SULAT-PASTORAL NG CBCP UKOL SA KATIWALIAN SA FLOOD CONTROL
“Bumuhos nawa ang katarungan na parang agos ng tubig, at ang katuwiran na parang ilog na walang tigil.” (Amos 5:24)
Minamahal naming mga Kapatid kay Kristo,
Sa kasalukuyan, sabayang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kongreso tungkol sa mga ma-anomalyang proyekto ng flood control. Pero kailangan nating itanong: paano ito magiging kapanipaniwala kung ang mismong mga institusyon na nagsisiyasat ay may kinalaman din? Sino ba ang nagpasok ng mga proyektong ito bilang pork barrel sa pambansang budget—madalas kapalit ng pondo para sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan?
Ang Baha ng Katiwalian
Matagal nang alam ng taumbayan ang “anatomy of corruption” sa mga proyektong pampubliko. Ibinunyag na ito ni Senador Panfilo Lacson. Kinumpirma rin nina Mayor Benjamin Magalong ng Baguio at Mayor Vico Sotto ng Pasig na ang sistemang patong-patong na “komisyon” ay sumisipsip ng halos 60% ng pondo, kaya’t wala pang kalahati ang tunay na napupunta sa proyekto. Kaya hindi nakapagtataka na palpak, substandard, at paulit-ulit na kinukumpuni ang maraming proyekto.
Sa mga nakaraang hearing, sa mga kontratista lang ibinato ang sigaw na “Mahiya naman kayo!” Pero dapat kasama sa kahihiyan ang lahat: mga mambabatas, district engineer, government auditor, at mga padrinong pulitiko. Pati na rin ang mga pribadong kontratista at financier na nakikipagsabwatan sa raket na ito. Matindi pa ring totoo ang salita ng propetang Isaias: “Ang mga pinuno ninyo’y suwail, kaalyado ng mga magnanakaw; mahilig sila sa suhol at habol ng regalo.” (Isaias 1:23)
Ngunit ang tunay na katarungan ay hindi lang basta parusa. Kailangan din nito ng pagsasauli ng yaman ninakaw sa kaban ng bayan. Hindi naman maghihirap ang marami sa mga sangkot kung isauli nila ang ninakaw, pero mananatiling dukha ang bayan kung hindi ito maibabalik. Ang ganitong uri ng reparasyon ay hindi paghihiganti kundi ang makatarungang pagbabalik ng dapat ibalik, upang ang taumbayan ang makinabang sa pondong talagang para sa kanilang kapakanan.
Lampas sa Survival Politics
Isang viral na pagninilay ng Filipina digital strategist at behavioral psychologist na si Kia Alvarez Abrera ang nagpapaalala sa atin: hindi lang dahil sa kapal ng mukha ng iilang nasa itaas kung bakit namamayagpag ang korupsyon. Nabubuhay din ito dahil sa survival politics na nagtutulak sa mahihirap na pasalamatan at gantimpalaan ang sinumang agad nagbibigay ng tulong, dahil pakiramdam nila ang mga pangakong pangmatagalan ay luho lamang. Ginamit ng patronage politics ang utang na loob at pakikisama. Ginawang “normal” ng mga dinastiya at disinformation ang katiwalian.
Pero mas mataas ang tawag sa atin ni Kristo: “Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay—buhay na masagana.” (Juan 10:10). Hindi sapat ang mabuhay lang para makaligtas. Dapat nating hilingin ang pananagutang nakikita at nararamdaman: mabilis na audit, tunay na pagpapanagot, at transparency na totoo. Pero dapat magsimula rin ito sa atin. Tuwing pinapalampas natin ang kasinungalingan o paggamit ng padrino, pinatitibay natin ang kulturang nagpapayaman sa mga magnanakaw ng bilyon-bilyon. Kaya sabi ni San Pablo: “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito, kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip.” (Roma 12:2)
At dahil ang pagbabagong ito ay nakaugat sa mga batayang prinsipyo ng pagiging tao, kailangan ding balikan ang wastong pagpapahalaga sa kabataan. Ang pagtuturo ng GMRC (Good Manners and Right Conduct) ay isang maagap na paraan para hubugin ang konsensya ng bata. Tulad ng paalala ni Robert Fulghum sa kanyang aklat na “All I Really Need to Know I Learned in Kindergarten”, ang pinakamahalagang aral sa buhay ay yaong pinakasimple: matutong magbahagi, maglaro nang patas, linisin ang sariling kalat, huwag kunin ang hindi iyo, atbp. Ang mga simpleng pagpapahalagang ito, kapag itinanim sa kabataan, ay pundasyon para sa isang kulturang tumututol at lumalaban sa katiwalian.
