“At kapag kayo’y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagpaimbabaw… Ang inyong Ama na nakakikita nang lihim ang siyang gaganti sa inyo” (Mateo 6:18).

Minamahal na mga Kapatid kay Kristo,

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Panginoong Hesukristo.

Sa pagdiriwang natin sa banal na panahon ng Kuwaresma 2026, inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang lahat ng mananampalataya na muling pagpanibaguhin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at mga gawa ng awa. Sa Ebanghelyo, ipinapapa-ala-ala sa atin ni Hesus na ang pag-aayuno ay hindi pagpapakitang-tao, kundi isang taimtim at lihim na paghahandog sa Diyos na nakakikita ng ginagawa natin nang lihim at nagbibigay-gantimpala sa katapatan ng puso.

Sa kasalukuyang panahon, kinakailangang tumugon din ang pag-aayuno sa mga bagong katotohanang humuhubog sa buhay ng tao. Isa sa pinakamalakas na impluwensiya ngayon ay ang “Digital Media”. Kaya naman inaanyayahan namin ang mga mananampalataya na isagawa ang pag-aayuno sa “Digital Media” bilang makabagong pagpapahayag ng pagbabalik-loob at espirituwal na pagpapanibago.

Pag-aayuno Higit pa sa Pagkain

Ang karaniwang pag-unawa sa pag-aayuno ay pag-iwas sa pagkain bilang tanda ng pagsisisi at pagtutuon ng atensiyon sa Diyos. Subalit ang pag-aayuno ay nangangahulugan din ng paglayo sa anumang puwedeng umagaw sa ating puso mula sa Diyos. Sa kasalukuyan, ang walang tigil na paggamit ng cell phone, social media, panonood ng streaming, paglalaro, at iba pang aliwang online ay madalas nang-aagaw sa ating atensiyon at nagpapahina sa ating buhay espirituwal.

Ang tunay na pag-aayuno, ayon sa turo ni Hesus, ay hindi pagpapakitang-tao kundi wagas na pagbabagong-loob. Kaya ang pag-aayuno sa “Digital Media” ay paanyaya upang muling matuklasan ang katahimikan, panalangin, pagmumuni-muni, at makabuluhang pakikipag-ugnayan sa kapwa. Hindi ito parusa sa katawan kundi pagpapalaya sa puso.

Bakit Kinakailangan ang Pag-aayuno sa “Digital Media” Ngayon

Ang teknolohiya ay biyaya kung gagamitin nang may responsibilidad. Gayunman, ang labis na paggamit nito ay nagdudulot ng pagkagambala, pagkapagod, kawalan ng pokus, paghina ng ugnayan, at pagliit ng kamalayang espirituwal. Ang palagiang koneksiyon ay nag-iiwan ng kakaunting puwang para sa katahimikan at pagninilay. Marami ang nahihirapang maging ganap na naroroon sa Diyos at sa kapwa sapagkat patuloy na nang-aagaw ng pansin ang mga screen. Ang pag-aayuno sa “Digital Media” ay tumutulong magpanumbalik ng balanse sa ating buhay at nagpapaalala na ang teknolohiya ay dapat maglingkod sa tao—hindi ang teknolohiya ang maging panginoon ng tao.

Ang Layuning Espirituwal

Ang pag-aayuno sa “Digital Media” ay hindi lamang tungkol sa pagtalikod sa isang bagay. Ito ay paglikha ng puwang para sa higit na mabuti. Sa pamamagitan ng paglilimita sa paggamit ng “Digital Media,” nagkakaroon tayo ng panahon para sa panalangin, pagninilay sa Banal na Kasulatan, debosyong Eukaristiko, mga gawa ng awa, at makahulugang pakikipagtagpo sa kapwa. Itinutuwid ng pag-aayuno ang ating pansin mula sa makasariling gawi tungo sa mapagmalasakit na paglilingkod. Hindi ito pagkakait, kundi pagbabagong-anyo.

Mga Praktikal na Paraan ng Pagsasagawa ng Pag-aayuno sa “Digital Media”

  • Iwasan ang paggamit ng telepono bago matulog at pagkagising.
  • Limitahan ang oras sa social media at streaming.
  • Magkaroon ng mga kainan at pagtitipong hindi ginagamit ang gadget.
  • Magsagawa ng 24-oras o pang-weekend na digital fast paminsan-minsan.
  • Alisin ang mga app na nakakagambala.
  • Palitan ang oras sa harap ng screen ng panalangin, paglilingkod, pagbabasa, o pakikipag-usap.

Pag-aanyaya kay Kristo sa Paggamit ng “Digital Media”

Ang pag-aayuno sa “Digital Media” ay hindi laban sa teknolohiya. Sa halip, itinatanong nito: Paano magagabayan ni Kristo ang ating paggamit ng “media”? Ang makatuwirang paggamit ng teknolohiya ay nagiging kasangkapan sa kabutihan at hindi pinagmumulan ng pagkagambala. Maaaring magkakaiba ang paraan ng bawat isa, ngunit ang lahat ay tinatawag sa kalayaan kay Kristo.

Mga Bunga ng Pag-aayuno sa “Digital Media”

  • Mas malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panibagong sigla sa panalangin.
  • Higit na linaw ng isipan at pagtutuon ng atensiyon.
  • Kapayapaang emosyonal mula sa kalayaan sa walang humpay na stimulasyon.
  • Mas maayos na pamamahinga at panibagong lakas ng katawan.
  • Mas matibay na ugnayan sa pamilya at pamayanan.
  • Panibagong pagpapahalaga sa sangnilikha at sa tunay na pakikipagtagpo.

Pangwakas na Paanyaya

Tinatawagan tayo ng Panginoon na mag-ayuno hindi nang may lungkot sa mukha kundi nang may kagalakang naghahangad ng pagbabago. Sa paglayo sa labis na paggamit ng “Digital Media”, muling binabawi natin ang katahimikan ng kalooban, pinatitibay ang ating mga ugnayan, at muling natutuklasan ang presensiya ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay.

Ipinagkakatiwala namin ang paanyayang pastoral na ito sa pamamagitan ni Maria, Ina ng Simbahan, at hinihikayat namin ang lahat ng diyosesis, parokya, pamilya, at pamayanan na itaguyod ang pag-aayuno sa “digital media” sa panahon ng Kuwaresma at maging sa mga susunod pang panahon.

Nawa’y pagpanibaguhin tayo ni Kristo sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.

Para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines,

Lubhang Kgg. na GILBERT A. GARCERA, D.D.
Arsobispo ng Lipa
Pangulo, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines
Kuwaresma, ika-13 ng Pebrero 2026