Setyembre 21, 2:00pm, EDSA People Power Monument

Mga minamahal naming kapatid kay Kristo – mga parokya, BECs (basic ecclesial communities), mga pari, mga relihiyoso at relihiyosa, at mga layko, mga charismatic communities, mga kabataan, mga Catholic schools, mga kapatid naming Kristiyano mula sa iba’t ibang denominasyon, mga kapanalig mula sa iba’t ibang pamayanang pananampalataya, mga taga-civil society, at lahat ng taong may mabuting kalooban.

Bilang mga obispo, nananawagan kami na makiisa tayo sa isang payapang pagtitipon na tinaguriang “Trillion Peso March” (Araw ng Panalangin at Pananagutan). Gaganapin iyo sa EDSA People Power Monument sa Linggo, Setyembre 21, 2:00pm

Hindi ito pulitika. Isa itong moral na paninindigan. Isang pagkilos ng pananampalataya at pagkakaisa laban sa kultura ng katiwalian na patuloy na nananakaw ng dangal ng tao, nagpapalubog sa mahihirap, at sumisira sa kinabukasan ng ating bansa.

Inaanyayahan din namin ang lahat sa labas ng Metro Manila na makiisa sa mga prayer rally na inorganisa ng kanilang mga diyosesis, parokya, Catholic schools, o iba pang faith-based at civic groups. Hinihikayat naming magkaroon ng katulad na pagkilos sa buong bansa, tanda ng ating pagkakaisa sa araw na ito ng mapayapang paninindigan.

Dapat tayong maging mapagbantay laban sa mga oportunista na gustong samantalahin ang galit ng taumbayan para sa pansarili nilang interes. Pero paalala rin natin sa lahat: ang pananagutan ay dapat idaan sa tamang proseso ng batas at Konstitusyon. Hindi para pabagsakin ang gobyerno, kundi para palakasin ang ating demokrasya.

Mga Konkretong Hakbang (mula sa Beyond Survival)

  1. Maging mapagbantay at magsalita – Huwag hayaang patayin ng kawalang-pakialam ang ating damdamin laban sa mali.
  2. Tanggihan ang patronage politics – Huwag ipagbili ang boto; humingi ng integridad sa pamumuno.
  3. Maging tapat sa araw-araw – Nagsisimula ang integridad sa pamilya, classroom, trabaho, at barangay.
  4. Magtayo ng communities of truth – Magbahagi lang ng verified information; labanan ang kasinungalingan.
  5. Makiisa sa mga civic at parish initiatives – Sumama sa mga pagkilos para sa good governance, ecological justice, at social renewal.
  6. Suportahan ang independent probe – Magkaisa sa panawagan ng tunay na independent investigation sa mga anomalya sa flood-control at budget insertions.
  7. Humingi ng hustisya, hindi impunity – Itulak ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nagnakaw ng pondo ng bayan.
  8. Maging huwaran sa Simbahan – Gawin nating transparent at accountable ang ating mga parokya at diyosesis.
  9. Mamuhay nang simple, tanggihan ang luho – Paalala sa mga lider sa gobyerno, negosyo, at Simbahan: mamuhay nang may malasakit at pakikiisa sa mahihirap.

Partikular na Paanyaya

Inaanyayahan naming makiisa ang ating mga religious sisters at brothers, mga pari, seminarians at kanilang formators, at lahat ng Catholic school  communities. Napakahalaga ng inyong presensya at panalangin bilang patunay na ang integridad at kabanalan ay nasa sentro ng ating pananampalataya.

Inaanyayahan din namin ang mga matitinong lingkod-bayan sa pamahalaan. Ang inyong pakikilahok ay magsasabi sa lahat na hindi lahat sa gobyerno ay tiwali, at may pag-asa ang reporma kapag buhay ang konsensya.

Mensahe sa Kabataan

Mga kabataan, sa inyo namin ipinagkakatiwala ang isang espesyal na misyon. Sabi ni Hesus: “Maging maamo tulad ng kalapati, at matalino tulad ng ahas.”

Nasa inyong mga kamay ang kapangyarihang hindi pa nagkaroon ng ibang henerasyon: ang digital space. Gamitin ninyo ito nang matalino at matapang—para ilantad ang katotohanan, labanan ang kasinungalingan, at bumuo ng mga komunidad ng konsensya. Tandaan: ang lakas ninyo ay hindi sa galit kundi sa pag-asa; hindi sa karahasan kundi sa katotohanan at pagkakaisa.

Huling Panawagan

Mga kapatid, ang katiwalian ay hindi lang tungkol sa perang ninakaw. Ito ay tungkol sa kinabukasang ninanakaw: mga tahanang laging binabaha, kalikasang sinisira, at mga oportunidad na nasasayang para sa mga anak natin.

Kaya nananawagan kami sa ating mga mambabatas, oversight bodies, at mga taga-usig: bilisan ang imbestigasyon at pananagutan. Siguraduhin na ang mga kontrata ng gobyerno ay transparent at walang bahid ng katiwalian. Ang taumbayan ay naghahanap ng konkretong solusyon—hindi hungkag na salita, hindi palabas sa politika, hindi walang katapusang delaying tactics. Tama na! Sobra na! Huwag na nating hayaang mamatay na lang ang usaping ito gaya ng mga nauna, na nauwi lang sa political accommodations at compromises.

At para sa mga yumaman sa panlilinlang at pandarambong: inuulit namin ang panawagan ni Hesus kay Zaqueo, “Bumaba ka” (Lk 19:5). Bumaba mula sa inyong kayabangan at kasakiman. Piliin ang pagbabalik-loob, magbayad ng nararapat, at ituwid ang pagkakamali. Walang tunay na kapayapaan kung walang katarungan, at walang katarungan kung walang pagsisisi.

Sama-samang Paninindigan

Huwag tayong sumagot ng karahasan o pananahimik. Sagutin natin ito ng pananampalataya, lakas ng loob, at pagkakaisa.

Magsama-sama tayo sa EDSA People Power Monument, Linggo, Setyembre 21, 2:00pm. Gawin nating malinaw ang ating mensahe: ang sambayanang Pilipino, gabay ng pananampalataya, ay hindi na mananahimik.

Manindigan tayo para sa katotohanan, katarungan, at pagbabago. Maging “maamo tulad ng kalapati at matalino tulad ng ahas.” At sama-sama tayong bumuo ng isang bansang tapat, makatarungan, at tunay na makatao.

Para sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas:
+PABLO VIRGILIO S. CARDINAL DAVID
Obispo ng Kalookan
Pangulo ng CBCP