Panawagan, Lalo na sa Kabataan
Tulad ng ipinangako ng mga lider ng negosyo sa kanilang pahayag, ang pananagutan ay dapat pantay para sa mga opisyal ng gobyerno at sa mga pribadong kontratista. Hindi sapat ang blacklisting; ang sabwatan sa katiwalian ay krimen at dapat parusahan.
At sa inyo, mga kabataan: nasa inyo ang susi ng bagong kultura. Kayo ang nabubuhay sa digital world kung saan araw-araw nagbabanggaan ang totoo at kasinungalingan. Gamitin ninyo ang inyong mga plataporma, hindi lang para maglabas ng galit, kundi para maging mapagbantay. Ibulgar ang mali, ibahagi ang totoo, at igiit ang reporma. Gawin nating kahiya-hiya muli ang katiwalian.
MGA KONGKRETONG HAKBANG NA DAPAT NATING GAWIN SAMA-SAMA
Hindi lang ito tungkulin ng gobyerno, negosyo, o mga kontratista. Tungkulin din ito ng lahat, kasama ang Simbahan. Aminado tayong marami ring pagkakataon na tayo’y nabigo—sa pananahimik, sa pagtitiis sa katiwalian sa ating hanay, o sa hindi pagkakapakita ng tapat na halimbawa. Kaya dito magsisimula ang ating panawagan. Bilang isang sambayanan ng Diyos, magkaisa tayo sa mga hakbang na ito:
- Maging mapagbantay at magsalita – Huwag nating hayaang patayin ng pagkamanhid ang ating galit sa katiwalian.
- Tanggihan ang patronage politics – Huwag nating ipagbili ang ating boto kapalit ng pabor; humingi tayo ng integridad sa pamumuno.
- Isabuhay ang katapatan sa araw-araw – Nagsisimula ang integridad sa maliliit na bagay: sa pamilya, paaralan, trabaho, at barangay.
- Bumuo ng mga komunidad ng katotohanan – Magbahagi ng wastong impormasyon, labanan ang disinformation, at suportahan ang pananagutan.
- Sumali sa mga inisyatibang sibiko at simbahan – Makilahok sa mga kilusan para sa mabuting pamamahala, hustisyang pang-ekolohiya, at pagbabagong panlipunan.
- Suportahan ang panukalang magbuo ng isang independent commission – Manawagan tayo para sa isang malayang komiteng totoong magsisiyasat sa katiwalian sa flood control at iba pang insertions sa pambansang budget.
- Hilingin ang hustisya, hindi ang pagwawalang-bahala sa batas – Igiit natin ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga sistematikong nagnanakaw ng pondo ng bayan.
- Maging huwaran sa Simbahan – Itaguyod sa ating sariling mga institusyong pang-simbahan—mga diyosesis, parokya, Catholic schools, atbp. ang transparency at accountability, at ituwid ang anumang pagkukulang.
- Mamuhay nang simple, iwasan ang labis – Sa ating mga lider sa gobyerno, negosyo, at simbahan, nananawagan kami: talikuran ang luho at walang habas na konsumerismo, at yakapin ang simpleng pamumuhay at pakikiisa sa mahihirap.
Pangwakas
Kung bumabaha dahil ninanakaw ang pondo ng bayan, mas malala ang bahang dulot ng katiwalian na nilulunod ang kinabukasan ng ating bansa. Ngunit nangangako ang Diyos: “Kapag dumaan ka sa tubig, ako’y sasaiyo.” (Isaias 43:2).
Sama-sama nating iahon ang bayan sa baha ng katiwalian. Ipaglaban nating dumaloy ang katarungan na parang tubig sa buong bayan. Itayo nating muli ang ating bansa sa katotohanan, katarungan, at kabutihang pangkalahatan.
Para sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas:
✠ PABLO VIRGILIO S. CARDINAL DAVID
Obispo ng Kalookan
Pangulo, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines