ng pag-asa.

  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa mga lider na may prinsipyo na nagtataguyod ng mabuting pamamahala.
  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa idealismo ng mga kabataan at responsableng mamamayan na hindi ipinagbibili ang kanilang idealismo at pagkamakabayang diwa.
  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa kusang pakikipagtulungan ng mga NGO, civic, at mga organisasyong panrelihiyon sa pamahalaan sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.
  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa mga lokal na inisyatibo at pagsisikap na pagpapalakas ng mga komunidad para sa pagbabago.
  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa mga lider sa publiko, relihiyon, unipormado, at sibiko, at mga ordinaryong manggagawa na nakatuon sa tapat na paglilingkod kahit walang pagkilala o gantimpala.
  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa mga responsableng gawain ng negosyo na naglalayong protektahan ang kalikasan at paglingkuran ang mga nangangailangan.
  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa mga taong inilalagay sa panganib ang kanilang reputasyon, maging ang kanilang buhay, para labanan ang katiwalian at ipaglaban ang katarungan.
  • Nakikita natin ang mga kislap ng pag-asa sa diwa ng katatagan ng mga Pilipino, at sa mga naghahandog ng kanilang sarili sa tapat na paglilingkod kahit sila mismo ay nabibigatan ng kanilang sariling pangangailangan.

Higit sa lahat, nararamdaman natin ang malakas na daluyong ng pag-asa sa pakiramdam ng hindi pagkakatiwasay at pagkabahala – mga sintomas ng panloob na pagdurusa, na nagtutulak sa atin na may mali, ngunit kasabay nito ay nanghihikayat na may magagawa at dapat gawin sa loob, sa ating mga sarili, at sa ating mga institusyon.

“. . . sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin” (Mga Taga Roma 5:5)

Kami, ang inyong mga pinunong espirituwal, ay nakikibahagi sa sakit na dulot ng mga sugat ng pagdurusang ito. Kami rin ay nakakaramdam ng malalim na pagkabahala at tila pagkaparalisa na sumisira sa marami na natatangay sa hukay ng kawalan ng pag-asa. Sa Taon ng Hubileo ng Pag-asa na ito, sama-sama nating pinahahalagahan ang kaloob ng pag-asa na sininding ng Espiritu Santo. Ang pag-asang ito ay hindi simpleng optimismo o positibong pakiramdam. Ito ay mga kislap ng kaloob ng pag-asa na nagmumula sa Espiritu Santo na nanghihikayat sa atin na kumilos.

Anumang kilos ng pag-asa ay nagmumula sa Espiritu Santo. Kaya nga, hinihikayat namin kayo, aming minamahal na bayan, na hayaang muling magsindi ang pag-asa sa inyong kalooban. Nawa ito ay maging apoy ng pag-asa. Hayaang baguhin ng Espiritu Santo ang mukha ng mundo at hingahan ng pagbabago ang madidilim na espasyo at lugar ng ating buhay at ating bansa. Ang biyaya ng Espiritu Santo ay tulad ng mahinang hangin na nagtutulak sa atin na magpatuloy sa paghinga kapag tayo ay natutukso na sumuko sa ating tila walang pag-asang kalagayan. Ang biyayang iyon ay tulad ng isang balahibo na ating taglay, na kapag pinagsama-sama sa iba ay maaaring maging pakpak upang tayo ay lumipad mula sa ating kawalan ng malasakit, at hayaan tayong lumipad ng mataas sa pagmamahal sa bayan, boluntarismo, at paghahanap ng pagbabago. Ang parehong biyaya ay tulad ng unos na maaaring maglinis sa kabulukan ng katiwalian, na maghahanda ng daan sa moral na pagbangon.

Nanawagan kami sa lahat ng mga lider, habang masigasig naming ipinaalala sa aming mga sarili, na hingahin ang diwa ng katapatan ng paglilingkod na nakaayon sa Diyos, hingahin ang transparency at accountability. Nanawagan kami sa ating mga kabataan, na ibahagi ang inyong nag-iisang balahibo upang maging inyong mga pakpak para sa isang mas magandang mundo. Tumayo para sa pagbabago at responsableng pamumuno para sa kasalukuyan at hinaharap ng ating bansa. Nanawagan kami sa aming minamahal na mananampalataya, sa pamahalaan, sa negosyo, sa publiko o mga relihiyosong komunidad, na pagsamahin ang unos ng pagbabago sa pamamagitan ng tapat na pagsaksi sa ating mga Kristiyanong pagpapahalaga at katapatan sa konsensya. Nawa’y pangalagaan natin ang ating dignidad at ating kinabukasan sa pamamagitan ng hindi pagbebenta ng mga ito sa pinakamataas na nag-aalok.

Ang kawalan ng pag-asa ay maaaring humantong sa pagkawala ng pag-asa. Subalit ang pag-asa ay hindi pagpapasakop sa takot at kawalan ng pag-asa. Ang kawalan ng pag-asa ay maaaring magparalisa at mag-alipin sa atin. Subalit ang pag-asa ay nagbibigay sa atin ng tapang at kalayaan. Dumadalangin tayo para sa tapang, upang tayo ay laging malayang tumayo para sa katotohanan, at itaguyod ang mabuti at ang panuntunan ng batas, habang pinangangalagaan ang mga demokratikong institusyon at proseso. Panagutin natin ang kapangyarihan. Ipagpatuloy natin ang pagtatayo sa ating mga nagawa. Nawa’y magkaroon tayo ng tapang at tiyaga na tahakin ang landas ng pagbabago para sa ikabubuti, at walang pagod na hangarin ang kabutihan ng lahat, higit sa personal na interes. Nawa’y hindi tayo mapagod sa pag-aalaga sa mga pinakamahihinang miyembro ng ating lipunan: partikular ang mga hindi pa isinisilang at mga bata, ang matatanda at mga maysakit, ang mahihirap at mga nasa laylayan, ang mahihina, ang walang boses at walang kapangyarihan. Nawa’y hindi tayo sumuko sa isa’t isa at sa ating bansa, sapagkat ang Diyos ay hindi sumusuko sa atin.

May pag-asa! May Pag-Asa! At pinapayuhan tayo ni San Pablo: “At huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon tayo ay mag-aani kung hindi tayo susuko” (Galacia 6:9).

Sa ating panalangin para sa isang espirituwal na rebolusyon ng pag-asa, sama-sama tayong maglakbay sa Paglalakbay ng Pag-asa tungo sa Kaharian ng Ama. Dumadalangin tayo kasama si Papa Francisco: “Nawa ang iyong biyaya ay magbago sa atin upang maging walang pagod na tagapag-alaga ng mga binhi ng Ebanghelyo. Nawa ang mga binhing iyon ay magbago mula sa loob ng sangkatauhan at ng buong kosmos sa tiyak na pag-asa ng isang bagong langit at bagong lupa, kapag ang mga kapangyarihan ng Kasamaan ay nalupig at ang iyong kaluwalhatian ay magningning magpakailanman” (Panalangin ni Papa Francisco para sa Hubileo).

Ipinagkakatiwala namin ang ating paglalakbay at peregrinasyon, bilang Sambayanang Pilipino, kasama ang ating mga pagdurusa at pangarap sa mga kamay ng ating Mahal na Inang Maria, ang Ina ng Pag-asa, upang samahan at gabayan niya tayo habang sinusunod natin ang Daan ni Hesus na ating Panginoon. Amen.

Para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines

+PABLO VIRGILIO S. CARDINAL DAVID
Obispo ng Kalookan
CBCP President

Ika-2 ng Pebrero, 2025
Kapistahan ng Paghahandog sa Panginoon