“Palayain ninyo ang mga bihag…” (Lucas 4:18)

 

Minamahal naming mga kababayang Pilipino at mga kapatid kay Kristo,

Kami po ay lubos na nababahala sapagkat tila may bagong salot o virus na sumisira sa mga indibidwal, pamilya at lipunan. Ito ay tahimik na kumakalat at nagdudulot ng malawakang pagkaalipin. Ang salot na ito ay ang pagkasugapa sa online gambling o sugal sa internet. Akala natin nakaligtas na tayo sa POGO at E-Sabong, at hindi maipagkakaila ang malalang epekto ng mga ito na hanggang ngayon ay ating dinaranas. Pero narito ang bagong mukha ng pagsusugal. Hindi natin namamalayan, talamak na ito, at marami, kasama na ang mga kabataan, ang nagiging adik na sa online gambling.

Katulad ng sinabi ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo, Siya’y sinugo upang magdala ng mabuting balita sa mga mahihirap, pagpapalaya sa mga bihag, at kagalingan sa mga sugatan (cf. Lucas 4:18 ff.). Bilang mga pastol na inatasang mangalaga sa tao at sa kanilang dangal, kailangan naming manawagan at magpahayag.

Malinaw na ang online gambling ay hindi na simpleng libangan lamang. Isa na itong malalim at malawak na suliraning moral, na nakakubli sa anyo ng libangan at teknolohiya. At kahit ito’y inaangkin na “karapatang pantao,” hindi pa rin nangangahulugang tama ito, lalo na kung ito naman ay nagbubunga ng kapahamakan sa mismong tao. Ang pagkasugapa sa online gambling ay isang anyo ng pagkaalipin,

Paano ba nang-aakit ang online gambling?

Ang mga sugal sa internet ay hindi inosente. Ito ay sinadyang maging kaakit-akit, lalo na sa mga kabataan at mga pangkaraniwang mamamayan. Ito ay madaling gamitin; mabilis ang kita at mabilis din ang pagkatalo; makulay ang mga patalastas -ginagamit pa ang mga sikat na artista para i-promote ito kaya marami nga ang naaakit dito. Pero lingid sa ating kaalaman lahat ito ay nilikha para nga mahuli ang tao at malulong sa kanilang mga laro.

Ang pagsugal ay hindi bago bagkus binigyan ito ng bagong mukha ng digital technology, nagdala ng matinding panganib, at naging bukas 24-oras kada araw, 7-araw kada Linggo. Madalas isang pindot lang mula sa bank account o e-wallet, maaaring mawala sa isang tao ang lahat sa loob lamang ng isang iglap.

Sa pagsusugal ang konsensiya ay unti-unting nagiging manhid. Tinuturuan tayong isipin na ito ay “normal,” “pampasaya,” o “wala namang masama.” Pero ang Katesismo ng Simbahang Katolika ay malinaw patungkol dito: “…ang sugal ay mali kung ito ay nagdudulot ng pagkalulong o pagkaubos ng dapat ay para sa pangangailangan ng pamilya” (Catechism of the Catholic Church #2413).

Bakit kaya mukhang tahimik ang lipunan?

Bakit mistulang tahimik ang media, ang gobyerno at ang mundo ng negosyo? Ito kaya ay dahil lahat ay nakikinabang dito? Lumalabas na ang sugal ay sadyang hindi pinapansin ng media, pinapayagan ng pamahalaan, pinopondohan ng mga negosyo, at pinapatakbo ng mga online platforms dahil sa malaking kita mula rito. At ang nakakalungkot ay sa maraming pagkakataon ang mga pamilya, komunidad – pati na rin ang simbahan – ay nananatiling tahimik din sa taghoy ng dumaraming bilang ng mga humihingi ng tulong dahil sa pagkaalipin dito.

“Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa…” (Lucas 23:34)

Ganyan din ang ating dasal ngayon para sa mga naaalipin dahil sa sugal. Hindi na nila alam kung paano sila nalubog sa ganitong kalagayan—kaya’t sila ay namumuhay sa hiya, takot, at kawalan ng pag-asa.

Ito ang mga naririnig natin tungkol sa pagkalulong sa sugal:

  • “Ubos palagi ang sahod ko…” “Nagsinungaling na naman ako sa pamilya ko…”
  • “Yung pambili ng gamot at pagkain, naubos sa sugal ni Tatay…”
  • “Nalubog na ang kapatid ko sa utang…” “Nasira ang pamilya namin dahil sa sugal…”
  • “Hindi ko na alam kung paano titigil…”
  • “Hindi ko namalayan na ang mga anak ko ay addicted na pala sa online gambling…”
  • “Apektado na ang kanyang mental health.”

Hindi ito simpleng problema ng indibidwal. Isa na itong pampublikong krisis ng kalusugan sa lipunan, katulad na rin ng droga at iba pang bisyo. Sinisira nito hindi lamang ang tao kundi pati ang kanilang mga pamilya. At higit na ang pagkakalulong ng mga kaanak ng mga OFWs, gayundin ng mga kapatid nating halos wala nang sahod o ipon; nahihirapan sa pagtustos ng pang-araw-araw na pangangailangan, o mga kabataang nahihirapan sa pag-aaral, subalit nalulong pa sa online-gambling. Kaya, sino ang tunay na nakikinabang sa online-gambling?

Hindi natin matiis na manahimik sapagkat ang pagkasugapa at ang pagiging talamak ng sugal ay salot, isang virus na sumisira at pumapatay sa mga indibidwal, pamilya at lipunan. Itanong natin sa ating mga sarili: Uunlad ba ang bansa o barangay kung hinahayaan nating lumaganap ang ugali ng katamaran dahil sa walang puknat na sugal, pagkalugmok sa utang, pagkaalipin sa bisyo na nagdadala ng pagkasira ng mga pamilya at mga ugnayan, masamang epekto sa mental health? Uunlad ba tayo kung nalulusaw ang mga moral values natin? Magiging matatag ba tayo, maiaahon ba natin sa kahirapan ang bansa o ang pamilya natin, kung nagiging manhid tayo sa mali at masama? Hindi ba natin nakikita ang panganib sa kalusugan, mga krimen, karahasan, at banta sa kaligtasan na dulot ng talamak na sugal? Sugal ba ang sagot sa kahirapan?

At ano ang kinabukasan ng bansa kung ang mga kabataan ay madaling maakit sa online gambling, sapagkat halos wala nang restrictions? Ano’ng mangyayari kung habang sinasabi nating kailangan makapag-aral ang mga kabataan, magkaroon ng trabaho ang mga mamamayan, maging talamak naman ang sugal. Common good ba or public service ba ang mag-promote ng pansamantalang aliw subalit nagdadala sa higit na kahirapan?

Ano ba ang gusto natin: Culture of Resilience o Culture of Gambling? Kultura ng pagtataguyod o kultura ng pananamantala?

Malinaw ang paninindigan ng Simbahan: ang pagsasamantala sa kahinaan ng kapwa para lamang kumita ay kasalanan. Ang pagiging karaniwan na ng sugal, lalo na sa kabataan at mahihirap, ay isang napakalaking iskandalo. Bilang isang lipunan—ang pamahalaan, mga negosyante, paaralan at simbahan ay hindi dapat maging bulag, bingi at pipi sa nalilikhang pinsala nito.

Kaya kami bilang inyong mga Obispo ay nananawagan:

  • Sa lahat, na kilalaning ang pagkalulong sa sugal ay isang pampublikong isyu sa kalusugan, na dapat pagtuunan ng sapat na edukasyon, batas, at gamutan.
  • Sa pamahalaan, na lagyan ng karampatang kontrol ang mga online payment systems para hindi maging ganung kadali ang pagpasok sa mga sugalang ito online. Nawa’y ma-protektahan ang ating kabataan mula sa mga laro ng sugal sa mga online payment systems na ito.
  • Sa advertisers at media, na itigil ang romanticization ng sugal at ipakita ang totoo nitong epekto.
  • Sa mga ahensya ng gobyerno, kasama ang PAGCOR, na gawing tunay na prayoridad ang pangangalaga sa kapakanan ng nakakarami, at hindi ang pagtutulak ng sugal para lamang sa maaaring kitain mula rito.
  • Sa mga parokya, na maging aktibo sa pagtulong sa mga tao at pamilyang apektado ng sugal— at huwag manatiling tahimik o magsawalang-kibo.
  • Sa pamahalaan, mga mambabatas, at local government units, na tiyaking ang ikabubuti ng mga tao, ng bayan at kinabukasan, ang unang isaalang alang sa pagbibigay permits o pagsasabatas ng ano mang uri ng sugal. Huwag sanang hayaang dahil sa kinang ng pera ay isasakripisyo ang tunay na mahalaga.
  • Sa inyo mga kapatid, palagi nating unahin ang kapakanan ng bawat isa, ng pamilya; at ingatan ang mga ugnayan (relationships).

Nananawagan kami sa bawat konsensiya na isaalang-alang ang ikabubuti ng bansa, ng lipunan, ng mga kabataan, at ng kanilang mga kaluluwa. “Sapagka’t ano ang mapapala ng isang tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawalan naman siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” (Mat. 16: 26).

Hindi laban sa pagsasaya ang Simbahan. Pero kapag ang kasiyahan ay nagiging sanhi ng pagkaalipin, at ang “libangan” ay nagiging dahilan ng pagkawasak ng buhay—kailangan naming manawagan at magbigay ng babala.

Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo na Magpagaling

Nais naming magpa-alala na tayo’y makakaalpas sa pagkaalipin sa pamamagitan ng marangal na trabaho, at sa patuloy na pagtahak ng landas ng katotohanan, kabutihan, katarungan, at higit sa lahat sa biyaya ng Diyos.

Dumating si Hesus hindi upang humatol, kundi upang magligtas. Sa mga nalulong sa sugal, sa mga pamilyang tahimik na naghihirap, at sa lipunang nawawala na sa tamang landas, muling iniaalok ng Simbahan ang tunay na pag-asa na kay Kristo lamang maaaring matagpuan.

Sa mga nalululong: hindi kayo nag-iisa.

Ang inyong pinagdadaanan ay hindi kahinaan lang ng loob, kundi madalas ay nag-uugat sa malalim na sugat sa iyong buhay na maaaring lumikha ng lamat sa ating mga pag-iisip o damdamin. Binabago ng sugal ang pag-iisip, ginugulo ang wastong pagpapasya, at ninanakaw ang kapayapaan ng ating kalooban. At tulad ng suliranin ng droga, kailangan ng mga biktima ng malasakit, suporta, at paggabay—hindi panghihiya at panghuhusga.

Panawagan sa lahat:

Balikan natin ang tunay na kalayaan sa Ebanghelyo—hindi ang kalayaang gawin ang gusto, kundi ang kalayaang kumawala sa pagkaalipin. “Kapag pinalaya kayo ng Anak, kayo’y tunay na magiging malaya” (Juan 8:36).

Minamahal na bayan ng Diyos, huwag nawa tayo magsawalang kibo sa nangyayaring kasiraan na ito sa ating lipunan, mga kabataan at mga pamilya. Sa taóng ito ng Hubileo ng Pag-asa manguna nawa tayo sa pagpuna, pagtutol at pagpigil sa paglaganap at pagkalat ng ganitong uri ng sugal. Magdala nawa tayo pag-asa sa mga naging biktima ng bisyong ito at magsilbing mga kapatid na handang magpaalala, gumabay at tumulong sa kanila.

Nawa’y muli nating marinig sa ating mga simbahan, pamilya, at lipunan ang mensahe ng kalayaan na ito na dulot ni Kristo. At huwag na nating tawaging “libangan” ang mga bagay na itinuturing ng Diyos bilang “pagkaalipin.”

Sa lahat ng ito, hinihingi namin ang panalangin at tulong ng Mahal na Birhen, ang Immaculada Concepcion, at ang habag at awa ng Banal na Santatlo: Ama, Anak, at Espiritu Santo. Amen.

Para sa Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas:

+Pablo Virgilio S. Cardinal David, D.D.
Obispo ng Kalookan
Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines